
DAPAT i-assess mabuti ni Solicitor General Menardo Guevarra ang kanyang sarili kung karapat-dapat pa ba siyang maging chief lawyer ng gobyerno.
Ito’y matapos na umatras ang OSG na maging kinatawan ng pamahalaan hinggil sa pinag-isa na mga petitions for habeas corpus na isinampa sa Korte Suprema ng mga anak ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte.
Sa press briefing sa Malakanyang, sinabi ni Palace Press Officer at Presidential Communications Office Undersecretary Claire Castro na mismong si Guevarra ang nagsabi na maaaring hindi maging epektibong kinatawan ng mga respondents sa petisyon ang Office of the Solicitor General (OSG).
Aniya, malinaw naman sa manipestasyon ng OSG na umatras itong maging kinatawan ng mga opisyal ng gobyerno bilang respondents sa pinagsama-samang habeas corpus petitions na inihain ng kampo ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte dahil kontra siya sa pagtulong ng Pilipinas sa Interpol.
“Okay. Sa kaniya pong manifestation, sinabi… he wants to be—to recuse himself to represent because he cannot effectively represent the government. First, okay, ginagamit po kasi ito ng ibang mga partido na diumano naniniwala ang SolGen na may kamalian sa ginawa ng pamahalaan sa pakikipagtulungan sa Interpol.
Maliwanag po kung inyong nabasa ang manifestation po ni SolGen Menardo Guevarra,” ani Castro.
“Binanggit lamang po niya na siya po ay naniniwala na walang hurisdiksiyon ang ICC sa Pilipinas, iyan din naman po ang tinuran noon pa ng Pangulo. Pero hindi po niya nabanggit kailanman sa kaniyang manifestation na mali ang pakikipagtulungan ng gobyerno sa Interpol, iyon po,” aniya pa rin sabay sabing “So, kung hindi po niya kakayaning ipagtanggol ang gobyerno, ang mga opisyal po ng gobyerno na tumugon sa Interpol, siguro sa kaniya pong damdamin lamang po iyon.”
Sa kabilang dako, sinabi pa rin ni Castro na walang napag-uusapan kung may posibilidad na palitan ang SolGen dahil nga sa pagkontra nito na tupdin ang mandato na maging kinatawan ng gobyerno sa mga kaso.
“Wala pa pong napag-uusapan diyan dahil napakabago po talaga nito, lumabas lang po yata ‘to kagabi. Pero, siguro po mas maganda po kung mismo si SolGen ang mag-assess sa sarili niya kung siya pa po ba ay nararapat na tumayo bilang Solicitor General,” ang diing pahayag ni Castro.
Sinabi pa ni Castro na may karapatan naman ang mga respondents na kumuha ng mga bagong abogado para tumayong kinatawan ng mga ito sa petisyon, iyon nga lamang hindi naman napag-usapan kung ito ba ay government o private legal counsel.
Tinuran pa rin ni Castro na napakahalaga sa gobyerno na makakuha ng mga abogado na ‘competent at effective’ sa pagdepensa sa pamahalaan.
Pinanindigan din ni Castro na ang Rome Statute ay dati nang may bisa, taliwas sa ipinahahayag ng kampo ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte na hindi kailanman nagkaroon ng hurisdiksyon ang ICC sa PIlipinas.
“Kung hindi ito nag take effect bakit sila nag withdraw in the first place?”, ang tanong ni Castro.
Sa kabilang dako, sa kanyang Facebook post, sinabi ni Atty. Salvador Panelo na naghain na umano sa Supreme Court (SC) ng Manifestation at Motion ang OSG para ipahayag na hindi sila maaaring maging kinatawan ng pamahalaan sa kaso dahil sa posisyon nito noon na walang hurisdiksyon ang International Criminal Court (ICC).
“Considering the OSG’s firm position that the ICC is barred from exercising jurisdiction over the Philippines, and that the country’s investigative, prosecutorial and judicial system is functioning as it should, the OSG may not be able to effectively represent Respondents in these cases and is constrained to recuse itself from participating herein,” bahagi ng umano ay nakasaad sa mosyon at manifestation ng OSG.
Dahil dito, iginiit ni Panelo na mistulang inamin na umano ng abugado ng gobyerno na wala talagang hurisdiksyon ang ICC sa Pilipinas.
Hanggang sa sinusulat ito ay wala pang ibinibigay na kumpirmasyon o pagtanggi ang OSG hinggil sa pahayag ni Panelo.
Magugunita na taon 2023 naghain ang OSG ng Appeal Brief sa ICC na humihiling na mabaligtad ang desisyon ng Pre Trial Chamber ng ICC na suspendihin ang imbestigasyon nito sa war on drug.
Dati nang sinabi ng OSG na hindi “legally and morally bound” ang Pilipinas na makipag-cooperate sa ICC.
(Daris Jose)