May posibilidad na maibalik na ang ‘number coding scheme’ ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) dahil sa pagsikip na ng trapiko sa halos lahat ng kalsada sa Metro Manila ngayong palapit na ang Pasko at pagsailalim ng rehiyon sa mas maluwag na Alert Level 2.
Sinabi ni MMDA Chairman Benhur Abalos na pinag-aaralan na ng ahensya kung paano at kailan ang tamang pagbabalik nito. Tinitignan na maaari itong ipatupad muli tuwing ‘rush hour’ sa umaga at sa hapon kung kailan napakabigat ng trapiko.
“Kung patuloy na lalala ang trapiko, tinitignan namin na ipatupad ang number coding pero hindi sa buong maghapon,” ayon kay Abalos.
Posible umano na ipatutupad lamang ito tuwing ‘peak hours’ o mula alas-7 ng umaga hanggang alas-9 ng umaga at alas-5 ng hapon at alas-7 ng gabi.
Sinabi niya na patuloy ang pag-monitor ng MMDA sa sitwasyon sa trapiko sa mga susunod na araw bago gumawa ng desisyon. (Gene Adsuara)