NAKATAKDANG bumuo ang Philippine Basketball Association ng plano para tugunan ang pinakahuling kumpirmasyon ng mga panibagong kaso ng coronavirus disease o COVID-19 sa loob at labas ng bansa.
Kabubukas pa lang nitong Linggo ng 45th season ng liga sa Araneta Coliseum sa Quezon City kung saan tinambakan sa unang laro ng defending champion San Miguel Beer ang Magnolia Hotshots maski walang June Mar Fajardo.
Nagpatawag si professional cage league commissioner Wilfrido Marcial ng emergency meeting ng Board of Governors kahapon (Martes) para pag-aralan ang mga posibleng hakbang na gagawin kung saan lahat ng posibleng senaryo ay sisilipin ng liga.
“Maaaring maurong ulit ang schedule, puwede ring maglaro closed door,” wika kamakalawa (Lunes) ni Marcial. “Puwede rin namang ituloy din natin ang mga laro.”
Una nang naiurong ang iskedyul ng opening dahil din sa COVID-19, mula Marso 1 patungong Marso 8.
Sa lahat ng entry points ng Big Dome ang mga pumapasok ay sumasailalim sa temperature check. Naglagay na rin ng alcohol malapit sa mga exit na nagamit ng halos 10,000 nanood sa playing venue.
Laksa na ang sporting events sa buong mundo ang mga kinansela, ang mga itinuloy ay inilaro kahit closed door na lang. (REC)