Ang mga motorcycle delivery riders at ang mahalagang papel nila sa ekonomiya sa panahon ng pandemya.
Marami nang nag viral na mga insidente ng pagtatalo ng mga delivery riders at mga bantay o enforcers sa mga checkpoints. Pinagtalunan pa nga kung ang lugaw ay essential o hindi. Sabi nga noong enforcer “mabubuhay ka naman ng walang lugaw”. Meron naman na ayaw ipadeliver yun pagkain – “bawal ang mag deliver, pagkain pwede” – So paglalakarin yung pagkain?
Maraming sumbong ang natatanggap ng Lawyers for Commuters Safety and Protection (LCSP) tungkol sa pagbabawal na ma-deliver ang ilang mga order na nabili online – tulad ng office supplies na pinade-deliver ng mga nagwo-work from home. Hinaharang dahil hindi daw pagkain. At mga diapers ng bata?
Ano ba talaga ang essential at sino ang dapat masunod kung essential ba ang isang bagay. Essential sa dictionary ay yung – absolutely necessary. Sa wika natin – yung kailangang kailangan. Pero sa iba’t ibang tao iba’t iba rin kung ano yung ‘kailangang kailangan’.
Tulad ng office supplies – maaring sa enforcer ay hindi essential yun dahil iba nga ang trabaho niya pero essential yun sa mga nagwo-work from home para kahit nasa bahay ay nakapagtatrabaho at kumikita. Di ba’t mismo ang pamahalaan ang naghihikayat ng ‘work from home’?
At yung diapers ng bata ay baka hindi essential sa isang enforcer na malakaki na anak pero essential ito isang ina na may inaalagaang sanggol. Kaya dito nagkakaroon ng debate sa kalye. Ang problema walang gaanong training o briefing ang mga nagpapatupad ng polisiya. Tuloy naaapektuhan ang hanap-buhay ng mga tao na nagsisikap mabuhay sa gitna ng pandemya dahil ayaw nilang umasa lamang sa ayuda.
Ang mungkahi ng LCSP na kung hindi naman illegal ay payagan naman nang i-deliver at huwag na harangin dahil ang maaring hindi essential sayo ay essential sa iba.
Kung ang issue naman ay ayaw papasukin ang rider o inabutan na ng curfew –maaring maglagay ng sistema ang mga enforcers kung paano makukuha at mababayaran ang item na for delivery.
Sa mga condominium o subdivision halimbawa ay may lugar kung saan pwede ideliver ang item at mabayaran ng rider. . Mas mainam ito kaysa ilagay natin sa discretion ng enforcer ang pag-determine kung ano essential o ano ang hindi essential.
Kailangan na pagtuunan natin ng pansin ito lalo na at ang karamihan sa nape-perwisyo ay ang hanapbuhay ng mga delivery riders.
Sa totoo lang kundi dahil sa mga riders ay hindi na uusad ang ekonomiya ng mga naka ECQ o naka lockdown na mga lugar. Magugutom lalo ang tao at dadapa pa ang kabuhayan. Kaya nagtataka ang inyong lingkod kung bakit minsan talaga ay wala na sa lugar ang paghihigpit sa mga riders. Bagamat kailangan ang pagpapatupad ng mga heath protocols, kailangan ay nasa lugar naman ang paghihigpit. Sa kabilang panig naman ay gumamit rin tayo ng mahabang pasensya sa mga nagpapatupad ng mga polisiya. Napapagod sila at buwis buhay din. (Atty. Ariel Enrile-Inton)