MATAGUMPAY na naidaos ang Pride Festival ngayong taon na ginanap sa Quezon Memorial Circle nitong nakaraang Sabado.
Ayon sa ulat ng Quezon City local government unit, umabot sa 110, 752 na myembro ng LGBTQIA+ ang dumalo sa nasabing pagdiriwang. Ang nasabing bilang ay ayon na rin sa foot traffic data na nairecord ng mga counters na nakapwesto sa mga gate ng Quezon Memorial Circle. Higit sa doble ito sa inaasahang bilang ng mga organizer at maging QC LGU na 50,000 lamang.
Ayon kay Quezon City Mayor Joy Belmonte, ipinamalas nila ang kanilang suporta sa sigaw na wakasan ang iba’t ibang uri ng abuso at diskriminasyon. At higit sa lahat, binibigyang-diin natin ang kahalagahan ng pagkakapantay-pantay at pagsisiguro sa kaligtasan ng bawat isa, anuman ang kasarian.
Dagdag pa ng alkalde, sa harap ng mga nagsidalong LGBTQIA+ community at mga kaalyado buong pagmamalaki nyang isisigaw, mas malakas na ang sigaw ng mamamayan na kilalanin sila bilang produktibong miyembro ng lipunan.
Ayon naman kay Mela Habijan ng Pride PH Galing sa 25K attendees sa unang taon mahigit 100k ang nakisaya sa kanila ngayong taon. Ito aniya ay isang patunay na lumalakas ang kanilang tinig. Hindi na rin sila takot na makita at marinig na ang ipinaglalaban nila ay ang karapatang mabuhay nang malaya mula sa diskriminasyon.
Daan-daang pulis mula sa Quezon City Police District, mga traffic enforcers at public order and safety marshall ang idineploy upang tiyakin ang kaligtasan ng lahat. May mga medical team din na umalalay sa nasabing kaganapan mula sa NATIONAL KIDNEY AND TRANSPLANT INSTITUTION at Philippnes Red Cross Qc chapter naman ang namahala sa mga first aid stations. (PAUL JOHN REYES)