Nabisuhan ni Philippine Basketball Association (PBA) Commissioner Willie Marcial ang management ng Blackwater upang magpaliwanag kaugnay sa sinabi sa interview ng may-ari ng team sa national television na sumabak na sa workout ang Elite noong nakaraang linggo.
Sa sulat na pirmado ni Marcial na may petsang July 14 at naka-address kay team governor Silliman Sy, tinatanong ng liga kung ano ang tunay na nangyari sa umano’y isinagawa nilang iligal na practice session.
Kahit pa binigyan ng Inter-Agency Task Force (IATF) ng go-signal ang PBA na magbalik sa ensayo, sinisilip pa umano ng liga na simulan ang pormal na ensayo sa July 22 kapag sumailalim na ang lahat ng manlalaro at personnel sa swab testing procedure base na rin sa isinumiteng health protocols.
Nakalulungkot umano na agad nang sumabak ang Elite sa ensayo base sa sinabi ng may-ari ng koponan na si Dioceldo Sy sa isang television interview.
Ayon sa interview, sinabi ni Sy na kasama niya sina Phoenix coach Louie Alas at NorthPort team governor Eric Arejola na nagsagawa ng ensayo noong Sabado kungsaan hinati umano ang walong manlalaro sa tig-apat at kada session ay tumatagal ng isang oras kasama ang shootaround at conditioning.
Sa ilalim nang inaprubahang IATF protocols na ibinigay ng liga, tanging apat na manlalaro kasama ng kanilang coach at safety officers ang papayagan sa loob ng training facility.
Kahit umano sinunod ng Elite sa ilang mga protocol, nais pa rin umanong kuhanin ni Marcial ang paliwanag ng koponan sa pagsasagawa nito ng training ng mas maaga kumpara sa ibang teams.
Matatandaang pinarusahan ng liga si Ginebra center Japeth Aguilar dahil sa pagsabak nito sa ensayo kasama ang ilan pang sikat ng manlalaro sa gym sa San Juan City, Metro Manila.