Tatlong bagong Deputy Speakers at iba pang opisyal ang hinalal ng kamara kahapon.
Ang mga bagong Deputy Speakers ay sina Cagayan De Oro Rep. Rufus Rodriguez, Buhay Party-list Rep. Jose “Lito” Atienza at Las Piñas Rep. Camille Villar.
Hinalal din si dating Batangas Rep. Mark Llandro “Dong” Mendoza bilang bagong Secretary-General, matapos na magbitiw si Atty. Jocelia Bighani Sipin sa kanyang tungkulin kay Speaker Lord Allan Velasco.
Samantala, hinalal naman si Pampanga Rep. Juan Miguel “Mikey” Arroyo bilang Chairman ng House Committee on Energy; Caloocan City Rep. Dale “Along” Malapitan bilang pinuno ng delegasyon ng kamara sa House of Representatives Electoral Tribunal; at ACT-CIS Party-list Rep. Eric Go Yap bilang Vice Chairman ng Accounts Committee.
Hinirang naman si Speaker Velasco bilang pansamantalang tagapamahala ng Unang Distrito ng Cebu matapos na pumanaw si Rep. Raul Del Mar.
Ang pagkakahirang kay Velasco bilang tagapamahala ay alinsunod sa kagustuhan na rin ni Rep. Del Mar noong siya ay nabubuhay pa, na ipinarating naman sa kanya ng pamilya Del Mar at mga nasasakupan ng namayapang mambabatas.
Si Rodriguez, na isang batikang abogado sa Kamara, ay hinalal na Deputy Speaker kapalit ni Capiz Rep. Fredenil Castro. Siya ay naging kinatawan sa Kongreso noong taong 2007 hanggang 2016, at mula 2019 hanggang sa kasalukuyan.
Nagtapos ng abogasya si Rodriguez sa University of the Philippines, at naglingkod bilang Bise-Gobernador ng Misamis Oriental mula 1984 hanggang 1986. Noong 1990, siya ay naging Dean ng College of Law ng San Sebastian College.
Si Rodriguez ay dating Commissioner ng Bureau of Immigration sa termino ni dating Pangulong Joseph Estrada.
Si Atienza naman ay nahalal bilang Deputy Speaker kapalit ni Laguna 1st District Rep. Dan Fernandez.
Kinakatawan ni Atienza ang BUHAY Party-list sa Kongreso simula pa noong 2014. Naglingkod siya bilang Kalihim ng Department of Environment and Natural Resources mula taong 2007 hanggang taong 2009 sa termino ng administrasyong Arroyo.
Naglingkod din siya nang tatlong magkakasunod na termino bilang alkalde ng Maynila simula 1998 hanggang 2007.
Samantala, si Villar ay nahalal bilang Deputy Speaker kapalit ni Batangas Rep. Raneo “Ranie” Abu.
Si Villar ay kaisa-isang anak na babae ng Real Estate Tycoon na si Manuel “Manny” Villar Jr. at kasalukuyang Senador Cynthia Villar.
Ang amang Villar ay naglingkod bilang dating Pangulo ng Senado at Speaker ng Kamara. Siya rin ang Pangulo ng Nacionalista Party, ang pinakamatandang partido politikal sa bansa.
Ngunit, ito naman ay tinanggihan ni Villar.
Sa isang liham na ipinadala kay Velasco ay nagpahayag ito ng pasasalamat sa speaker sa naturang nominasyon subalit ito ay kanyang tinanggihan. (ARA ROMERO)