PARA sa Malakanyang, ang turismo at mga OFW ang sektor na pinakamatinding tinamaan ng pandemya dito sa bansa.
Sinabi ni Presidential spokesperson Harry Roque, posibleng magmula sa nasabing sektor ang sinasabi ng World Bank na tinaguriang new poor o ang mga dati nang nakabangon sa kahirapan at maaaring muling magbalik sa kahirapan dahil sa COVID-19 shock.
Nakalulungkot ani Sec. Roque ang nabanggit na katotohanan subalit pilit naman aniyang gumagawa ng paraan ang pamahalaan para agapan ang lalo pang pagkakalugmok ng mga nasa turismo at mga kababayan nating nagtatrabaho sa ibang bansa.
Sa katunayan, isa na aniya rito ang paraan na unti-unting pagbubukas ng turismo gaya ng pagbubukas na uli ng isla ng Boracay at siyudad ng Baguio simula ngayong araw na ito.
Bukod pa sa nandiyan din ang TESDA, Agriculture Department at DTI na hindi lang nagpapautang sa mga OFWs na napauwi kundi nagbibigay din ng suporta sinusuportahan din po natin sila na para magkaroon ng alternatibong hanapbuhay. (Bishop Jesus “Jemba” M. Basco)