HINDI mamumunga ng bayabas ang santol, kaya hindi katakataka kung si Juliana Gomez ay mahusay sa sports na fencing dahil ang ama niyang aktor at Leyte 4th District Congressman na si Richard Gomez (na kilala rin sa bansag na Goma) ay gumawa ng sarili nitong pangalan sa kaparehong sports event noong kabataan niya.
Nauna na nitong nakaraang Nobyembre lamang ay nakasungkit si Juliana ng gold medal sa kanyang pinakaunang international competition sa Air Force Open Fencing Championship sa Bangkok, Thailand.
At nito lamang Disyembre 19, sa pamamagitan ng pagpo-post ng litrato niya sa kanyang Instagram account ay inanunsiyo ni Juliana na siya ay muling nagwagi sa isang international fencing competition, this time sa katatapos lamang na West Java Fencing Challenge 2022 sa Bogor, Indonesia.
Ang caption ni Juliana sa litrato sa kanyang IG Stories ay, “Last competition of the year! Now it’s time to head back home. Thank you Indonesia.”
Siyempre naman, pinaka-proud sa bagong achievement ni Juliana ay mismong si Goma na nag-post rin ng photo ni Juliana sa kanyang IG account na may caption naman na, “Congratulations @gomezjuliana for winning the Gold in the West Java Fencing Challenge 2022 in Bogot, Indonesia.
“You make our country proud! Congratulations to Coach Benny Garcia as well!”
***
PATULOY na umaariba ang mga Filipino artists abroad.
Pinansin at pinuri ang husay ni Dolly de Leon at naging unang artistang Pinoy na nominado sa Golden Globe Awards sa Amerika at nagwagi pang Best Supporting Actress sa Los Angeles Film Critics Award para sa pelikulang ‘Triangle of Sadness’.
Ngayon naman, for the very first time ay isang pelikulang gawang- Pinoy ang mapapanood sa Amazon Original Movie (Prime Video) at ito ay ang ‘Sampung Mga Kerida’ (Ten Little Mistresses).
Tampok sa pelikula ang ilan sa mga bigatin nating artista tulad nina Eugene Domingo, John Arcilla, Christian Bables, Arci Muñoz, Carmi Martin, Agot Isidro at Pokwang.
Mapapanood ang ‘Sampung Mga Kerida’ sa Pilipinas sa February 15, 2023. Bukod dito ay mapapanood rin ito sa halos 240 bansa sa buong mundo.
Sa direksyon ni Jun Lana, ang naturang pelikula ay isang murder-mystery comedy film sa ilalim ng The IdeaFirst Company.
(ROMMEL L. GONZALES)