• December 24, 2024
  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for November 29th, 2022

Philippine Sports Commission at National Collegiate Athletic Association , nakipagpulong sa opisyales ng Samahang Basketbol ng Pilipinas tungkol sa isyu ni John Amores

Posted on: November 29th, 2022 by @peoplesbalita No Comments

Nakipagpulong ang Philippine Sports Commission (PSC) sa mga kinatawan ng National Collegiate Athletic Association (NCAA), Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP), para talakayin ang mga isyung bumabalot sa Jose Rizal University player na si John Amores.

 

Sa isang pahayag, inilarawan ito ng Phil. Sports Commission bilang isang “coordination meeting” habang patuloy na tinitingnan ng fact-finding committee na binuo ng ahensya ang pinag-uusapang pagbagsak ni Amores sa laro ng basketball.

 

Ayon sa organisasyon, ang pagpupulong ay naglalayon upang malaman kung ano ang nangyari, kung ano ang nagawa, at kung anong mga hakbang ang maaaring irekomenda upang ang ecosystem ng lahat ng amateur na sports ay muli umanong mapalakas.

 

Dagdag pa nila, marami itong nakuhang impormasyon mula sa mga opisyal na naroroon na maaaring makatulong sa kanilang mabilis na pagdedesisyon kung paano matutugunan ang sitwasyon ng basketball player na si Amores.

 

Dahil ang coordination meeting ay ginanap sa likod ng mga saradong pinto, walang gaanong impormasyon ang ibinunyag kung paano at ano ang napag-usapan ngunit kinumpirma ng Philippine Sports Commission ang kanilang pagpayag na magbigay ng pagpapayo kay Amores.

 

Anila, nag-offer ang organisasyon kay Amores ng free counseling sa pamamagitan ng Philippine Sports Commission Pyschology Team.

 

Una rito, ang naturang orgnanisayson ay maglalabas ng rekomendasyon pagkatapos ng pagtatasa at pagtalakay ng komite sa paghahanap ng katotohanan ukol sa nasabing issue kay John Amores. (CARD)

60 bangkay ng PDLs inilibing sa NBP cemetery

Posted on: November 29th, 2022 by @peoplesbalita No Comments

ANIMNAPUNG  bangkay ng Persons Deprived of Liberty (PDLs) na matagal nang nakalagak sa isang punerarya ang pinalibing na ng Bureau of Corrections (BuCor), sa New Bilibid Prison (NBP) cemetery sa Muntinlupa City kahapon ng umaga.

 

 

Ang mga inilibing ay kabilang sa 176 na bangkay na matagal nang nakalagak sa Eastern Funeral Homes at nadiskubre lamang nang magsagawa ng imbestigasyon sa pagkamatay ng isang Cristito Villamor Palaña, isa sa sinasabing middlemen sa pamamaslang sa bete­ranong broadcaster na si Percy Lapid Mabasa.

 

 

Nagdaos muna ng misa bago tuluyang inilibing ang mga bangkay na inilagay sa kahoy na ataul at ipinasok sa mga nitso.

 

 

Una nang ipinalibing ang 10 bangkay nitong buwang ito.

 

 

Nabatid na ang mga nailibing ay nasa advance state of decomposition na kabilang ang mga nasawi ng ­Enero hanggang Oktubre ngayong taon.

 

 

Ayon kay BuCor officer-in-charge Gregorio Catapang, 60 pang mga bangkay ng PDLs ang nakatakdang ipalibing sa Disyembre 2.

 

 

Sinabi naman ni BuCor Senior Supt. Ma. Cecilia Villanueva ng Directorate for Health and Welfare Servi­ces na ang 40 pang bangkay ay maiiwan sa Eastern Funeral Homes.

 

 

“May I make mention po na kaya po merong unclaimed may mga dumadating pong relatives, hindi na po talaga kine-claim yung body, kinukuha na lang po yung death certificate,” ani Villanueva.

 

 

Sa kabila ng may 90 araw na palugit para sa pag-claim ng bangkay, wala pa rin aniyang pumupuntang kamag-anak ang mga nasasawing PDLs.

Tuluy-tuloy na mutation ng COVID-19, asahan – DOH

Posted on: November 29th, 2022 by @peoplesbalita No Comments

ASAHAN na umano ng mga Pilipino na magtutuluy-tuloy ang mutasyon at pagsulpot ng iba’t ibang lineage ng COVID-19 sa mga darating pang panahon at kailangang matutunan ng lahat na mabuhay kasama nito ng may iba­yong pag-iingat sa kanilang kalusugan.

 

 

Ito ay makaraan na matukoy muli na nasa Pilipinas na ang Omicron subvariant BQ.1 na sinasabing nagdudulot ng panibagong pagtaas ng mga kaso sa Estados Unidos at sa ibang panig ng Europa.

 

 

Sinabi ni DOH Officer-in-Charge Maria Rosario Vergeire na natural na susulpot ang mga bagong variants kung magtutuluy-tuloy ang transmisyon nito at ang pinakamabisang dapat gawin ng lahat ay ang limitahan ang pagkalat nito sa pagpapalakas ng proteksyon ng mga sarili at mga establisimi­yento.

 

 

Idinagdag pa ni Vergeire na dapat maintindihan na ng publiko ang uri o abilidad ng virus at huwag umasa na lamang sa pagsasawalang-bahala kung mahahawa o hindi kapag bumababa ang kaso.

 

 

Muli niyang tiniyak na nananatili sa “low risk” ang healthcare utilization sa bansa sa kabila ng bagong subvariant at palaging handa kung sakaling may malaking pagtaas sa mga bagong kaso.

 

 

Sa ngayon, nananatili naman umano na epektibo ang hawak na bakuna ng pamahalaan laban sa severe cases. Pero patuloy na nananawagan ang DOH sa mga Pilipino na palakasin pang lalo ang kanilang panlaban sa virus sa pagpapabakuna o pagpapa-booster na dahil sa patuloy ang pagsulpot ng iba’t ibang mga variants.

Coast Guards ng Southeast Asia nagsanib, karagatan babantayan

Posted on: November 29th, 2022 by @peoplesbalita No Comments

NAGSANIB-puwersa ang mga coast guards ng iba’t ibang bansa sa Southeast Asia upang protektahan ang seguridad at labanan ang mga iligal na aktibidad sa karagatan ng rehiyon.

 

 

Ito ay nang lumahok ang Philippine Coast Guard sa ASEAN Coast Guard and Maritime Law Enforcement Agencies Meeting kasama ang mga coast guards ng Cambodia, Indonesia, Malaysia, Myanmar, Singapore, Thailand at Vietnam sa Bali, Indonesia.

 

 

Sinabi ni PCG Admiral Artemio Abu na nagkaisa ang mga lider ng mga coast guard sa kooperasyon, pagtitiwala sa isa’t isa, pagpapalakas ng koneksyon at kooperasyon laban sa mga banta sa seguridad at istabilidad.

 

 

Lalabanan umano nila ang nagaganap na smuggling sa karagatan, transportasyon ng iligal na droga, human trafficking at “illegal, unreported, and unregulated (IUU) fishing” na krusyal sa suplay ng pagkain sa rehiyon.

 

 

Nagtapos ang pagpupulong sa pagpirma ng mga lumahok sa ASEAN Coast Guard Declaration na nagpopormalisa sa pangako nila sa pagsusulong ng kapayapaan, kaligtasan at seguridad ng mga karagatan sa ASEAN. (Daris Jose)

Sasalubong sa mga consumers sa Disyembre 1… P2 hanggang P3 na umento sa presyo ng liquefied petroleum gas, posible

Posted on: November 29th, 2022 by @peoplesbalita No Comments

POSIBLENG magkaroon daw ng umento sa presyo ng kada kilo ng liquefied petroleum gas (LPG) sa unang araw ng Disyembre.

 

 

Ayon sa mga energy sources, papalo sa P2 hanggang P3 ang nakikita ng mga Department of Energy (DoE) na dagdaga sa presyo ng kada litro ng LPG.

 

 

Katumbas ito ng P22 hanggang P33 na dagdag sa kada 11 kilogram na regular cylinder ng LPG.

 

 

Sinabi ni DOE Oil Industry Management Bureau director Atty. Rino Abad na ang buwan ng Nobyembre at Disyembre ay nararanasan talaga ang pagtaas ng presyo ng petrolyo dahil sa impact period ng LPG inventory build-up.

 

 

Pero pagsapit naman daw ng Enero, Pebrero at Marso ay bababa na ang presyo dahil sa utilization period.

 

 

Kung maalala, ngayong buwan ang presyo ng LPG products ay may dagdag na P3.50 kada kilo habang ang AutoLPG prices ay tumaas naman ng P1.96 kada litro. (Daris Jose)