SINABI ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte na boluntaryo niyang gagawin ang pag-audit sa lahat ng tanggapan ng gobyerno lalo na sa Commission on Audit (COA) sakali’t manalo siya bilang bise-presidente sa 2022 election.
Ang pahayag na ito ni Pangulong Duterte sa kanyang pangalawang Talk to th People, Huwebes ng gabi ay bunsod na rin nang pagpuna ng COA at pagpapalabas ng komisyon sa 2020 report na mayroong deficiency sa P67.32 billion COVID-19 response ng Department of Health (DOH).
Sinabi pa ng Pangulo na kailangan talagang may isang taong gumawa ng plano kaya mas mabuting simulan niya na ito kung magwawagi sa susunod na eleksyon.
“Sino’ng nag-o-audit ng COA? Sino nag-aapura sa kanila? Mahirap ‘yan. Somebody should do it. I will do that if I become vice president,” ayon sa Pangulo.
“Ako na lang din ang mag-audit sa lahat ng gobyerno. Lahat, pati yung akin. Magsimula ako sa akin,” dagdag na pahayag nito.
Samantala, hiniling naman ni Pangulong Duterte sa COA na bigyan ng “elbow room” o sapat na panahon ang pamahalaan para sumunod sa rekumendasyon nito sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Ang pahayag na ito ng Pangulo ay may kinalaman pa rin sa natuklasan ng COA na “deficiencies” sa paggamit ng Department of Health sa P67.32 billion for COVID-19 response.
“It is not easy really to comply. We know that we should comply, there is no problem about it. But can we have just enough elbow room?” ayon sa Pangulo sa kanyang pangalawang Talk to the People, Huwebes ng gabi.
“Do not adopt the standards of the pre-pandemic days. We have a problem here,” dagdag na pahayag ng Pangulo.
Noong nakaraang linggo, sinabi ni Pangulong Duterte na “bulls—t” na isipin na ang P67.3 billion na isinantabi para sa kampanya laban sa COVID-19 ay ninakaw.
“May mga project tayo, malaking project, so ngayon mayroong talagang mga papel papel na hindi masyadong kumpleto sa paperwork ,” diing pahayag ng Punong Ehekutibo.
Kaya, ang panawagan ng Pangulo sa COA ay tigilan na ang pagpapalathala ng kanilang audit reports.
“Stop that flagging goddamnit. You make a report, do not flag. Do not publish it because it would condemn the agency or person that you are flagging,” aniya pa rin.
Sinabi ng Pangulo na nang simulan nang COA na i-flag down ang departamento ay kagyat itong napag-isipan at nabahiran ng korapsyon.
Sa annual report ng COA para sa taong 2020, sinabi ng komisyon na ang deficiencies ay sanhi ng non-compliance o hindi pagsunod sa batas at rules, and regulations.
“These deficiencies contributed to the challenges encountered and missed opportunities by the DOH during the time of state of calamity/national emergency, and casted doubts on the regularity of related transactions,” ayon sa COA.
Samantala, pinasaringan ni Pangulong Duterte ang ilang senador sa pagsasagawa ng mga ito ng imbestigasyon sa umano’y anomalya sa ilang ahensiya ng gobyerno.
Kasunod ito ng nakitang deficiency ng Commission on Audit (COA) sa Department of Health (DOH) na kasalukuyan nang ginagawan ng pagdinig ng Senado at Kamara.
Pinayuhan naman ng Chief Executive ang publiko na huwag agad maniwala sa imbestigasyon dahil wala namang itong magandang resulta.
Ang pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee ay pinangungunahan ni Senator Richard Gordon. (Daris Jose)