WINNER na winner sa mga nakapanood ng Dito at Doon ng TBA Studios ang pagtatambal nina JC Santos at Janine Gutierrez kasama sina Yesh Burce, Victor Anastacio at Lotlot de Leon, na mula sa direksyon ni JP Habac.
Bukod sa napapanahong kuwento, napakahusay naman talagang naitawid nina Janine at JC ang character nina Len at Caloy, bukod pa sa paglitaw ng chemistry ng dalawang bida, na kahit sila ay nagulat.
Marami ang nagmahal sa love story na pinagdaanan nina Len at Caloy, na for sure, marami ring naka-relate dahil sa pandemya kaya naman naging word of mouth ito, bukod pa sa pawang magagandang reviews na naglabasan.
Kaya naman nagpapasalamat ang buong cast ng Dito at Doon dahil sa extended ang run ng movie sa limang streaming platforms na KTX, Cinema ’76 @Home, iWantTFC, Ticket2Me, at Upstream.
Ang magandang balita pa, napapanood na rin ito for a limited time in USA, Canada, and select territories in the Europe, Middle East, and North Africa sa pamamagitan ng TBA Play (For a full list of countries and updates on availability in other regions, visit tba.ph and follow https://www.facebook.com/tbaplaymovies)
Anyway, noong napanood namin ang Dito at Doon via online streaming, isa kami sa nabitin habang tutok na tutok sa kaganapan sa story, kaya naman halos lahat ng napanood ay nagwi-wish na sana raw ay magkaroon ito ng part 2.
Kaya naman sa ginanap na sa online thanksgiving mediacon ng movie kasama ang TBA Studios producers na sina Mr. Ting Nebrida at Ms. Daphne Chiu, inamin ng cast na kahit sila ay gustong magka-sequel ang Dito at Doon para sa pagpapatuloy ng love story nina Len at Caloy na kinakiligan naman talaga, kahit sina Janine at JC.
Kuwento nga ni JC, “na-enjoy ko ‘yung process habang sinu-shoot namin, and I think gets ko na simula nu’n nagre-react si Janine sa lahat ng mga kalokohang ginagawa ko sa eksena.
“I think doon pa lang, ‘okay na magandang tingnan na ‘to.’ So, may ganu’n na ako, visually si direk na ‘yung may ano ro’n, na-edit niya ng maayos ‘yung pelikula na tama lahat ng ginagawa namin.”
“Ako hindi na ako na-surprise kasi naramdaman ko na si JC on set at kinikilig talaga ako,” pag-amin ng premyadong aktres.
“Tapos all the more, lagi naming inaabangan ni JC si direk JP, kasi habang sinasabi niya ‘yung ‘cut!’ natatawa siya so parang ‘yun ‘yung metro namin kung ‘uy kinilig si direk, uy natawa si direk.’ So nu’ng okay si direk, puwede, puwede.”
At kung sakali ngang mapagbigyan sila ng pagkakataon na makagawa ng sequel ng movie, natanong ang mga bida kung sino ang gusto nilang maka-love triangle sa movie.
Naka-“Oh my God!” naman ni Janine.
Sabay sabing, “May sagot ako diyan! Si Bela Padilla kasi siyempre, JC-Bela, napaka-iconic ng tandem na yan. And fan din ako ni Bela. Napakahusay! And now she’s directing na rin.
“So, parang kung merong kalaban, dapat matindi ’yung kalaban, di ba? So, du’n na ko kay Bela.”
Ang napili naman ni JC ay si Enchong Dee na naging leading man ni Janine sa Elise na ipinalabas noong 2019, kaya tiyak na magiging maganda ang kalalabasan kung muli silang magkakasama.
“I love the guy. I love him. Sobrang bait ni Enchong, di ba? Alam mo ’yung tao na sobrang bait?
“Tapos gusto kitang nandiyan lang gusto kitang ka-kuwentuhan, gusto kong naririnig ’yong mga naiisip niya.”
“Saka magaling umarte,” dagdag pa ng aktor.
Bago pa sumalang si Miss Universe Philippines Rabiya Mateo sa 69th Miss Universe na ginanap noong May 16 sa Seminole Hardrock Hotel & Casino, Hollywood, Florida na kung saan nakapasok naman sa Top 21 ang ating pambato, natanong uli si Janine kung bakit nga ba hindi siya nag-ambisyon na maging beauty queen.
Paliwanag niya, “never kong pinangarap na maging beauty queen. I love watching pageant. Pero maging beauty queen, hindi ko talaga pinangarap.”
Kahit na ayon sa mga beauty pageant experts ay may ‘K’ siyang mag-join.
“Sobrang flattered ako na naisip nila na puwede pala ako,” tugon pa ng magandang girlfriend ni Rayver Cruz.
Samantala, sa naturang online thanksgiving ng TBA Studios, in-announce din ang upcoming projects tulad ng Quezon, ang final installment ni Direk Jerrold Tarog na historical trilogy na sisimulan na ang pre-production sa June.
Pinaghahandaan na rin nina Direk JP at Direk Crisanto Aquino (Write About Love) ang kani-kanilang follow up projects.
May international release din sila ng Hollywood action comedy na The Comeback Trail na pinagbibidahan nina Robert de Niro at Morgan Freeman.
Dapat ding abangan ng international viewers ang mga award-winning titles via TBA Play na kinabibilangan ng crime drama na Boundary nina Ronnie Lazaro at Raymond Bagatsing, sa direksyon ni Benito Bautista; ang documentary na A is for Agustin ni Grace Simbulan at ang mga short films na Life Is What You Make It ni Jhett Tolentino, The Interpreter ni Benito Bautista, at Angelito ni Jerrold Tarog.
Ipalalabas naman ang dark comedy na Devil Has A Name at ang award-winning arthouse film na Show Me What You Got sa domestic digital platform na Cinema ‘76 @ Home.
Malapit na ring buksan ang Cinema ’76 café sa Anonas, Quezon City, malapit sa Cinema ’76 microcinema at open for delivery.
May bago ring ihahandog ang TBA Studios sa kanilang Youtube channel, ang new series na Sing Out Loud na kung saan ipi-feature ang indie OPM artists.
(ROHN ROMULO)