MAHIGIT 6K mga bata sa Caloocan, Malabon, Navotas at Valenzuela na may edad 5-12 ang nakatanggap ng Christmas gifts mula sa Office of the President “Balik Sigla, Bigay Saya,” Nationwide Gift-Giving Day na program ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Sa Caloocan, 2,000 Batang Kankaloos ang nakatanggap ng mga trolley bag na naglalaman ng relo, tumbler, medyas, face at hand towels, at kapote na magagamit nila sa paaralan o sa kanilang pang-araw-araw na gawain.
Bukod sa mga regalo, ang mga bata kasama ang kanilang mga magulang, ay nabigyan din ng libreng serbisyo at aktibidad tulad ng oral health at nutrition consultations, gupit, face painting, libreng bitamina at oral health kits ng Caloocan LGU.
Nagpasalamat naman si Mayor Along Malapitan kay Pangulong Marcos sa patuloy nitong suporta sa mga residente ng Caloocan.
Umabot naman sa 1,500 batang Malabueño ang nakatanggap din ng kaparehong mga regalo sa Lungsod ng Malabon kung saan pinangunahan ni Mayor Jeannie Sandoval ang pamamahagi nito.
Pinasalamatan din ni Mayor Jeannie si PBBM sa pagdadala ng aktibidad sa Malabon at pagpapasaya sa mga bata.
“Ngayong nalalapit na Kapaskuhan, nais nating ipadama ang tunay na diwa nito, ang pagmamahalan at pagbibigayan. At ang programang ito, sa pangunguna ng ating kagalang-galang na Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ay isang paraan para maipadama ang mga ito sa mga kabataan,” pahayag niya.
Habang mahigit 1,000 kabataang Navoteños naman ang nakatanggap ng kapareho ding regalo mula kay Pangulong Marcos.
“Nagpapasalamat din po kami sa inyong mabilis at patuloy na pagtulong sa aming mamamayan. Sa Bagong Pilipinas, tunay na ramdam namin ang inyong lubos na pagmamahal”, ani Mayor John Rey Tiangco.
Sa Valenzuela, pinangunahan ni Mayoress Tiffany Gatchalian ang pamamahagi ng gift bag na mula kay PBBM sa 1,500 mga bata mula sa iba’t ibang Early Childhood Care and Development Centers sa lungsod at mga bata mula sa Bahay Kalinga.
Nagpasalamat naman si Mayor WES Gatchalian kay Pangulong Bongbong Marcos sa maagang Pamasko handog nito para sa mga batang Valenzuelanos.
Ang naturang programa ay inilunsad sa ikatlong sunod na taon, ng Office of the President, sa pamamagitan ng Social Secretary Office, sa pakikipagtulungan ng mga lokal na pamahalaan, Metropolitan Development Authority (MMDA), at ng Department of Socal Welfare and Development. (Richard Mesa)