• December 23, 2024
  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for September 3rd, 2021

15,331 kabataang Bulakenyo, tumanggap ng tulong pinansyal

Posted on: September 3rd, 2021 by @peoplesbalita No Comments

LUNGSOD NG MALOLOS – Hanggang Agosto 20, 2021, may kabuuang 15,331 Bulakenyong iskolar ang tumanggap ng kanilang scholarship grant mula sa Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan sa pangunguna ni Gob. Daniel R. Fernando sa ilalim ng Tulong Pang-Edukasyon Gabay ng Bagong Henerasyon Scholarship Program.

 

 

Kabilang sa mga benepisyaryo ng nasabing iskolarsyip para sa 2020-2021 1st sem ay ang 3,707 estudyante mula sa Other School/Private Colleges kung saan tumanggap ang bawat estudyante ng tig-P3,500 bawat isa; 3,398 estudyante mula State, Universities at Colleges na nag-uwi tig-P3,000 bawat isa; 2,734 estudyante mula Senior High School (Public) at 1,543 estudyante mula sa Senior High School (Private) ang nakakuha ng P3,000 bawat isa; 320 esudyante ng Masteral at 40 na kumukuha ng Board Reviews ang nag-uwi ng tig-P5,000 bawat isa; 16 Academic students na mayroong tig-P5,500, habang pinagkalooban ang 3,573 learners ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan na naka- enrol sa Bulacan Polytechnic College (BPC) ng ‘Katibayan ng Pagiging Iskolar’.

 

 

Ipinaabot naman ni Shulamite dela Peña, 3rd year Communication Arts na estudyante mula sa La Consolacion University, ang kanyang pasasalamat sa nasabing programa.

 

 

“Malaking tulong ang scholarship sa aming mga estudyante lalo na sa mga walang kakayahang magbayad ng tuition fee sa mga private school, gayundin sa mga mag-aaral sa public para sa mga gastusin sa mga project tulad ng thesis at iba pa,” ani dela Peña.

 

 

Samantala, ibinahagi naman ni Shirley Francisco, isa sa mga magulang ng mga iskolar, ang kanyang pasasalamat sa programa sa pamamagitan ng pag-komento sa opisyal PGB FB Page.

 

 

“Nakatataba po ng puso bilang isang ina na mapabilang ang anak sa programang ito, hindi lang po dahil sa pinansyal na tulong, mas higit po ang pakiramdam na nakaka-proud dahil ang anak ko ay nagiging modelo at inspirasyon ng kapwa niya kabataan/estudyante na nagsusumikap makapag-aral sa kabila ng pandemya. Maraming salamat po Lord. Sabi nga po ni Gob. Daniel, Ikaw ang tunay na dapat papurihan dahil may mga ginagamit kang tao para sa marami mong blessings,” aniya. (Bishop Jesus “Jemba” M. Basco)

Health Centers sa Maynila, bubuksan para sa bakunahan

Posted on: September 3rd, 2021 by @peoplesbalita No Comments

Bubuksan  na rin at gagamitin ang mga barangay health centers sa Maynila para sa ‘vaccination drive’ upang mas maabot umano ang mga hindi pa nababakunahan na residente.

 

 

Ito ang inihayag ni Manila City Mayor Isko Moreno kahapon dahil sa ‘saturated’ na umano ang bakunahan sa Maynila at kakaunti na lamang ang hindi natuturukan.

 

 

“Kakaunti na lang ang ‘di nababakunahan. Si­mula bukas pati mga health centers natin bubuksan na para iyong hindi pa, malapit na sila sa kanilang bahay,” ayon sa alkalde.

 

 

Sa pinakahuling datos ng Manila Health Department niotng Agosto 26, nasa 1,226,974 indibiduwal sa 1,351,487 populasyon na tinukoy ng Department of Health, ang nabakunahan na.

 

 

Sa naturang bilang ng nabakunahan, nasa 766,418 ang ‘fully vaccinated’ na.  May kabuuang 1,954,585 doses ng bakuna naman ang naiturok na sa Maynila.

 

 

Samantala, naitala sa 71% ang occupancy rate ng COVID-19 beds sa anim na district hospital sa Maynila.  Pinakamataas dito ang Gat. Andres Bonifacio Hospital na may 104% occupancy rate, kasunod ang Ospital ng Sampaloc na may 98% at Ospital ng Tondo na may 83%.

 

 

Mababa naman ang occupancy rate ng mga COVID-19 quarantine faci­lities sa siyudad na naitala sa 21%.

IATF maghihigpit sa PBA

Posted on: September 3rd, 2021 by @peoplesbalita No Comments

Maghihigpit ang Inter-Agency Task Force (IATF) sa pagpapatupad ng health protocols sa pagbabalik-aksyon ng PBA Season 46 Philippine Cup sa Bacolor, Pampanga.

 

 

Sa patakaran ng IATF at Department of Health, sa oras na umabot sa anim na teams ang nagkaroon ng positibo or kumpirmadong kaso ng coronavirus disease (COVID-19), agad na ipatitigil ang liga.

 

 

Ito ang inihayag ni PBA commissioner Willie Marcial kaya’t patuloy ang panawagan nito sa lahat ng pla­yers, coaches, officials at staff na sumunod sa health protocols.

 

 

Pinag-iingat din nito ang lahat para masigurong ligtas habang isinasagawa ang mga laro.

 

 

Awtomatiko ring matitigil ang liga sa oras na inilagay ang Pampanga sa mas mahigpit na Enhanced Community Quarantine (ECQ).

 

 

“Kapag six teams nagka-positive tigil ang liga. Kapag sinabi ng Pampanga na ECQ sila hindi tayo maglalaro,” ani Marcial.

 

 

Kasalukuyang nasa Modified General Community Qurantine (MGCQ) pa ang Pampanga.

 

 

Subalit patuloy ang paglobo ng bilang ng mga tinatamaan ng COVID-19 sa bansa kaya’t lubos ang panawagan ng PBA management sa pag-iingat lalo pa’t semi-bubble (hotel-venue-hotel) ang ipatutupad sa restart.

 

 

Isa sa mga hakbang ng PBA ang pagkakaroon ng regular antigen test sa mismong araw ng play date sa lahat ng teams na maglalaro.

JULIA, pinupuri ng netizen at celebrities dahil pursigido na makatapos sa pag-aaral; ‘Dean’s Lister’ pa

Posted on: September 3rd, 2021 by @peoplesbalita No Comments

PINUPURI si Julia Montes ng netizens dahil sa pagpupursige niya na makatapos sa pag-aaral kahit kasabay ito ng kanyang pag-aartista.

 

 

Ang kinukuha niyang kurso sa Southville International School and Colleges ay BSBA Major in Marketing Management, na dahil sa taas ng nakuha grado ay qualify siya sa Dean List ng Second Semester ng Academic Year 2020-2021.

 

 

Caption ni Julia, “Thank you @southville_is, (kasama ng heart emoji).
“Gusto ko lng po magpasalamat kay GOD sa lahat ng blessing na binibigay nya sakin na nakakapagaral po ko habang nagtratrabaho… thank you sa family ko , sa mga professor ko at sa lahat ng mga taong nagmamahal sakin dahil kayo po ang inspiration ko para matupad lahat ng dreams ko. thank you God!”

 

 

Marami naman na celebrity friends na agad na bumati sa achievement na ito ni Julia, kasama nga natuwa at nag-congratulate sina Angel Locsin, Isabel Oli-Prats, John Prats, Melissa Ricks, Ana Roces, Jodi Sta. Maria, Maxene Magalona, Carmen Soo, at marami pang iba, kasama ng mga followers niya.

 

 

For sure, isa si Coco Martin na proud and happy para kay Julia dahil kahanga-hanga talaga ang kanyang ginawa, na tulad ng mga working students na pursigidong makatapos, artista man o hindi. Nag-focus talaga sa pag-aaral para makakuha ng college degree. Tapos, Dean’s Lister pa.

 

 

Magandang gawin model lalo na ng mga bagets na kahit nasa showbiz ay willing talagang magtapos ng pag-aaral.

 

 

***

 

 

BILANG panimula ng pinakaunang Philippine Film Industry Month ngayong Setyembre, ang On The Job: The Missing 8 ni Erik Matti, ang nag-iisang Asian film na napili para lumahok, ay ipagmamalaking irerepresenta ang bansa sa ika-78 na Venice International Film Festival sa Italya mula Setyembre 1 hanggang 11.

 

 

Ang crime thriller sequel sa On The Job ni Matti, ang On The Job: The Missing 8 ay magkakaroon ng world premiere upang makipagkumpetensya para sa Golden Lion, ang pinakamataas na premyo sa Venezia 78 Competition, laban sa iba pang 20 na kalahok. Si Academy Award Best Director Bong Joon-ho ng multi-awarded South Korean film na Parasite ang mamumuno sa hurado ng kompetisyon.

 

 

Ang kalahok na pelikula ay nakasentro sa isang tiwaling media man na ginanap ni John Arcilla, na naghahanap ng hustisya para sa pagkawala ng kaniyang mga kasamahan na nakasagupa ang isang inmate-hitman na ginanap ni Dennis Trillo.      Pinagbibidahan din ang pelikula nina Dante Rivero, Christopher De Leon, Lotlot De Leon, Leo Martinez, Joey Marquez, Eric Fructuoso, Vandolph Quizon, Agot Isidro, Sol Cruz, Wendell Ramos, Lao Rodriguez, Andrea Brillantes, Isabelle De Leon, Megan Young, Levi Ignacio, at Carlitos Sigueon-Reyna. 

 

 

Sa Setyembre 12, ang tatlong unang bahagi ng anim na parteng HBO Asia Original series na On The Job ay ipapalabas ng eksklusibo sa HBO GO, na mayroong ilalabas na bagong episode tuwing Linggo.

 

 

On The Job: The Missing 8 Screening Schedule: September 9, 7:30 PM – Sala Giardino and September 9, 8:00 PM – Sala Darsena

 

 

Access: Press, Industry

On The Job Red Carpet: September 10, 2:30 PM

On The Job GALA PREMIERE Screening:

2:45 PM – Sala Grande

Access: Tutti gli Accrediti

On The Job Screening:

6:30 PM – Rossini 1

Access: Pubblico

On The Job Screening:

6:30 PM – IMG Candiani 1

Access: Pubblico

On The Job Screening: September 11, 9:30 AM – IMG Candiani 1

September 11, 9:30 AM – Rossini 1

Access: Pubblico

September 11, 2:00 PM – Sala Darsena

Access: Pubblico, Tutti gli Accrediti

 

 

Ang proyekto na tumanggap ng Film Development Council of the Philippines (FDCP) FilmPhilippines Film Location Incentive Program (FLIP) at partner ng Epicmedia Productions, Inc., ang “Electric Child” ni Simon Jaquemet at ang Japan-France-Philippines co-production, ang “Plan 75” ni Chie Hayakawa ay lalahok sa Venice Gap-Financing Market, isang platform na dinisenyo para suportahan ang European at international producers upang siguraduhin ang financing ng kanilang mga proyekto sa pamamagitan ng one-to-one meetings sa mga potensyal at internasyonal na mga propesyonal.

 

 

“The participation of Matti’s ‘On the Job: The Missing 8’ in Venice commences the very first celebration of the Philippine Film Industry Month. We are proud and honored to be a part of this triumph which will inspire our hopeful Filipino filmmakers and significantly elevate the industry, further promoting the advocacy of the agency,” wika ni FDCP Chairperson and CEO Liza Diño.

 

 

Sa Setyembre 9, magdaraos ang FDCP ng mga kaganapan sa Venice: Ang On The Job Cocktails, Philippines Production Table at Spot on Screens sa Venice Production  Bridge, at ang Panel Discussion na “From the Philippines to the World: The On The Job Franchise and Exploring New Ways of Global Content Distribution” Ang Venice Film Festival Programmer Paolo Bertolin and moderator kasama sina “On The Job” director Matti and producer Dondon Monteverde bilang mga panelist.

 

 

Itinatag noong 1932, ang Venice ang pinakamatandang film festival sa mundo. Kasama nito ang Cannes Film Festival at ang Berlin Film Festival na kilala bilang isa sa tatlong pinaka-prestihiyosong film festival sa mundo. Parte ng Venice Biennale ang festival, isang mahalagang cultural festival na ginaganap ng bawat dalawang na tampok ang international art exhibitions, arkitektura, visual arts, cinema, sayaw, musika, at teatro.

 

 

Ang Venice International Film Festival na may temang “The Venice Biennale: Cinema in the Time of COVID,” ay tatakbo mula Setyembre 1 hanggang 11.

 

 

Para sa karagdagang impormasyon sa Venice Film Festival 2021 at sa mga kalahok na pelikula at proyekto, bisitahin ang kanilang website sa  www.labiennale.org/en/cinema/2021.

(ROHN ROMULO)

Gilas Pilipinas kasama ang South Korea sa Group A ng FIBA World Qualifiers

Posted on: September 3rd, 2021 by @peoplesbalita No Comments

Makakasama ng Gilas Pilipinas sa Group A ng 2023 FIBA World Cup Qualifiers ang New Zealand at South Korea.

 

Nasa Group B naman ang Australia, China, Japan at Taiwan.

 

 

Habang sa Group C ay ang Jordan, Lebanon, Indonesia at Saudi Arabia.

 

 

Pinangunahan naman ng bansang Iran ang Group D kasama ang Kazakhstan, Syria at Bahrain.

 

 

Gaganapin ang first window ng home-and-away sa Nobyembre habang ang susunod n window para sa first round schedule ay sa Pebrero, Hunyo at Hulyo sa susunod na taon.

 

 

Ang tatlong koponan sa bawat grupo ay aabanse na sa ikalawang round.

 

 

Huling nagharap ang Pilipinas at South Korea ay noong nakaraang dalawang buwan sa Asia Cup qualifiers sa Clark kung saan nagwagi ang Gilas 81-78.

 

 

Ang pinakamataas na panalo ng Pilipinas sa FIBA World Cup ay noong 1954 sa Rio de Janeiro kung saan nakuha nila ang bronze medal kasama si Carlos Loyzaga.

Ads September 3, 2021

Posted on: September 3rd, 2021 by @peoplesbalita No Comments