MULA sa Partido Liberal, sumanib sa partido ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso na Aksyon Demokratiko si Caloocan 2nd District Rep. Egay Erice kasama ang ilang mga konsehal sa nasabing lungsod ngayong araw.
Pinangunahan ni Domagoso ang isinagawang “oath-taking ceremony” nina Erice at mga kasamang konsehal nito sa Kapetolyo na matatagpuan sa Kartilya ng Katipunan matapos ang ginanap na “flag raising ceremony” ngayong umaga.
Kasama ni Erice na nanumpa ay sina Caloocan City Councilors Alou Nubla, Christopher Malonzo, Alex Mangasar, Ricardo Bagus, Jerome Balete, Jefferson Paspie, gayundin sina Jacob Cabochan at dating Caloocan City Administrator Russel Ramirez.
Pinasalamatan naman ni Domagoso ang mga nasabing opisyal dahil sa ginawa nilang pagtitiwala at pagsama sa Aksyon Demokaratiko.
“Welcome po kayo sa Aksyon. We can work with anyone, as we have been showing in the City of Manila. Kalaban man o kakampi sa pulitika, kasama namin sa pamamahala,” ani Dmagoso.
“Natutuwa naman ako, ang Manila at Caloocan ay may kasaysayan na malalim sa lumang panahon ng pag-aalsa ng mamamayan laban sa pananakop ng Kastila,” dagdag pa ni Yorme.
Pinuri naman ni Erice si Yorme Isko dahil sa “efficient” o mahusay na pagtugon nito na labanan ang pandemya na dulot ng COVID-19 kung saan maging ang mga residente ng Caloocan ay napansin ang mga pagsisikap ng pamahalaang Lungsod ng Manila.
Matatandaan na kamakailan lang ay inihalal si Yorme Isko bilang Pangulo ng Aksyon Demokratiko, na itinatag ni yumaong Senador Raul Roco noong 1997. (Bishop Jesus “Jemba” M. Basco)