MAAARING magkaroon ng isang independiyenteng koponan sa Philippine Basketball Association (PBA) kapag natuloy ang negosasyon ng isang malaking kampanya na matagal nang atat na makatuntong sa unang propesyonal na liga sa Asya at sa bansa.
Hindi lantaran ang posibleng pagbebenta sa isang prangkisa sa liga dahil lahat halos ng mga koponan ay patuloy ang pagpapapirma ng kani-kanilang mga manlalaro para makumpleto lineups bago magbukas ang Philippine Cup sa Marso 1.
Pero ang isa naman, napag-alaman sa isang impormante ng pahayagang ito na sadyang tagilid na ang kalagayan at matagal nang nais ibenta kaya pautay-utay nang binibitiwan ang mga de-kalibreng manlalaro.
Isang tweet ding nagbuhat sa @InsideThePBA : “Sources say that there is a PBA franchise that is about to be sold to an independent company that’s not related to SMC or MVP.”
Hindi naman dinenay o kinumpirma ng Office of the PBA Commissioner ang balita dahil kailanganng ipaalam mismo ng mga namumuno at opisyal ng mga may-ari ng koponan ang kanilang bilihan sa prangkisa upang makapagsagawa ng kaukulang hakbang at hindi makaapekto sa liga.
Samantala, may rule changes ang PBA Technical Committee na planong ipatupad sa papasok na 45th season.
Layon nitong maging mas exciting ang mga laro, at para na rin makasabay sa rules ng FIBA.
Iikot ang komite sa lahat ng teams para ipaliwanag at himayin ang rule changes, una rito ang hinggil sa substitutions at time resetting. May panukala ring baguhin ang fines at penalties at aprubado na ng Competition Committee ang rule changes.
Bagong set ng coaches ang bubuo sa Competition Committee ngayong taon – sina Leo Austria ng San Miguel Beer, Caloy Garcia ng Rain or Shine, Nash Racela ng Blackwater at Louie Alas ng Phoenix.
Ang unang Competition Committee sa ilalim ni Commissioner Willie Marcial ay binuo noong 2018 at kinabilangan nina Tim Cone ng Ginebra, Norman Black ng Meralco, Yeng Guiao ng NLEX at noo’y Alaska coach Alex Compton, kasama sina Ryan Gregorio at Quinito Henson.
Plano ng Office of the Commissioner na i-rotate ang coaches ng 12 teams para maging bahagi ng Competition Committee sa mga susunod na taon.
Kasabay nito, iniurong ng PBA ang mga pagbubukas ng Season 45 pati ang 10th D-League bilang suporta ng liga sa mga precautionary measure ng gobyerno bunga ng 2019 novel coronavirus outbreak.
Pangangalaga na rin ito ng liga sa kaligtasan ng mga player at fan na inaasahang dadagsa sa opener.
Ang dating Marso 1 opening ng papasok na season ay ipinostpone na sa Marso 8 sa Smart Araneta Coliseum pa rin, habang sa Marso 2 na sa Paco Arena ang opening day ng D-League na unang iniskedyul sa Pebrero 13.
“It’s a preventive measure against nCoV. It’s now in place and will be implemented,” pahayag ni commissioner Willie Marcial nitong Lunes. “The safety of our fans, teams, players and officials remain to be our utmost priority.” (REC)