Kagaya ng mga pumasok sa bubble sa Inspire Sports Academy sa Calamba, Laguna ay sasailalim din sa proseso ang 12 koponang sasabak sa unang professional tournament ng (PVL) sa Mayo 8.
Ito ang sinabi kahapon ni PVL president Ricky Palou sa Philippine Sportswriters Association (PSA) online Forum sa pagharap ng liga sa coronavirus disease (COVID-19) pandemic.
“What we want them to do is when they enter the bubble is about four or five days before they enter the bubble is have their swab test. And when they come in they will have another swab test,” ani Palou.
Gagawin ng PVL ang kanilang torneo sa loob ng bubble sa Inspire Sports Academy sa Calamba, Laguna.
Bukod sa swab test ay tinitingnan din ng PVL bilang opsyon ang saliva test na 12 oras lamang ang kailangan para makuha ang resulta.
Ang mga tropang maglalaro sa PVL tournament ay ang F2 Logistics, PLDT Fibr Hitters, Creamline, Bali Pure, Unlimited Athletes Club (UAC), Cignal HD, Phi-lippine Army, BanKo Perlas, Choco Mucho, Petro Gazz, Cherry Tiggo at Sta. Lucia.
Sinabi rin ni Palou na nakaorder na ang Choco Mucho (Rebisco) at Petro Gazz ng COVID-19 vaccines na plano rin nilang ialok sa mga PVL players at teams.
“What I know is Rebisco (Choco Mucho) and Petro Gazz have ordered on their own and I’m not sure how they did this,” ani Palou. “They’re saying they ordered enough vaccines which they want to offer also to players.”
Inaasahang gagastos ang PVL ng humigit-kumulang sa P20 milyon para sa kanilang bubble tournament kumpara sa inilabas na halos P70 milyon ng PBA para sa 2020 Philippine Cup bubble sa Clark, Pampanga.
Itinira ng PBA ang 12 koponan sa Quest Hotel habang ang mga laro ay idinaos sa Angeles University Foundation sa Angeles, Pampanga.