Puntirya ni eight-division world champion Manny Pacquiao na masikwat ang matikas na knockout win kay World Boxing Association (WBA) welterweight champion Yordenis Ugas sa kanilang bakbakan sa Linggo (oras sa Maynila) sa T-Mobile Arena sa Las Vegas, Nevada.
Matagal-tagal na ring hindi nakakakuha ng KO win si Pacquiao na ang huli ay noon pang 2018 nang patumbahin nito si Lucas Matthysse sa seventh round.
Aminado si Pacquiao na KO win din ang makapagpapasaya sa milyun-milyong Pilipino sa iba’t ibang panig ng mundo na tututok sa laban.
“If there’s a chance for a knockout, then I’ll go for it because that’s what I want to give to the fans,” ani Pacquiao.
Ngunit hindi naman minamaliit ni Pacquiao si Ugas dahil malalim din ang karanasan nito.
Ilalabas ni Pacquiao ang kanyang A-game para makuha ang panalo.
“I’m not underestima-ting Ugas though. He has a lot of experience in boxing and fought in the Olympics. I know I have to be very good to win this fight,” dagdag ng Pinoy champion.
Nagdeklara naman si Ugas na hindi ito papayag na ma-knockout ng ganun-ganun na lamang ni Pacquiao.
Handa si Ugas na ibuhos ang lahat ng naitatago nitong lakas para pigilan ang matinding puwersang ilalatag ng Pinoy pug.
“I’m certain that he cannot knock me out. I’ve done all the preparation over these past six years to get in this position, I’ve hit my stride and I just don’t believe I can be stopped by Manny,” sambit ni Ugas.
Ito ang pinakahihintay na laban ni Ugas sa kanyang boxing career at hangad nito na magkaroon ng magandang resulta upang mas maging maningning ang kanyang pangalan.
“I’m thankful for the opportunity and I’m ready to take advantage of it. We’ve done everything we had to and we’re 100% ready to go Saturday night,” ani Ugas.
Ipinagmalaki ng chief trainer ni Ugas na si Ismael Salas na sanay na ang kanyang bata na lumaban sa mga world-class fighters.
Kabisado na rin nito ang estilo ng mga kaliweteng boxers gaya ni Pacquiao kaya’t hindi na ito magiging problema para kay Ugas.