Gusto ng Philippine Sports Commission (PSC) na pagsabayin ang pagbibigay ng cash incentives at awards kina Olympic Games medalists Hidilyn Diaz, Nesthy Petecio, Carlo Paalam at Eumir Felix Marcial sa Malacañang.
Sinabi kahapon ni PSC chairman William ‘Butch’ Ramirez na naghihintay sila ng ‘go signal’ mula sa Office of the President para sa pamamahagi ng mga tseke nina Diaz, Petecio, Paalam at Marcial.
“We are awaiting for the green light of Malacanang to award these checks,” ani Ramirez kahapon sa PSC Hour program. “The President mentioned that he wants a specific date na ibibigay niya nang personal ang mga prizes sa mga atleta.”
Kasalukuyan nang inaayos ng sports agency ang P10 million check at bonus na P5 milyon sa Olympic gold medalist na si Diaz, ang tig-P5 milyon ng mga silver medal winners na sina Petecio at Paalam at P2 milyon ng bronze medalist na si Marcial.
Magbibigay pa si Pangulong Duterte kay Diaz, tinapos ang 97 taon na paghihintay ng bansa sa kauna-unahang Olympic gold, ng bonus na P3 milyon bukod sa isang house and lot sa Zamboanga City.
Sina Petecio at Paalam ay tatanggap naman ng tig-P2 milyon at P1 milyon kay Marcial.
Makukuha rin nina Diaz, Petecio, Paalam at Marcial mula sa Presidente ang kani-kanilang Order of Lapu-Lapu award.
May matatanggap namang tig-P200,000 mula sa Malacañang ang mga non medalists.
“Aside from that we are adding P250,000 sa lahat ng atleta at coaches na pumunta ng Tokyo (Olympics). Very fortunate itong 19 delegates,” ani Ramirez.