DAHIL sa kakulangan ng medical staff matapos maapektuhan ng COVID-19, kinailangan limitahan muna ang admission ng mga pasyente sa Navotas City Hospital (NCH) simula September 11 hanggang September 30, 2021.
Kaya naman humihingi ng pang-unawa ang Lokal na Pamahalaan ng Navotas sa pamumuno ni Mayor Toby Tiangco dahil sa kasalukuyang sitwasyon ng NCH at anumang abalang maidudulot nito.
Ayon sa City Health Department, inisyal check-up lang muna ang kailangan gagawin sa mga bagong pasyenteng dadalhin sa NCH at kung kailangan ilipat ang pasyente sa ibang hospital ay kailangan i-coordinate ito ng NCH sa ibang ospital.
Sa kasaluyan ay level 1 ang status ng NCH kaya limitado ang mga serbisyong maibibigay nito tulad na lamang ng ICU.
Ganunman, sinisikap ng mga medical frontliners na maibigay ang pag-aalagang kailangan ng mga pasyente.
Ani Mayor Tiangco, nakalulungkot isipin na ilang mga kawani ng NCH ang kailangan ma-quarantine o i-isolate matapos maapektuhan ng naturang sakit.
Patuloy naman ang pakiusap ng alkalde sa lahat ng may edad 18 pataas na magpabakuna na upang maiwasan na magkaroon ng malalang kondisyon ng COVID-19.
“Mahawaan man tayo, di tayo magkakaroon ng severe o critical COVID at mangangailangan na dalhin sa ospital. Hindi po simpleng ubo o sipon ang COVID. Nakamamatay po ito. Wag po nating hintayin na magkasakit tayo o ang ating mga mahal sa buhay,” pahayag niya. (Richard Mesa)