NAKATANGGAP na ng food boxes na bahagi ng COVID-19 Food Security Program ng pamahalaang lungsod ang mahigit sa 250,000 na residente ng Maynila.
Napag-alaman na ang mga residente sa Distrito 1 at 2 sa Tondo ang unang nagbenipisyaryo ng nasabing programa kung saan nasa kabuuang 250,054 food boxes na ang naipamahagi na nagsimula nito lamang nakaraang Pebrero 10.
Sa ulat na ipinarating kay Manila Mayor Isko Moreno Domagoso ni Department of Public Service Director Kenneth Amurao, nasa ikatlong distrito na sila ng Maynila namamahagi ng mga food boxes at inaasahang matatapos nila ito ngayong araw.
Ang pamamahagi ng mga nasabing food boxes ay pinamumunuan ng Manila Traffic and Parking Bureau, Department of Engineering and Public Works at Department of Public Services.
Ayon pa kay Amurao, inaasahang matatapos ang kanilang pamamahagi ng mga food boxes sa ika-apat at ikalimang distrito ng Maynila bago matapos ang linggong ito.
Sa ilalim ng Manila COVID-19 Food Security Program, sinabi ng Alkalde na halos 700,000 pamilya sa kabisera ng bansa ang tatanggap ng nasabing ayuda mula sa lokal na pamahalaan sa susunod na anim na buwan.
Ang bawat food box ay naglalaman ng tatlong kilo ng bigas, 16 piraso ng canned goods at 8 pakete ng kape. Naglaan ang lokal na pamahalaang lungsod ng P3 bilyon para sa naturang programa.
“Pipilitin natin sa lungsod na walang pamilyang magugutom. Sa Maynila, kakain tayo,” ani Mayor Domagoso.
“May mga bagay na hindi na muna natin tutugunan pero ito iyong mga bagay na sa tingin kong makapaghihintay dahil naniniwala ako na ang tao may kumakalam na sikmura, ang kalsada ay wala,” giit pa ng Alkalde. (GENE ADSUARA)