Lusot na sa Special Committee on Persons With Disabilities ang panukala na magkakaloob ng buwanang pensiyon sa mga kababayang may kapansanan o persons with disablity (PWDs).
Sa ilalim ng House Bill 7571 na inihain ni Bohol Rep. Alexie Tutor, layon dito na magtatag ng Social Pension Program sa ilalim ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at matulungan ang mga may kapansanan na lubhang apektado ng COVID-19 pandemic.
Sa programang ito, ginagarantiya na ang lahat ng mga rehistradong PWDs ay mabibigyan ng social pension na P1,000 kada buwan.
Maaaring ipamahagi ang pensyon ng mga PWDs ng quarterly, semiannually o annually.
Isinusulong din ng panukala ang pagbuo ng National Registry for PWDs na magiging basehan para sa special PWD classification ng Philippine Identification System.
Isasama rin ang mga PWDs bilang benepisyaryo ng microfinance, microinsurance at microenterprise programs at projects ng pamahalaan nang sa gayon ay mabigyan ng hanapbuhay ang nasabing sektor. (ARA ROMERO)