SUSPENDIDO ang ipinatutupad na truck ban sa Kalakhang Maynila sa panahon ng enhanced community quarantine (ECQ) mula Agosto 6 hanggang 20, 2021.
Sa Talk to the People ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte, Lunes ng gabi ay sinabi ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) chair Benhur Abalos na layon nito na maging dire-diretso ang delivery ng cargo.
“Iyong truck ban po ay sinuspinde namin para dire-diretso po ang delivery ng mga cargo,” ayon kay Abalos.
Sa kabilang dako, inireport din ni Abalos sa Pangulo ang napag-usapan ng mga Alkalde ng Kalakhang Maynila na mga palatuntunan na gagamitin sa panahon ng ECQ.
“Ire-report ko lang po iyong mga pinaplano ng mga Alkalde during the ECQ. Napag-usapan na namin ang mga palatuntunan, may curfew po tayo para limitahan ang paggalaw. Bale alas-8 ng gabi hanggang alas-4 ng umaga. Pangalawa po, ang ating public transportation ay dire-diretso lang po. Ito po ay para sa ating mga frontliners, mga essential workers at higit sa lahat po sa mga magpapabakuna. Pangatlo po, iyong truck ban po ay sinuspinde namin para dire-diretso po ang delivery ng mga cargo. Pang-apat, ang quarantine passes po ay ang mga LGUs na po …ang mga Mayors na po ang magi-issue kung ano po ang ginawa nila noong araw sapagkat gahol na po kami sa oras.Nasa mga Mayors na po ito,” litaniya ni Abalos.
Ang liquor ban naman aniya ay nasa desisyon na rin ng mga Alkalde.
Habang ang border controls naman ay pinag-usapan kung saan ay inayos na aniya ito nina DILG Sec. Eduardo Ano at ng kapulisyahan.
Sinabi pa rin niya na kapag nagsimula na ang ECQ ay magta-trabaho pa rin ang mga Alkalde ng Kalakhang Manila.
‘Mr. President, gusto ko lang pong sabihin na ang susunod na dalawang linggo ng ECQ ay talagang magta-trabaho po ang lahat dito. Hindi na po magpapahinga dahil magbabakuna po kami. Nakahanda po kami hanggang sa 250,000 a day na bakuna. Dati po ang nagawa namin ay 200,000 lang … habang ginagawa po namin ang pagbabakuna ay ang pagbibigay naman ng ayuda. Sabay. Gusto ko lang pong i-announced na iyong mga senior citizens .. sila po ang pokus ng LGUs,” aniya pa rin.
Sa katunayan aniya sa Agosto 5, araw ng Miyerkules ay ima-marked nila sa Mandaluyong ang 100% na ang bakunadong lolo’t lola.
Nauna rito, nagpasalamat naman si Abalos kay Pangulong Duterte dahil sa pagtugon nito sa kanilan kahilingan na kasabay ng ECQ ay ang pagbibigay ng ayud ng gobyerno sa mga residente na apektado ng ECQ.
“Unang-una po, nagpapasalamat po kaming lahat dahil po sa ayuda na napakabilis po kaagad na nadesisyunan. Sabi nga ni Spox Harry, napaka-importante ho ng ayuda dahil talaga pong mahirap mag-ECQ dahil kawawa po ang mga mahihirap nating kapatid,” aniya pa rin
“Ang mga Mayors po ng Metro Mnaila at ang national government ay nagkakaisa, iisa lang po ag boses. Iisa lang po ang patakaran,” dagdag na pahayag ni Abalos.
Samantala, suspendido rin ang number coding para sa buwan ng Agosto “until further notice.” (Daris Jose)