KAPWA naka-relate sina Snooky Serna and Sunshine Cruz sa mga bida ng bagong GMA Afternoon Prime series na ‘Underage’ dahil may eksena sina Lexi Gonzales, Elijah Alejo at Hailey Mendes na nakaputing kamison sila sa isang eksena.
Nakaranas ng magkaibang experience sina Snooky at Sunshine noong pasuotin sila ng puting kamison sa pelikula nila.
Child star si Snooky noong ’70s hanggang sa maging Regal Baby siya noong maging teenager ito. Noong bigyan siya ng launching film noong 1981 na ‘Bata Pa Si Sabel’, na-trauma raw ito dahil pinilit daw siyang pasuotin ng puting kamison noong nagsu-shooting sila.
“Sa totoo lang, iniyakan ko ‘yung eksenang pinapagawa sa akin. I was somehow traumatize. Pinipilit nila ako na isuot yung puting kamison. Pakiramdam ko that time, ginagawa nila akong sexy star. Kaya iniyakan ko talaga. Pero wala akong magawa dahil utos yun ni Mother Lily (Monteverde). Ang ginawa na lang nila ay pinatungan nila ‘yung mga parts ng katawan ko na puwedeng makita kapag nabasa yung kamison. Ginawa ko pa rin yung eksena kahit labag sa kalooban ko,” sey ni Snooky.
Sa kaso naman ni Sunshine ay game na game daw siyang magsuot ng puting kamison noong i-launch siya bilang Regal Baby noong 1992 sa pelikulang ‘First Time… Like A Virgin’ kasabay sina Jackie Forster, Karla Estrada at Shirley Fuentes.
“The first time na pinasuot ako ng puting kamison was in a comedy. Kamison yun na may terno na shorts tapos ang eksena ay nag-iigib ako ng tubig. Tapos may mga lalake sa pilahan ng tubig na parang binososohan ako. Yung father ko dun was Rene Requiestas at siya yung sumita sa mga lalakeng binabastos.
“Comedy yung eksena kaya okey lang. Noong mag-artista ako, okey sa akin kung ano ang ipasuot sa akin. Ito kasi ang gusto kong gawin talaga. Hanggang dumating na sa point in my career na wala na akong suot na kahit kamison, ‘di ba?” tawa pa ni Sunshine.
Sa ‘Underage’ ay gaganap si Sunshine bilang ina nila Lexi, Elijah at Hailey. Si Snooky naman ay gaganap na kontrabida na aapihin ang tatlong bidang babae.
***
MAS naging disiplinado raw si Matt Lozano noong mapili siya na gumanap bilang si Big Bert Armstrong sa live-action adaptation ng GMA ng ‘Voltes V: Legacy’.
Inamin ni Matt na ang kanyang timbang ang naging problema niya noon kaya siya na-depress at muntik na siyang mag-suicide. Pero nahimasmasan daw siya at tinuon niya ang kanyang focus sa paggawa ng music na siyang naging saving grace niya.
“Matagal ko nang problema ang weight ko… Ang problema ko lang ‘yung disiplina. Ngayon lang ako nagkaroon ng disiplina sa sarili ko kasi mayroon tayong malaking pinaghahandaan, eh. Nakaka-proud kasi kaya ko rin pala na maging disiplinadong tao,” sey ni Matt.
Ang pinakamabigat na inabot daw ng kanyang timbang ay 278 pounds. Ngayon ay 240 pounds na lang siya dahil sa high-protein diet.
“Right now I’m 240 pounds, may muscles na pero malaki pa rin ang body fats. Pero mini-make sure ko kasi na healthy pa rin ang pagkain ko. Nagwo-workout ako regularly para rin handa ako pagkawala akong ginagawa, patuloy pa rin ako nagre-review ng scripts ko.”
Naranasan din ng body shaming si Matt. Pero hindi raw iyon naging hadlang para hindi niya ituloy ang mag-audition noon oara sa ‘Voltes V; Legacy’. Hnaggang sa sumabak siya sa matinding martial arts training at cinematic stunts para sa naturang serye.
“Alam mo ‘yung pakiramdam ko nu’ng time na ‘yun, parang body shaming sa sarili. Kasi doon ko nakita sa sarili ko na, ‘Ano ang ginagawa ko sa sarili ko bakit ako naging ganito?’
“Eventually noong nag-audition ako sa Voltes V, nag-thrive ako na, okay lang na mataba pa rin ako pero dapat healthy tayo.
“Proud ako na sabihin din na kahit malaki ako, kaya ko ‘yan kasi nagte-training kami. And thankful ako kasi sa Voltes V, nabago nila ako. Kahit na mataba pa rin ako, I can say na I’m healthy.”
Bukod kay Matt, kasama rin sa cast sina Miguel Tanfelix, Ysabel Ortega, Radson Flores, at Raphael Landicho.
(RUEL J. MENDOZA)