KUWENTO ng APO Hiking Society members na sina Jim Paredes at Boboy Garrovillo na mayroon silang mga personal na paborito mula sa kanilang hit songs na nagsilbing daan para sa pag-usbong ng Original Pinoy Music.
Sa ‘Surprise Guest with Pia Arcangel’, sinabi nina Jim at Boboy na hindi lang isang kanta ang paborito nila bilang grupo.
Para kay Boboy, paborito niya ang “Awit ng Barkada,” “Nakapagtataka,” “Kaibigan,” at ang kanta ng pumanaw nilang kagrupo na si Danny Javier na “Care.”
Para naman kay Jim, personal niyang paborito ang “Pumapatak Ang Ulan,” “When I Met You,” at “Panalangin.”
Kilala man dahil sa pagsulat ng kanilang mga kanta, inilahad din nina Jim at Boboy na mayroon din naman silang mga awitin na hindi sila ang sumulat.
Ito ang mga kantang “Ewan” at “Anna,” dahil ang sumulat nito ay ang legendary OPM composer na si Louie Ocampo.
Ang kanta naman na “Saan Na Nga Ba’ng Barkada” na may tema tungkol sa mga pagkakaibigan na nagsimula sa eskwelahan ay isinulat ni Jim ilang taon matapos ang kanilang graduation.
Ayon sa APO Hiking Society, maraming tao na mula sa iba’t ibang larangan ang nakare-relate sa kanilang mga kanta dahil na rin sa mga kuwentong nasa likod ng mga awitin.
“I think for a lot of our followers, it has become the soundtrack of their lives. Like we have songs for OFW, we have songs for heartbreak. We have songs for newlyweds, we have songs for getting married,” sabi ni Jim.
“I think we’ve covered a lot of spaces in the person’s life,” pagpapatuloy pa niya.
Sinabi naman ni Boboy na isinusulat nila ang kanilang mga kanta para magkuwento.
“Walang time ‘yun e, walang old or new doon e, kasi the story is the same—that are heartfelt, you will feel it at any age. So ngayon, even the young kids when they listen to old music like ours, they realize ‘oo nga no, there’s a look at the story,” aniya.
“It’s not nanggagaya ng iba, it’s not repetitive. There’s a real story going on,” pagpapatuloy ni Boboy.
Magkakaroon ng dalawang gabing concert ang APO Hiking Society sa Hulyo 15 at 16 para sa kanilang ika-50 anibersaryo.
Bukod kina Boboy at Jim, miyembro rin ng APO Hiking Society si Danny Javier, na pumanaw noong nakaraang taon sa edad na 75, na for sure nami-miss na nila ng husto.
(RUEL J. MENDOZA)