INIHAYAG ng World Health Organization (WHO) na tinatayang nasa 90% na ng kabuuang populasyon ng mundo ang mayroon nang resistance kontra sa sakit na COVID-19.
Ayon kay WHO Director-General Tedros Adhanom Ghebreyesus, bunga ito ng tuluy-tuloy na malawakang bakunahan sa iba’t-ibang panig ng daigdig laban sa nasabing sakit dahilan kung bakit nagkaroon na ng immunity ang bawat isa laban sa SARS-CoV-2.
Ngunit binigyang diin niya na hindi pa rin dito nagtatapos ang kalbaryo ng bawat isa patungkol sa “emergency phase” ng pandemya.
Ito ang dahilan kung bakit palagian ang paalala nito sa publiko na dapat na magpatuloy ang testing, sequencing, at bakunahan laban sa nasbaing virus bilang paghahanda sa posibleng mga bagong variant of concern na maglipana na maaaring maging sanhi ng malaking bilang ng mga nasasawi na muling maitatala.
Batay kasi aniya sa datos, sa ngayon ay mayroon pa rin kasing nasa mahigit 500 highly transmissible Omicron sublineages na nagpapalipat-lipat at mas madaling makahawa kahit na hindi man gaanong malala ang epekto nito kumpara sa iba pang naunang variant ng nasabing sakit.
Habang nasa mahigit 8,500 katao naman ang niatalang nasawi noong nakaraang linggo mula sa magkakaibang bahagi ng mundo.
Kung maaalala, una nang iniulat ng WHO na batay din sa mga ulat mula sa iba’t-ibang bansa ay pumalo na sa 6.6 milyon ang bilang ng mga nasawi, mas mababa kumpara sa 640 milion registered cases noong unang beses na tamaan ng COVID-19 ang mga ito.
Ngunit ayon naman sa UN health agency, ang bilang na ito ay isang malaking undercount, at hindi sumasalamin sa totoong bilang nasabing datos.