Puntirya ng Philippine Basketball Association (PBA) na masimulan ang scrimmage ng mga teams sa Mayo 16 kung bibigyan ng go-signal ng Inter-Agency Task Force (IATF).
Ito ang isa sa mga tatalakayin sa pakikipagpulong ng pamunuan ng liga sa local government unit sa Batangas na magsisilbing training venue ng ilang PBA teams.
Aprubado na ng Batangas City ang ensayo ng mga PBA teams sa Batangas City Coliseum at Batangas State University Gym at kung magiging maayos ang lahat, nais ng PBA na makapa-scrimmage na rin.
Kailangan na lamang na maayos ang lahat gaya ng mga health protocols ng LGU at ang sariling health protocols ng PBA na nakasaad sa Joint Administrative Order (JAO) mula sa Games and Amusements Board, Department of Health at Philippine Sports Commission.
Maliban sa Batangas, inaasikaso na rin ng ilang teams ang pagdaraos ng training sa iba pang ve-nues tulad ng Ilocos Norte. Sa oras na makumpleto na ang lahat ng requirements, umaasa ang PBA na maaaprubahan ng Inter-Agency Task Force (IATF) ang pagsisimula ng scrimmages.
Tatagal pa hanggang sa Mayo 14 ang Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) sa buong NCR plus bubble na binubuo ng Metro Manila, Bulacan, Cavite, Laguna at Rizal.
Umaasa si PBA commissioner Willie Marcial na sa oras na bumaba ang kaso ng coronavirus disease (COVID-19) sa NCR plus bubble, ay ibababa rin sa mas magaan na community quarantine ang rehiyon.
Ito ang posibleng maging hudyat upang tuluyan nang makapagsimula ang liga.
Isa sa kundisyon ng IATF ang pagbaba muna ng kaso ng COVID-19 sa bansa bago desisyunan ang opening ng PBA Season 46.
Kaya naman tutulong na rin ang PBA sa kampanya para manawagan sa buong sambayanan na mag-ingat at sumunod sa health protocols.
May sariling social media campaign ang PBA na #PBAItuloyAngLaban.