NUMERO unong nag-trend sa social networking site na Twitter ang #SimRegistration sa unang araw ng pagpaparehistro ng mga subscriber identity module (SIM) card dahil sa bagong batas — kaso, reklamo ang tatambad sa’yo oras na i-check ang hashtag.
Simula Dec 27, meron na lang 180 araw ang mga mobile users para irehistro ang kanilang SIM cards upang makaiwas sa “deactivation.” Posible ito ma-extend nang hindi lalagpas sa 120 araw, ayon sa Republic Act 11934.
Dahil sa dami ng nagpaparehistro nang sabay-sabay, bagsak ang mga websites kung saan dapat nagpaparehistro. Ang ilan naman, nire-restrict dahil sa “pag-exceed sa maximum number of attempts” kahit hindi pa dapat.
“#SimRegistration is so fucked up. How about us na walang National IDs? Students who only have School IDs kasi wala pang government IDs??” tanong ng Twitter user na si @cloudy_zj kanina.
“less than 5 steps from doing the whole process paired with a shitty, inaccessible website because server can’t keep up with the demand. nothing new, just PH things #SimRegistration,” banggit naman ni @H0E4JAEMIN.
Una nang nilagdaan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang naturang batas, sa layunin daw ng pagsugpo sa “krimen at terorismo na gumagamit ng mga mobile phones.”
Gayunpaman, ilang cybersecurity analysts at progresibong grupo na ang pumuna rito dahil sa isyu sa privacy at posibleng paniniktik.
Problema inaasahan sa ‘test registration’
Nagpaliwanag naman ang Smart Telecommunications, Inc. patungkol sa nangyayaring aberya, ito habang tinitiyak sa publikong ginagawan na nila ito ng aksyon.
“Due to the high volume of registrants, some subscribers may experience difficulty accessing the SIM registration site,” sabi ng communications giant.
“Our technical team is working on increasing capacity. Thank you.” (Daris Jose)