PINAPAYAGAN ng pamahalaan ang mga pribadong kumpanya na humirit ng “cost reimbursement” para sa COVID-19 vaccines na kanilang binili para sa pamilya ng kanilang empleyado.
May ilan kasing kumpanya ang binalikat ang halaga ng bakuna para sa kanilang mga manggagawa subalit hindi para sa pamilya ng mga ito.
“Ang polisiya po ng gobyerno, unang una, basta inorder po yan para doon sa mga taong nag-order at hindi makakarating sa ibang mga tao, hindi ibebenta sa ibang tao, at pangalawa reimbursement for cost po ‘yan at walang profit, ‘yan po ay pinapayagan ng ating gobyerno,” ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque.
Ang mga bakuna ayon kay Sec. Roque ay kailangang bilhin sa pamamagitan ng tripartite deal sa pagitan ng kumpanya, gobyerno at vaccine manufacturers.
“Hindi po isyu yung cost-sharing na sinisingil ng ilang mga kumpanya, provided inorder talaga ‘yan at hindi makakarating sa ibang tao,” dagdag na pahayag ni Sec. Roque.
Sa kabilang dako, pumalo na sa 12 milyong katao ang nabakunahan kontra COVID-19 sa Pilipinas.
Ayon kay National Task Force Deputy Chief Implementer Vince Dizon, sa nakalipas na apat na araw, umabot sa isang milyon ang nabakunahan.
Sa ngayon, nasa 17.4 milyong doses na ng bakuna ang nakukuha ng Pilipinas.
Target ng pamahalaan na mabakunahan ang 70 milyong Filipino para maabot ang population protection.
Una rito, umaasa ang pamahalaan na makapagdiriwang na ng Pasko ngayong taon ang Pilipinas na hindi na kailangan na magsuot ng face mask at face shield bilang pangontra sa COVID-19. (Daris Jose)