Kulong ang isang 42-anyos na pedicab driver matapos mabisto ang dala nitong shabu makaraang masita ng mga tauhan ng Maritime Police dahil walang suot na face mask sa Navotas City.
Kinilala ni Northern Maritime Police Station (MARPSTA) head P/Maj. Rommel Sobrido ang naarestong suspek na si Arnold Barrios alya “Anot” , 42 ng Kadamay St., Market 3, NFPC, Brgy. NBBN.
Sa report ni Major Sobrido kay MARPSTA Chief P/Col. Ricardo Villanueva, dakong 3:30 ng hapon, nagsasagawa ng foot patrol ang kanilang mga tauhan sa pangunguna ni PLT Erwin Garcia sa Kadamay St. Market 3 nang mapansin nila si Barrios na walang suot na face mask kaya’t sinita ito ng mga pulis.
Gayunman, tinangkang tumakbo ng suspek subalit napigilan ito ni Pat. Patrick John Quinto at PSSg Marcelo Agao at nang atasan siya na ilabas ang laman ng kanyang bulsa ay aksidenteng nahulog mula sa loob nito ang dalawang plastic sachets na naglalaman ng hinihinalang shabu na nasa P1,000 ang halaga.
Ayon kay MARPSTA PSMS Nemesio “Bong” Garo II, mahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. (Richard Mesa)