Nanganganib mapanis ang nasa kalahating milyong bakuna laban sa coronavirus disease (COVID-19) sa susunod na buwan, pero ayon sa Department of Health (DOH), ginagawan na nila ng paraan para mapabilis ang pagdating nito sa braso ng mga mamamamayan.
Ito ang inilahad ni Health Undersecretary Myrna Cabotaje sa katatapos lang na Laging Handa briefing na inere sa state media ngayong araw.
Sa lagpas 2 milyong AstraZeneca vaccines na natanggap na ng Pilipinas, mahigit 1 milyon pa lang ang naituturok sa ngayon. 1.5 milyon sa kabuuang doses ang mag-e-expire sa ika-30 ng June habang nasa 500,000 naman ang mapapanis sa Hulyo, dahilan para gamitin itong second dose ng mga naturukan na noong Marso.
“May 1 million na tayong naibakuna ngayon, tapos another 500,000 [will be allocated] for our second dose. Almost 497,000 na lang ang kailangan nating maiturok as first dose as of June,” ani Cabotaje, Miyerkules.
“We are confident, by end of June, nai-jab na itong ating remaining 500,000 as first doses habang kinukumpleto natin ‘yung pang-second dose ng first batch.”
Para maging kumpleto ang proteksyong ibinibigay ng AstraZeneca, kailangan na dalawang doses ng nasabing bakuna ang maiturok sa tao.
Nasa 12 linggo ang pagitan ng una at ikalawang dose ng nasabing COVID-19 vaccine brand.
“Karamihan po ng nabakunahan galing sa 525,000 noong first batch ay ngayon pa lang magte-twelve weeks,” dagdag pa ni Cabotaje kanina.
Dumating ang unang batch ng 487,000 AstraZeneca vaccines na donasyon mula sa COVAX Facility ng World Health Organization noong ika-4 ng Marso, matapos ang ilang delays.
Ngayong buwan naman nang dumating ang ikalawang batch ng AstraZeneca sa bansa, na siyang umaabot sa 2,030,400 doses.
Tinatayang nasa 4.58 milyong doses ng naturang COVID-19 vaccine brand ang matatanggap ng Pilipinas bilang share nila mula sa COVAX facility.