• December 12, 2024
  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for November 29th, 2024

Philippine mens’ football team nanawagan ng suporta sa nalalapit na ASEAN Cup

Posted on: November 29th, 2024 by @peoplesbalita No Comments

MAAGANG naghahanda na ngayon ang Philippine Men’s Football team para sa pagsabak nila sa ASEAN Mitsubishi Electric Cup 2024.

 

 

Sa darating kasi ng Disyembre 12 ay makakaharap nila ang Myanmar habang sa Disyembre 18 naman ay ang Vietnam na kapwa ito gaganapin sa Rizal Memorial Stadium.

 

 

Habang mayroon din silang mga laro sa labas ng bansa gaya sa Lao National Stadium sa darating na Disiyembre 15 at makakaharap naman ang Indonesia sa Disyembre 21 na ito ay gaganapin sa Gelora Bung Karino Stadium.

 

 

Sinabi ni Freddy Gonzales ang Director of National Senior Teams for the Philippine Football Federation, na magagamit ng national team ang ilang mga natutunan nila sa mga nagdaang friendly games mula sa ibang mga bansa.

 

Sa darating naman na Disyembre 2 ay gaganapin ang national training camp nila at doon na maaring mapili kung sino ang pinal na mga isasabak.

 

 

Nanawagan ito sa publiko na suportahan ang Philippine team lalo na kapag ang laro ay gaganapin sa bansa.

Dagdag na Kadiwa stores, makakatulong sa mga magsasaka

Posted on: November 29th, 2024 by @peoplesbalita No Comments

INIHAYAG ni Navotas Congresman Toby Tiangco na ang pagdadag ng mas maraming tindahan ng Kadiwa sa buong bansa ay makakatulong para lumaki ang kita ng mga magsasaka at magbibigay sa mga mamimili ng murang pagkain.

 

 

Aniya, layunin ng Department of Agriculture (DA) na magtayo ng 71 pang Kadiwa sites sa pagtatapos ng taon, na nakatuon sa mga pangunahing lungsod sa labas ng National Capital Region (NCR).

 

 

“Napatunayan po ng administrasyong Marcos na kaya nating ibaba ang presyo ng prutas, gulay at iba pang pagkain. Napakalaking tulong ng Kadiwa stores sa ating mga kababayan at dapat lang maiparating pa natin ang programang ito sa iba’t ibang bahagi ng bansa,” ani Tiangco.

 

 

“Bukod dito, malaking tulong din ito sa ating mga magsasaka dahil nabibigyan sila ng pagkakataon na direktang ibenta ang kanilang ani. Dahil walang middleman, lumalaki ang kanilang kinikita habang nagiging mas mura naman ang presyo ng pagkain,” dagdag niya.

 

 

Sinabi pa ng mambabatas na ang pagpapalawak ng Kadiwa sa iba’t ibang bahagi ng bansa ay naaayon sa layunin ni Pangulong Marcos para mas madaling mapuntahan ang mga ito at magbenta ng mga murang produktong pang-agrikultura sa mga Pilipino.

 

 

Sa kasalukuyan, mayroong 41 operational Kadiwa centers sa buong bansa, kasama ang 67 iba pa na pinamamahalaan ng National Irrigation Administration habang ang karamihan ay matatagpuan sa NCR, mayroon ding mga site sa Rizal, Laguna, Cavite, Bulacan, at Cebu.

 

 

Ani Tiangco, plano ng administrasyong Marcos na magbukas ng 1,500 Kadiwa sites sa buong bansa sa 2028. (Richard Mesa)

Mag-asawa, 3 pa tiklo sa higit P.4M droga sa Valenzuela

Posted on: November 29th, 2024 by @peoplesbalita No Comments

KALABOSO ang mag-asawa na sangkot umano sa pagbebenta ng shabu, marijuana, at marijuana oil vape matapos madakip ng pulisya sa ikinasang buy bust operation, pati na ang tatlo nilang parokyano sa Valenzuela City, kamakalawa ng gabi.

 

 

 

Sa ulat ni P/Lt. Col. Robert Sales, hepe ng District Drug Enforcement Unit (DDEU) kay Northern Police District (NPD) Acting Director P/Col. Josefino Ligan, nakatanggap sila ng impormasyon hinggil sa umano’y pagbebenta ng shabu, pinatuyong dahon ng marijuana at marijuana oil sa kanilang mga parokyano ng mag-asawang sina alyas “Rey”, 45, (HVI) at alyas “Daisy”, 45, kaya isinailalim nila ang mga ito sa validation.

 

 

Nang makumpirma na positibo ang ulat, bumuo ng team si Lt. Col, Sales sa pangunguna ni P/Capt. Regie Pobadora saka ikinasa ang buy bust operation na nagresulta sa pagkakaaresto sa mag-asawa sa loob mismo ng kanilang bahay sa Ilang-Ilang St. Brgy. Maysan dakong alas 10:10 ng gabi.

 

Kasama ring dinakip ng mga operatiba ng DDEU sina alyas “Bhoy”, 44, alyas “Mak”, 33, at alyas “Angel” 40, pawang residente din ng naturang barangay nang abutan sa aktong sumisinghot ng shabu sa loob ng bahay ng mag-asawa na ginagamit din umano bilang drug den.

 

Ani Capt. Pobadora, nakuha nila sa mga suspek ang nasa 60 gramos ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P408,000.00, 17.97 gramo ng pinatuyong dahon na marijuana na may katumbas na halagang P2,156.00, suspected marijuana oil vape na nagkakahalaga ng P21,000, iba’t-ibang uri ng drug paraphernalia, weighing scale at ang P4,500 na mark money na may kasamang boodle money na ginamit sa buy-bust operation.

 

Pinapurihan naman ni NPD Director Ligan ang DDEU sa kanilang matagumpay na operation kontra ilegal na droga na nagresulta sa pagkakadakip sa mga suspek na pawang mahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002. (Richard Mesa)

COVID-19, posibleng tumaas ngayong Amihan – DOH

Posted on: November 29th, 2024 by @peoplesbalita No Comments

POSIBLE umanong tumaas ang mga naitatalang kaso ng respiratory inspections sa bansa ngayong panahon na ng taglamig dahil sa Amihan, kabilang na rito ang ubo, sipon at maging COVID-19.

 

 

Mismong si Department of Health (DOH) Secretary Teodoro Herbosa ang nagbigay ng naturang babala sa publiko .

 

 

Ayon kay Herbosa, ang mga naturang sakit ay maaaring lumala at mauwi sa pneumonia, pagkaka-ospital at pagkamatay kung mapapabayaan.

 

 

“So we take care of the high risk people. Ganon din ‘yung very small children, they can also have bronchopneumonia and be hospitalized,” anang health chief.

 

Dagdag pa niya, “It’s actually dahil kulob kasi ang isang room with one people coughing, hawa-hawa na kayo ng acute respiratory infection. Ubo, sipon, lagnat, pati COVID.”

 

Bukod dito, tiniyak din naman ni Herbosa na patuloy ang monitoring nila sa mga influenza-like illnesses (ILIs) at water-borne diseases ngayong Amihan season.

 

Pinayuhan din niya ang publiko na panatilihing malinis ang mga kamay, magsuot ng face mask kung nasa mga pampublikong lugar at tiyaking regular na umiinom ng tubig upang maiwasan ang pagkakasakit.

 

 

Una nang inianunsiyo ng PAGASA na asahan na ang unti-unting paglamig ng panahon sa bansa dahil sa opisyal nang pagsisimula ng Amihan season.

Mambabatas , nanawagan sa DBM na tiyakin ang pondo na kailangan ng Sulu

Posted on: November 29th, 2024 by @peoplesbalita No Comments

NANAWAGAN ang isang mambabatas sa Department of Budget and Management (DBM) at iba pang ahensiya na tiyakin ang pondo na kailangan ng Sulu para pondohan ang operasyon ng lokal na pamahalaan.

 

 

Ang apela ay ginawa ni Deputy Minority Leader at Basilan Rep. Mujiv Hataman kasunod ng pinal na pagdedeklara ng Supreme Court sa hindi pagsama ng Sulu mula sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).

 

“Hindi maaaring maantala ang mga serbisyong ng lokal na pamahalaan ng Sulu. Nananawagan ako sa DBM at iba pang ahensya na tiyakin ang pondo para sa lalawigan. Karapatan ito ng bawat mamamayan sa Sulu mula sa national government,” ani Hataman.

 

Una nang nagdesisyon ang SC sa ilang motions for reconsideration para exclusion ng Sulu mula sa BARMM.

 

Ayon kay Hataman, ang hindi pagkakasali ng Sulu sa BARMM ay nangangahulugan na ang national government ang may direktang responsibilidad para sa paglalaan ng pondo dito.

 

Sa ikalawang pagdinig para sa panukalang paglilipat ng BARMM elections mula 2025 sa May 2026, sinabi ni Hataman sa DBM na maghanap ng paraan upang makapaglaan ng pondo sa Sulu, na nasa tinatayang P9 billion base sa datos mula sa ilang opisyal ng BARMM.

 

Dahil hindi isinama ng SC ang Sulu sa BARMM sa desisyon nito kamakailan, ay walang pondo para sa Sulu a ilalim ng panukalang P6.352 trillion national budget para sa taong 2025.

 

Sinabi ni Hataman na ang mga serbisyong pangkalusugan, pang-edukasyon at pangkabuhayan ay dapat magpatuloy nang walang pagkaantala, kasama na ang pa-suweldo sa mga kawani ng lokal na pamahalaan.

 

“Kailangang planuhin nang maayos ang proseso ng transisyon. Malaki ang epekto ng exclusion ng Sulu sa BARMM, kaya kailangan itong tutukan,” dagdag ni Hataman .

 

Dapat din aniyang mag-usap ang national at provincial government kung paano sosolusyunan ang problemang ito.

 

“Sana ay magkaroon ng plano ang gobyerno para siguruhin ang kapakanan ng mga taga-Sulu dahil walang pondo ang lalawigan sa 2025 proposed national budget,” pagtatapos ng mambabatas. (Vina de Guzman)

Well-funded troll campaign na suportado ng drug syndicates, POGOs para i-derail ang Quad Comm probe

Posted on: November 29th, 2024 by @peoplesbalita No Comments

KINONDENA ng lead chair ng House Quad Committee ang lumilitaw na well-funded at nagkakaisang o orchestrated troll campaign na umano’y pinopondohan ng illegal drug syndicates at Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) para papanghinain ang ginagawa nitong imbestigasyon.

 

 

Ayon kay Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers, ang naturang kampanya na naglalayong siraan ang kredibilidad ng panel at takutin ang mga saksi na nagbunyag sa koneksyon sa pagitan ng illegal drugs, korupsyon at POGOs.

 

“Patuloy ang paninira ng mga trolls na bayad ng POGO at drug money, sa mga miyembro at mga taong tumetestigo rito. Katakataka na napakalaki ng puhunan na umiikot sa mga trolls na halatang inaalagaan ng mga nasasaktan sa mga bagay na nauungkat sa mga pagdinig natin dito, kabilang na marahil ang mga malalaking pangalan na nagpoprotekta sa mga iligal na droga at POGO,” pahayag nito.

 

Dismayado ang mambabatas, chairman ng Committee on Dangerous Drugs, sa mga pagtatangka na siraan ang reputasyon ng Quad Comm na ang pangunahing layunin ay ipalabas lamang ang katotohanan.

 

“Kung kaya hinihikayat namin ang ating mga kababayan na humarap, magsalita at magbigay ng kanilang impormasyon na may kinalaman sa usaping tinatalakay namin dito,” panawagan ng kongresista.

 

 

Nadiskubre ng Quad Comm ang ebidensiya na nagsasangkot sa illegal drug trade sa POGO operations, tulad ng kung papaano ginagastusan at dumaan ang drug money sa sugal.

 

Aniya, ilang bahagi ng kinikita sa drug trade ay ginagamit para suhulan ang ilang government officials, bumili ng lupa at magbigay proteksyon at pekeng pagkakilanlan sa nasabing operasyon.

 

“The money flow from this drug trade is being used to acquire landholdings, influence and corrupt government officials and employees who conspire with drug traders in offering protection and fake identities, that undermine the security of our country. We were shown how the money was being laundered into the POGOs and used to fatten the wallets and pockets of the protectors in government,” dagdag ni Barbers. (Vina de Guzman)

Kontra-galis program, inilunsad sa Manila City Jail

Posted on: November 29th, 2024 by @peoplesbalita No Comments

INILUNSAD sa male dormitory ng Manila City Jail ang kampanyang kontra galis o mass scabies treatment program para tugunan ang problema sa sakit sa balat ng mga person deprived of liberty.

 

 

Katuwang ng MCJ Male Dorm ang International Committee of the Red Cross para mapahusay ang kalagayan ng mga PDL at mga pasilidad ng piitan
Ang programa ay tatagal hanggang Disyembre 10 kasama ang post-treatment, follow-up checkup para matiyak na kumpleto at matagumpay na maaalis ang problema sa galis sa mga nakakulong sa MCJ.

 

Kabilang sa mga aktibidad ay ang paglilinis o disinfection sa mga selda, higaan at mga gamit ng mga PDL.

 

Kadalasan na nangyayari ang pagsulpot ng mga sakit sa mga bilangguan lalo na kapag siksikan ang mga inmates. GENE ADSUARA

Kontra Abuso ng Kongreso

Posted on: November 29th, 2024 by @peoplesbalita No Comments

ANG GRUPONG ‘Kontra Abuso ng Kongreso” ay ang nabuo upang bantayan at kontrahin ang sinasabing pang-aabuso ng Kamara de Representantes sa mga resource persons na kanilang iniimbita para imbestigahan.

 

 

 

Ayon “Kontra Abuso ng Kongreso”, dapat nang kwestunin ang mga mambabatas sa kanilang mga ginagawang pagtrato sa kanilang mga panauhin para naman maprotektahan ang karapatang pantao ng mga resource persons or guests ng House of Representatives (HOR). laban sa dinaranas na kahihiyan sa kamay ng ilang myembro ng HOR.

 

 

Ang ‘Kontra Abuso ng Kongreso, ay binubuo ng mga samahan tulad ng SwordAFP, Manibel, National Public Transport Coalition, United TNVS, I.B.A.N.A.G, Lawyers for Commuters Safety and Protection (LCSP), at Laban TNVS.

 

 

Ayon sa lead convenor ng grupo na si Atty. Ariel Inton, hindi naman sila kontra sa kalahatan ng HOR kundi doon lang sa tila inaabuso na ang pribilehiyo na kaloob sa isang mambabatas.

 

 

Iginiit ng grupo na samantalang ang Kongreso ay may kapangyarihan na magpatawag ng pagdinig o imbestigasyon, ayon sa Korte Suprema ay hindi lahat ng isyu ay pwedeng panghimasukan ng HOR, at malinaw na isinasaad sa Konstitusyon ng Republika ng Pilipinas, na ang mga ipapatawag na mga pagdinig o imbestigasyon ay dapat lang gagamiting suporta o impormasyon para sa pagbabalangkas ng mga batas.

 

 

“Ang ibig sabihin nito at dapat munang may pahayag na panukalang batas bago mag imbestiga, na dapat malinaw na nakalathala ang mga patakaran ng pagdinig at dapat protektado ang karapatan ng mga imbitadong resource persons,” paliwanag ni Inton.

 

 

Ginawang halimbawa ni Inton ang kanyang karanasan nang minsan ay maimbitahan bilang guest sa inquiry ng HOR. Inihayag ni Inton na nakaranas din sya nang panghihiya mula sa mga Representatives ng Congress at napagbantaan na “will cite you in contempt” dahil ang kanyang naging mga pahayag ay taliwas sa sa gustong marinig ng mga mambabatas.

 

 

Patuloy pa ni Inton, Ilan nang mga government at private officials ang napanood natin sa TV na nakaranas ng pangi-insulto ng mga Kongresman at ginawang katatawanan sa gitna ng sinasabing legislative inquiry.

 

 

Samantala, anong mga batas ba ang naipasa bilang resulta ng mga pangaalipusta at pangbabastos na dinanas ng mga resource persons.

 

 

Sabi ni Inton dati ay iho-hold lang ang resource person na na-contempt sa compound ng Kongreso, ngayon sa kulungan na talaga ang bagsak at parang tinatrato na agad na parang kriminal.

 

 

Gustong ipaalala ng grupong ‘Kontra Abuso ng Kongreso’ na hindi dapat umastang mga prosecutors ang mga mambabatas o mga parang mga Judge dahil hindi korte ang Kongreso.

 

 

Oo at maaari silang magimbestiga pero ito ay para suporta sa batas na kanilang binabalangkas at kung wala silang batas na binabalangkas, walang silbi ang mga imbestigasyon na parang telenovela lang na pinapanood at minsan ay pinagtatawanan na ng mga tao. (Atty. Ariel Inton)

Tinanggihan din na tumakbong Senador: VILMA, umaming apat na beses na inalok na mag-Vice President

Posted on: November 29th, 2024 by @peoplesbalita No Comments

PERSONAL na dumalo ang Star for All Seasons sa inorganisang Vilma Santos: Woman, Artist, Icon (The Vilma Santos Retrospective) na ginanap sa UST.

 

 

Si Professor Augusto Antonio Aguila ng College of Liberal Arts ang the man behind sa nasabing proyekto kung saan ipinalabas ang mga restored movie ni Ate Vi na kagaya ng ‘Dekada 70′, ‘Ekstra’, ‘Bata, Bata Paano Ka Ginawa’ at ‘Tagos ng Dugo’.

 

 

Nang hapon na yun kung saan dumalo si Ate Vi ay ang pelikulang ‘Dekada 70’ ang ipinalabas.

 

Sa totoo lang kahit more than 20 years nang maipalabas ang nabanggit na movie directed ni Chito Roño ay napapanahon pa rin at parang akma pa rin sa kasalukuyang nangyayari sa ating lipunan.
Nagkaroon naman ng “talk back” after napanood ng lahat ang movie.

 

Game naman si original grand slam actress sa mga tanong ng mga istudyante ng University of Sto. Tomas at ng ilang movie press.

 

Deretsahang inamin ng bida ng pang-MMFF movie na “Uninvited“ na apat na beses siyang inalok para tumakbong Vice President noon.

 

Sina dating Pangulong Gloria Arroyo, Sec. of Defense Gibo Teodoro ay ang dalawa sa mga nag-alok sa kanya to run for Vice President. Pero tinanggihan lahat ng premyadong aktres at politician, pati na ang kung ilang beses na pag-alok sa kanya na tumakbong senador.

 

Katwiran pa ni Gov. Vi na ang Paglilingkod ay Hindi para sa kung anong posisyon o titulo kundi pagsasakripisyo para sa kanyang pinaglilingkuran.

 

Mas pinili pa rin na tumakbong gobernador ni Ate Vi para sa mga Batangueños at may mga project pa rin siya na tatapusin para sa mga ito.

 

***

 

SAMANTALA, tuwang-tuwa ang mga Thomasians lalo na ang mga GenZ sa mga sagot ni Ate Vi. At sa kuwento ng aktres sa mga naging karanasan niya sa paggawa ng pelikula at kung paano ang pamumuno niya sa probinsiya ng Batangas.

 

Kumbaga, ang daming lessons daw na natutunan nila sa itinuturing ng lahat na icon ng industriya ng pelikula.

 

Sabi pa nga nang nakausap naming mga grupo ng istudyante iba raw pala talaga magsalita si Ate Vi, kagagalang-galang at dapat mong bigyan ng respeto.

 

Sa totoo lang din naman si Ate Vi ang kauna-unahang babae na naging mayor ng Lipa at kauna-unahang gobernador ng Batangas.

 

Kilala naman natin ang tapang ng mga Batangueño pero pag si Ate Vi ang magsalita lahat sila nakikinig.

 

Dagdag pa rin ni Ate Vi, first and for most priority pa rin niya ang pamilya na kaya raw siya naging effective na public servant dahil naging mahusay siyang ina nina Ryan at Luis at asawa ni Sec. Ralph Recto.

 

 

 

 

(JIMI C. ESCALA)

Sulo, hindi na kasama sa BARMM

Posted on: November 29th, 2024 by @peoplesbalita No Comments

IBINASURA ng Korte Suprema ang mosyon na humihiling na huwag ibukod ang lalawigan ng Sulu sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).

 

 

Hindi pinaboran ng Korte Suprema ang mga motion for partial reconsideration na inihain ng BARMM government, Office of the Solicitor General, at iba pa noong September 9, 2024.

 

Pero dahil sa unang tinanggihan ng Sulu ang Bangsamoro Organic Law sa plebisito, hindi na ito dapat pang isama sa BARMM.

 

Kaugnay nito, pinal na ang desisyon kung saan ang lalawigan ng Sulu ay hindi na talaga kasama sa BARMM.

 

Ayon pa sa Korte Suprema, ang Desisyon ay final and immediately executory at hindi na nito papansinin ang anumang ihahaing pleading. GENE ADSUARA