WALA pang katiyakan sa petsa sa pagbubukas ng 4th Premier Volleyball League (PVL) 2020.
Pero sinisinop ang oras ng mga team ng semi-pro women’s volleyfest, maging ang karamihan sa kanilang mga player.
Kagaya ni Pauline Marie Monique ‘Ponggay’ Gaston ng Choco Mucho Flying Titans, na naglalaro rin sa Ateneo Lady Eagles sa University Athletics Association of the Philippines (UAAP) kung saan siya pa ang team skipper.
Pinagkakaabalahan ng 22-anyos at may taas na 5-10 na middle hitter ang pangangalap ng pondo mula sa mga donasyon ng mga netizen at iba pang mga taong may ginintuang puso.
Ipinapantulong naman niya ang nalikom na pera para sa mga batang wala pang magamit sa kanilang pag-aaral sa nakatakdang pagbubukas ng mga klase sa darating na Oktubre 5.
“Hi everyone this is Ponggay Gaston from Ateneo de Manila University, ako po’y kumakatok sa inyong mga puso para makatulong po sa mga batang walang magagamit sa pag aaral nila ngayon,” isa sa mga huling post ng dalagang balibolista sa kanyang Facebook account.
Hinirit niya: “Kung willing kayong tumulong kahit konting halaga ay malaking tulong na po ‘yun, just pm me or comment down thank you.”
Isa sa bagitong manlalaro si Gaston sa Titans. Ang isa pa ay Jamie Lavitoria.
Saludo ang OD sa iyo Ponggay. Mabuhay ka. Dumami pa sana ang lahi ninyo! (REC)