KAMPANTE si Cecilia sa kanyang naging desisyon. Akala yata ng tatlong ulupong ay mababahag ang buntot niya.
Bago umalis ay itinutok pa ni Bert ang baril niya sa sentido ni Cecilia.
“3 days lang ang ibibigay naming palugit para maibigay mo ang kailangan namin. Kung hindi, alam mo na ang mangyayari Cecilia, kaya sana huwag kang sasablay. Hindi ka lang sa amin mananagot kundi maging kay Roden!”
Hindi kumibo si Cecilia hanggang sa makaalis ang mga ito. Nang masiguro niyang wala na ang tatlong ulupong ay saka niya inilabas ang cellphone na nasa bulsa. Pinakinggan niya kung ano ang nasagap nito.
Kinabukasan.
Tinawagan ni Regine ang assistant ni Bernard. Inalam kung pumasok ang lalaki. Napangiti siya nang malaman na naroon ito sa opisina. Ibig sabihin ay makakauwi siya sa apartment nang hindi kinakabahan na baka inaabangan siya nito roon.
Tahimik na binuksan ni Regine ang pinto ng apartment gamit ang sariling susi. Ngunit pagbungad niya sa pintuan ay nabigla siya nang makita roon si Bernard. Tiim bagang na nakaupo sa sofa.
“Bernard!”
“Kagabi pa ako nandito at naghihintay, kaya sana huwag mo ng sayangin ang oras ko Regine. Sabihin mo na sa akin ngayon ang mga dapat kong malaman!”
“P-paano ka nakapasok dito?”
“Hindi na importante ‘yon. Sagutin mo na lang ang tanong ko…”
Humakbang palapit si Regine.
“Yes. Of course. Sasabihin ko naman talaga sa’yo, kaya lang, ang pangit naman nung atake mo sa akin na para bang ako ang may kasalanan…”
“Huwag na tayong magpaligoy ligoy Regine, sabihin mo na ngayon ang nalalaman mo.”
“Ok fine. Si Roden…”
Napatayo si Bernard.
“Sinasabi ko na nga ba!”
“Noong magkita kami sa building, nagulat ako dahil hindi ko ini-expect na makikita ko siya ro’n. Tapos inaya niya akong magkape, dahil dati ko naman siyang kaibigan pinaunlakan ko siya. And then he told me everything kasama na ang galit niya sa’yo na hindi niya makalimutan. Nasabi rin niya sa akin na nagbalik siya para maghiganti…it’s all because of Angela, gagawin niya ang lahat para sa kanya.”
Lumapit pa si Regine sa lalaki.
“Ang sabi niya, idadamay niya si Bela. Gusto niyang maramdaman mo ulit kung anong naramdaman mo noon nung mawala ang anak nyo…and after Bela, ikaw na ang isusunod niya…para maging masaya na sila ni Angela.”
Kumuyom ang palad ni Bernard.
“You know what, kung alam ko nga lang na gano’n ang mga lalabas sa bibig niya, sana nai-record ko para may ebidensya akong ihaharap sa’yo ngayon.”dagdag pa ng babae.
“Hindi na kailangan. Magtutuos kami ni Roden!”
Ramdam na ramdam ni Regine ang nag-uumapaw na galit sa dibdib ni Bernard. Balak sana niya itong pakalmahin sa mga yakap niya ngunit nagmamadali na itong lumabas ng apartment.
Pagkaalis ni Bernard ay tinawagan ulit niya ang assistant nito at sinita.
“Hoy, akala ko ba nandiyan sa office si Bernard?”
“E ma’am ang bilin kasi niya kapag may naghanap sa kanya sabihin kong busy siya sa office at hindi pwedeng istorbohin.”
“F*** you!”
Matapos isend kay Angela ang narecord ng cellphone niya ay dumiretso na kay Chief Marcelo si Cecilia para ibigay ang kanyang ebidensya kaugnay sa pamamaril kina Jeff at Bela.
“Salamat Cecille. Tatawagan ko si Bernard. Ikakasa na rin namin ang pagdakip sa mga ulupong na ‘yon at sa mastermind nilang si Roden!” ani Chief Marcelo.
Hindi makontak ni Angela si Bernard kaya nagsimula siyang mag-alala.
“Bernard, nasaan ka?”
Sa tulong ng isang mapagkakatiwalaang kasamahan sa trabaho ay nakuha ni Bernard ang address ni Roden. Pero pekeng address lang pala ito.
Sa kotse…
“Hindi mo ako mapagtataguan Roden, hindi mo matatakasan ang ginawa mo!”
Nagpunta muna si Bernard sa ospital upang magpakita kay Angela at alamin ang kalagayan ni Bela.
Agad siyang niyakap ng asawa. Naroon din si Cecilia.
“Bernard, nag-alala ko sa’yo sweetheart!”
“Ayos lang ako. Natanggap ko na ang sinend mo at nakausap ko na rin sa phone si Marcelo. Nagrequest na ako ng mga pulis dito na magbabantay sa inyo.”
“Bakit Bernard, saan mo balak pumunta?”
“Maghaharap kami ni Roden. Hindi ako papayag na hindi niya pagbayaran ang ginawa niya.”
“No Bernard, hayaan na natin ito sa mga pulis, ayokong pati ikaw malagay sa alanganin!”
“Hindi ako matatahimik sweetheart, kaya hayaan mong gawin ko ang dapat kong gawin bilang padre de pamilya.”
Bumaling si Bernard kay Cecilia.
“Cecille, salamat sa tulong mo.”
“Walang anuman Bernard…”
Nang dumating na ang mga pulis na magbabantay kina Angela ay muling umalis si Bernard. Malungkot siyang inihatid ng tanaw ng asawa.
Samantala.
Walang kamalay malay si Roden sa panlalaglag na ginawa sa kanya ni Regine at gayundin ng tatlong ulupong. Kaya kampante pa rin siyang nagpunta sa kumpanya. Ngunit pagpasok niya sa building ay namataan agad niya ang mga pulis kausap ang staff sa information area. Kinutuban siya kaya bumalik siya sa kotse. Siya namang pagdating ng kotse ni Bernard.
“RODEN!” sigaw nito.
Sa halip na huminto ay diretso pa ring sumakay ng kotse si Roden at mabilis itong pinaandar. Kasunod niya si Bernard. Daig pa nila ang nasa karerahan. Hanggang sa maisipan na ni Roden na barilin si Bernard habang patuloy siya sa pagmamaneho. Mabuti na lang at sumasablay ang bawat baril niya dahil hindi siya makapokus.
Para silang nasa isang pelikula na sumuot man sa makitid na kalsada ay nagagawa pa ring makalusot. Halos lumipad ang mga gulong huwag lamang magpang-abot. Kapwa balot ng galit sa isa’t-isa.
Desidido si Bernard na tapusin na ang laban ngayon sa pagitan nila at sisiguraduhin niya na maibibigay niya ang hustisya para sa kanyang pamilya. Pinalampas na niya noon ang pagtatago ni Roden kay Angela, pero ang ginawa nito para subukang patayin ang kanyang anak ay hinding hindi na niya mapapatawad.
Itataya na niya ang buhay niya para sa katahimikan ng kanyang pamilya.
Hanggang sa humantong sila sa sukol na lugar. Wala nang maiikutan si Roden kaya no choice siya kundi bumaba ng kotse at harapin si Bernard. Agad ding bumaba ng kotse ang huli. Nag-unahan sila sa pagtutok ng baril sa isa’t-isa.
“Hayup ka Roden, akala mo ba ganoon lang kadaling gumawa ng krimen?”
“Anong pinagsasasabi mo Bernard?”
“Huwag ka nang magkaila, huli na para d’yan, alam na namin ang lahat kaya pagbabayaran mo ang ginawa mo sa anak ko at kay Jeff!”
“Whoa, teka lang muna, ako na naman? Bernard, hindi lang ako ang may galit sa’yo kaya huwag kang pakasiguro na ako lang ang may kasalanan, napag-utusan lang din ako!”
“At sino namang mas gago sa’yo ang mag-uutos na ipapatay ang anak ko?
“Sino pa, eh di ang babaeng baliw na baliw sa’yo, ang pabagsakin ka sa kumpanya, yun lang ang plano ko pero ang mawala si Bela sa frame, hindi aking plano ‘yon, kay Regine!”
Natigilan si Bernard.
“O ano, hindi ka makapaniwala na magagawa iyon ng ex mo na tinutulungan mo pa naman ngayon?”
“Anong motibo niya para gawin ‘yon?”
“Simple lang. Masyado raw kasi pakialamera ang anak mo sa mga plano niya at alam mo ba kung ano ang plano niya?”
“Anong plano?” kunot noong tanong ni Bernard.
“Plano niya lang naman na agawin ka kay Angela, para maging stable na ulit ang buhay niya kasama ka, ang kaso winarningan siya ng anak mo, nasampal pa raw siya nito isang beses, kaya naman galit na galit siya!” umaarte pa si Roden habang sinasabi iyon. “Hiniling niya sa akin na alisin ko si Bela sa landas niya kapalit ng pagtulong niya sa akin na pabagsakin ka…awts, bakit nga ba hindi ko naisip na hindi ka niya pababagsakin dahil gusto nga niyang maging Mrs.Cabrera, hindi ko rin naisip na tatraydurin niya ako sa’yo!” napapailing pang sabi ng lalaki.
Parang gustong sumabog ni Bernard sa galit. Hindi malaman kung nagsasabi ng totoo ang lalaki o nais lang nitong mandamay ng iba.
Dahil naman sa saglit na pag-iisip ni Bernard ay nakakuha ng pagkakataon si Roden para makatakbo.
Agad din siyang hinabol ng una habang pinapaputukan. Naggantihan sila ng putok hanggang sa tamaan sa balikat si Roden.
“Huwag ka nang tumakas Roden, harapin mo ang kasalanan mo!”
“GA**, PATAYIN MO AKO KUNG KAYA MO!”
Muli silang naghabulan. Nakarating sa riles ng tren. Medyo nahilo na si Roden sa ilang bala pa ng baril na tumama sa kanya kaya’t hindi na niya alintana ang paparating na tren nang matalisod siya sa mismong riles nito.
“RODEEEN!”
Hindi na nagawang tingnan ni Bernard ang sumunod na nangyari.
Samantala.
Muling nagtungo si Regine sa ospital upang alamin ang kalagayan ni Bela. Kinabahan man ay nilampasan lang niya ang dalawang pulis na nagbabantay. Nagawa niyang makapasok sa silid ng dalaga. Nadatnan niya roon si Cecilia. Sa pagtatama ng kanilang paningin ay naroon na ang pagdududa sa isa’t-isa.
(ITUTULOY)