DALAWANG projects ang proud si Julie Anne San Jose na kasama niya si Rayver Cruz.
Ito ay ang YouTube mini-series na “Pag-ibig Na Kaya” at ang “The Cheating Game” ng GMA Pictures.
Kasama na rin siyempre ang pagiging host nila sa GMA singing contest na The Clash Season 5.
Sey ng Asia’s Unlimited Star na isang blessing daw na naging partner niya si Rayver sa mga projects niya dahil ramdam niya ang pagiging masigasig nito sa trabaho at never daw niyang narinig na nagreklamo ito kahit alam niyang pagod na ito.
“Kasi, para mag-work ‘yung mga kasi eksena talaga, you have to get to know the person. And I’ve known Rayver for quite a long-time. We’ve been really-really close,” sey pa ni Julie.
Bukod sa kanilang mga projects, hindi raw sila nakalilimot na gumawa ng mga TikTok videos para sa mga ever-loyal fans ng loveteam nila na JulieVer.
Ang mga pampakilig na duets at sayaw daw nila sa TikTok ay para sa mga fans nila na hindi nagsasawang sumuporta sa mga ginagawa nilang shows sa Kapuso network. Hindi nga raw mabubuo ang JulieVer kung hindi dahil sa mga fans nila.
Nagpasalamat din si Julie sa mga sumubaybay sa Maria Clara At Ibarra hanggang sa pinakahuling episode noong nakaraang February 24.
Marami raw nakamit na parangal ang show, pero ang pinaka-espesyal daw ay ang maibalik nila sa mga kabataan ngayon ang importansya ng pagbabasa ulit ng mga libro at bigyang halaga ang pagiging isang Pinoy.
Post pa ni Julie: “Isang napakalaking karangalan na mapabilang sa programang #MariaClaraAtIbarra. Maraming salamat sa @gmanetwork at @sparklegmaartistcenter sa tiwala at pagkakataon na mabigyang buhay ko si Maria Clara.
“Higit sa lahat, maraming salamat sa inyo gabi-gabi, nakakataba ng puso ang inyong pagsuporta at pagmamahal sa programang ito. Hanggang sa muli, ito po ang inyong Maria Clara delos Santos Y Alba, isang maalab na pagpupugay sa kasaysayan ng Pilipinas, salud!”
(RUEL J. MENDOZA)