HINDI naabutan ng mag-asawa si Andrea sa bahay kung saan ito namamasukan bilang kasambahay. Pero nalaman naman nila sa guard kung saan ito nagtungo kaya sinundan nila ito.
Sa Villa Luna Subdivision sa harapan ng dati nilang tahanan na nakapinid ngayon bakas ang pinagdaanang trahedya ay naabutan nila ang isang dalagang nakatalikod at matamang nakatitig doon.
“Bela…” halos hindi makahinga si Angela nang bigkasin ang pangalang iyon.
Unti-unting napalingon sa kanila ang dalaga.
“Tinawag nyo po akong Bela?”
“Andrea, ikaw si Andrea diba?” si Bernard.
Tumango ang dalaga.
“Ma’am Angela, Sir Bernard?” alanganing tanong ni Andrea. Namukhaan niya ang mga ito dahil nakikita na niya sila sa picture mula sa facebook.
Tumango ang dalawa. Hindi napigilan ni Angela ang sarili na lapitan at yakapin ang dalaga.
Nabigla si Andrea ngunit habang yakap siya ni Angela ay unti-unti na rin niyang iniyakap ang mga kamay niya rito.
Nang biglang tumunog ang cellphone ni Bernard. Si SPO2 ang nasa kabilang linya.
“Bernard, good news, may lead na tayo tungkol kay Bela!”
“T-talaga?” sagot ni Bernard na ang mga mata ay nakapako sa magkayakap na sina Angela at Andrea.
“Ma’am Angela, paano po kayo nakapunta rito?”tanong ng dalaga nang magbitaw sila ng yakap.
“Sinabi ng guard. Gusto kasi namin na sorpresahin ka sana sa pagbisita namin doon sa tinutuluyan mo. Pero, anong ginagawa mo rito?”
“Ahm…gumagaan po ang pakiramdam ko kapag nagpupunta ako rito at tinitingnan ang lumang bahay na iyan.”
“Bakit?” muling tanong ni Angela.
Ilang saglit bago sumagot si Andrea. Huminga muna siya ng malalim.
“Ang sabi po ng kumupkop sa akin, posibleng dito raw ako nakatira.”
“Kumupkop?”
“May sumagip daw po sa akin mula sa malaking pagbaha na nagyari dito noon, nung bata pa raw ako. Yung sumagip sa akin, ibinigay naman ako sa isang mag-asawa na naroon din sa pangyayari. At sila na nga po ang kinilala kong mga magulang. Ang sabi nila, posibleng dito ako nakatira. Kaya umaasa po ako na isang araw ay madaratnan ko rito ang tunay kong pamilya.” muling humugot ng malalim na paghinga si Andrea bago nagpatuloy. “ Nakakalungkot lang po kasi, sabay na namatay sa car accident ang kinilala kong mga magulang.”
Dahil sa narinig ay hindi na naintindihan ni Bernard ang sinasabi ni Marcelo. Natuon ang atensyon niya kay Andrea.
“Mula po nung mawalan ako ng pangalawang mga magulang, hindi ko na alam ang magiging direksyon ng buhay ko. Hanggang sa meron po ulit na sumagip sa akin mula sa muntik ko nang pagkapariwara. Siya po ang naging sandalan ko sa panahon na wala akong masulingan. Hindi ko lang alam kung bakit bigla na lang nagbago ang pakikitungo niya sa akin, kaya naisipan kong lumayo at mamasukan na lang. At doon ko na nga natagpuan ang isang kaibigang tulad ni Janine. “
Hindi namalayan ni Andrea na tumutulo na pala ang luha niya. Gayundin si Angela.
Nilapitan ni Bernard ang dalawa.
“Andrea…ako at si Angela ay nawalan ng anak noong kasagsagan ng baha…at ang bahay na palagi mong binibisita at tinitingnan, ay ang mismong bahay namin…”
Natigilan si Andrea.
“P-po?”
Nagkatinginan sina Angela at Bernard. Ang kanilang tingin sa isa’t-isa ay nagsasabi ng pareho nilang nararamdaman sa mga sandaling iyon.
“Posibleng ikaw ang aming anak na matagal na naming hinahanap!” patuloy ni Bernard.
Walang mapaapuhap na salita ang dalaga. Tila biglang nagkaroon ng bara ang kanyang lalamunan.
Naglipat ang tingin niya sa lumang bahay at sa mag-asawa.
“Tama si Bernard, posibleng ikaw ang aming si Bela!” halata ang excitement sa boses ni Angela. “Andrea, kung papayag ka, magpa-DNA tayo!”
Hindi makapaniwalang napatango na lang ang dalaga. deep inside ay agad niyang hiniling na sana nga ay sila na ang kanyang tunay na mga magulang.
Muling niyakap ni Angela si Andrea. Sa pagkakataong iyon ay nakiyakap na rin si Bernard habang ang tingin ay nasa luma nilang bahay. Minsan pa ay nanariwa sa isip ang masasaya at mapapait na alaalang nakapaloob doon, sa dream house na ipinatayo niya para kay Angela. Kung mabubuo na sila ay muli niyang bubuksan ang bahay para sa bagong yugto ng kanilang buhay kasama si Lola Corazon.
Nang makabalik sa pinaglilingkurang bahay ay speechless si Andrea. Sari-sari ang emosyon na nararamdaman niya. Masaya na kinakabahan na hindi niya mawari. Hindi siya makapaniwala sa malaking pag-asa na matutupad na ang matagal niyang hiling na matagpuan ang tunay niyang mga magulang. Kasabay nito ay ang takot din niyang mabigo sa pag-asang iyon.
“Andrea, ba’t parang napapatulala ka, kanina ka pa hinahanap ni Sir Jeff. ” si Manang Sonya na napatingin sa dalagang nakatayo sa pintuan ng kusina at nakatulala.
“Bakit po?”
“Magpapamasahe raw siya kasi nananakit ang buong katawan niya, as usual pinagod na naman kasi ang sarili sa mga walang kwentang bagay sa labas.”
“M-magpapamasahe?”
“Oo. Bakit, diba dati naman siyang nagpapamasahe sa’yo?”
“O-opo, sige po magpapalit lang ako ng damit.”
Kinabahan ang dalaga. Kahit mahal niya ang binata ay ayaw na niyang maulit ang nangyari sa kanila. Hindi pa dapat. Hindi tama. Lalo pa at nahihirapan siyang alisin sa isip niya ang bawat eksena nila nung gabing iyon.
Kumatok muna siya bago pumasok sa silid ni Jeff.
“Tuloy.”
“Sir Jeff, mamasahehin ko na po kayo.” nag-alangan pa siyang pumasok dahil natatakpan lang ng tuwalya sa bandang ibaba ang hubad na katawan ng lalaki habang nakadapa ito.
“Sige, simulant mo na, saan ka ba kasi galing?”
“May pinuntahan lang po.”
Nakasimangot na nilingon siya ng binata.
“Nakipagkita ka ba kay Jared?”
“Hindi sir.”
“Buti naman. Kasi ayokong makipagkita ka sa kanya o sa kahit na sinong lalaki.”
Hindi na umimik si Andrea. Ayaw niyang makipagtalo sa amo sa mga ganoong usapin. Agree naman siya sa sinabi nito dahil wala naman talaga siyang ibang gustong makita kundi ito lang, dahil ito lang ang lihim na nilalaman ng kanyang puso. Rude pero kinikilig pa rin siya rito.
Ang bawat hagod ng kamay niya sa likod nito ay naghahatid sa kanya ng kakaibang boltahe ng kuryente. Parang minamasahe rin ang kanyang puso.Hindi niya maiwasan na hindi mapangiti dahil dito kaya nagulat siya nang muli siyang lingunin nito at maaktuhan ang mga ngiting nasa kanyang labi.
Napangiti rin ito sabay hila sa kanyang kamay.
“Sir Jeff!”
Dahil sa paghila nito sa kamay niya ay nagkalapit ang kanilang mga mukha. Pakiramdam ni Andrea ay huminto ang pag-ikot ng kamay ng orasan at ang lahat ng bagay sa kanilang paligid ay na-freeze.
Sinamantala naman ni Jeff ang pagkakataon na unti-unting mailapit sa labi ng dalaga ang labi niya. Konting konti na lang at maglalapat na ang mga ito ngunit hindi ito itinuloy ng binata na alam niyang inaasahan na ng dalaga. Inilayo niya ang labi at saka tumayo at tatawa-tawang iniwan ito sa silid.
Sinadya niyang bitinin si Andrea at natutuwa siyang makita ang reaksyon nito na tila namula sa hiya.
Hindi na nag-aksaya pa ng panahon ang mag-asawang Bernard at Angela. Kasabay ng pagkausap nila kay Marcelo tungkol sa lead nito ay ang kanilang pagpapa-DNA.
Tulad nila ay sobra ring kinakabahan si Andrea. Hindi pa man lumalabas ang resulta ay naguguluhan na siya kung paano niya haharapin ang sobrang kasiyahan kung sila nga ang tunay niyang mga magulang. Hindi rin niya alam kung papaano haharapin ang kabiguang naghihintay kung sakali.
Habang si Angela ay panay naman ang dasal na sana sa pagkakataong ito ay hindi na sila mabigo.
Maya-maya pa ay lumabas na ang doktor na may hawak ng kanilang DNA test result. Halos sabay sabay silang napatayo mula sa kinauupuan.
Iniabot ng doktor kay Angela ang resulta.
Nanginginig ang mga kamay na binuksan ito ni Angela at agad binasa ang nasa hulihang bahagi.
Natigilan siya.
(ITUTULOY)