MAGMAMASID ang Malacañang sa magiging takbo ng gagawing imbestigasyon ng Senado sa ABS-CBN franchise renewal sa Lunes.
Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na papanoorin ng Palasyo ang gagawing pagbusisi ng mga senador sa prangkisa ng nabanggit na TV network pati na kung ano ang gustong gawin ng mga senador.
Ayon kay Panelo, nais din nilang malaman ang katotohanan kung nasusunod ba ng ABS-CBN ang mga nakapaloob na probisyon ng kanilang prangkisa o may nilalabag sa mga ito.
Katotohanan ang hinahanap ng publiko, pati na rin aniya si Pangulong Rodrigo Duterte.
“Manunood tayo. Alam mo, sabi nga ni Presidente doon sa KBB, kahit anong gawin ninyo basta ang gusto ko lang, katotohanan – murahin ninyo ako, siraan ninyo ako, okay lang. Kung totoo, sige gawin ninyo. Ang ayaw ko kung ang ginagawa ninyo ay puro kasinungalingan eh doon tayo hindi nagkakasundo,” ani Panelo.
Hindi rin naitago ni Panelo ang pagkayamot sa naging panayam sa kanya ni Karen Davila dahil sa pilit na pag-uugnay sa isyu ng freedom of the press sa franchise issue.
Iginiit ng kalihim na walang koneksiyon ang freedom of the press sa prangkisa ng ABS-CBN na nakatakdang mag-expire sa Marso 30.
Hindi rin aniya si Pangulong Duterte ang dapat kalampagin at pagbuntunan ng sisi dahil ang Kongreso ang may hurisdiksiyon sa pag-iisyu ng prangkisa.
“Ang nakakayamot is pinapasok nila iyong freedom of the press na connected – walang koneksiyon eh. Ipagpalagay natin nawala ang ABS-CBN, are you telling me na namatay na ang freedom of the press? Of course not! Ang daming networks, ang daming radyo, ah ewan ko ba,” dagdag pa ni Panelo.
Kaugnay nito, ipinagdiinan din ng kalihim na hindi umano literal ang mga sinasabing ipapasara ni Duterte ang ABS-CBN.
Ayon dito, hindi dapat seryosohin ang naging pahayag ni Duterte kontra Kapamilya network, na matatandaang babakuran umano nito ang franchise renewal ng ABS-CBN dahil hindi pinalabas ang kanyang campaign ads noong 2016. (Daris Jose)