LUNGSOD NG MALOLOS– Ipinatupad ni Gob. Daniel R. Fernando ang uniform travel protocol ng Inter-Agency Task Force (IATF) for the Management of Emerging Infectious Diseases sa kanyang pinakabagong inilabas na executive order kung saan hindi na kailangan ng travel authority at COVID testing bago makapasok sa Lalawigan ng Bulacan.
Ayon sa Seksyon 4 ng Executive Order No. 5, series of 2021 na pinirmahan ni Fernando noong Pebrero 28, 2021, susundin sa lahat ng lungsod at bayan sa Bulacan ang standardized travel protocols para sa lupa, dagat at himpapawid na nakasaad sa Resolution No. 101, series of 2021 na inilabas ng IATF.
Sinabi ni Fernando na buo ang kanyang suporta sa hakbang ng pamahalaang nasyunal.
“Naniniwala po tayo na ito ay kanilang pinag-aralang mabuti at kanilang nakikita na ito ay makatutulong sa ating bansa. Lubos po ang ating panalangin na ang hakbang na ito ay simula na ng unti-unting pagbabalik sa normal ng ating pamumuhay lalo pa at nariyan na po ang bakuna laban sa COVID-19,” anang gobernador.
Sinabi rin ng gobernador na kung walang sintomas ang lokal na byahero, hindi na kailangan na sumailalim sa quarantine.
Ayon din sa kaparehong executive order, inatasan ng punong lalawigan ang lahat ng lokal na pamahalaan na ipagpatuloy ang pagpapatupad ng containment strategies at targeted lockdowns sa mga lugar na mataas ang bilang ng impeksyon at hawahan ng COVID-19, ayon na rin sa pagsang-ayon ng Regional IATF.
Samantala, pinahaba ang implementasyon ng Modified General Community Quarantine (MGCQ) sa Lalawigan ng Bulacan hanggang sa hatinggabi ng Marso 31, 2021. (Bishop Jesus “Jemba” M. Basco)