UMAKYAT sa +73 o “excellent” ang satisfaction rating administrasyong Duterte sa ika-apat na quarter ng 2019 survey ng Social Weather Stations.
Sa naturang survey na isinagawa mula Disyembre 13 hanggang 16 noong 2019, 81 na porsyento ng mga respondents ang nagpahayag ng kanilang “satisfaction” sa general performance ng administrasyon, 12 na porsyento naman ang “neither satisfied nor dissatisfied” at 7 na porsyento ang “dissatisfied”.
Ayon sa SWS, umangat ng anim na puntos ang satisfaction rating mula sa very good rating na +67 noong Setyembre 2019, at kahalintulad nito ang high-excellent na +73 noong Hunyo 2019.
“The 6-point rise in the national administration’s overall net satisfaction rating was due to increases in all areas,” ani SWS.
Ipinakita sa survey kung saan pinakamagaling ang administrasyong Duterte: Pagtulong sa mga mahihirap (+64), Paglaban sa terorismo (+61), Pagbibigay ng impormasyong kailangan ng mga tao upang masuri kung ano ang ginagawa ng pamahalaan (+58), Pagkakaroon ng malinaw na polisiya (+56), Pag-develop ng isang malusog na ekonomiya (+53), Pakikipag-ayos sa mga rebeldeng Muslim (+51), at Pagprotekta sa freedom of the press (+50).
Nakatanggap naman ng “good rating” ang administrasyon sa: Paglaban sa krimen (+49), Pagkikipagkasundo sa mga komunistang rebelde (+48), Foreign relations (+47), Pagtugon sa gusto ng tao (+45), Pagdepensa sa soberanya ng Pilipinas sa West Philippine Sea (+32), at Pagtanggal sa graft and corruption (+31).
“Moderate” naman ito sa: Pagsisigurong walang pamilya ang magugutom (+29), Pagrekober sa ”hidden wealth” na kinuha ng Marcos stolen by Marcos at iba pang kasamahan nito (+25), at Paglaban sa inflation (+12).
Sinabi ng SWS na base sa isang tanong ang satisfaction rating ng general performance ng pamahalaan at hindi average ng mga sagot mula sa magkakahiwalay na tanong.
“The general rating is repeated every quarter, whereas only a core of the specific subject-ratings are repeated. Subjects are included or excluded depending on their contemporary salience,” ayon sa SWS.
Face-to-face interview ang isinagawa sa 1,200 na adults sa buong bansa na may 300 kada isa sa Metro Manila, Balance Luzon, Visayas, at Mindanao.
Mayroong sampling error margin na ±3 na porsyento ang survey para sa national percentages at ±6 na porsyento kada isa sa Metro Manila, Balance Luzon, Visayas, at Mindanao.
Kaugnay nito, ikinagalak ng Palasyo ang nasabing survey result at sinabing malinaw na indikasyong nagtitiwala sa gobyerno ang mas nakararaming Pilipino sa ilalim ng pangangasiwa ng Punong Ehekutibo.
Nakikita aniya ng mga Pilipino na nagtatrabaho nang husto ang Duterte administration lalo na sa pagtulong sa mga mahihirap, paglaban sa terorismo, pagpapaangat sa ekonomiya, magandang ugnayan sa mga rebeldeng Muslim at pagpapahalaga sa karapatan ng mga mamamahayag.
Tinitiyak ni Panelo na sa kabila ng mataas na rating ni Duterte, hindi magiging kampante ang gobyerno, bagkus ay mas lalo pang magsisikap para maibigay ang tunay na serbisyo sa mamamayan.
Sinabi naman ni Presidential Communications Operations Office Secretary Martin Andanar na ang resulta ng survey ay resulta ng magandang trabaho ng lahat ng miyembro ng gabinete at mga masisipag na kawani at opisyal ng gobyerno lalo na sa matatag na political will ng Punong Ehekutibo. (Daris Jose)