ISINUSULONG ang paglalagay ng dashboard camera, closed circuit television (CCTV) at global positioning system (GPS) sa lahat ng pampublikong transportasyon.
Bagama’t, may iba na boluntaryo nang nagkabit nito, marami pa rin ang wala. Unang-una ay ang paniwalang dagdag-gastos lang ito.
Pero, kapag nakalusot na ang nasabing panukalang-batas, hindi na papayagang bumiyahe ang public utility vehicle (PUV), school transport service, government service vehicle, gayundin ang transport network vehicle service (TNVS) na walang dashboard camera, CCTV at GPS.
Layon nitong magkaroon ng maaasahan at ligtas na public transportation system ang bansa.
Sa kaliwa’t kanan ba namang krimen at aksidenteng nagaganap sa mga lansangan ay tiyak na napakalaking tulong nitong mga nabanggit na equipment hindi lang para sa dokumentasyon kundi puwede ring kontra kriminal.
Kung lahat ng pampublikong sasakyan ay may CCTV na namo-monitor ng kinauukulan, uulitin natin, namo-monitor o nababantayan ng kinauukulan, siguradong magdadalawang-isip ang sinuman na gumawa ng masama.
Sa mga naunang panukala, ang mga video footage at impormasyon na makukuha mula sa dashcam, CCTV at GPS ay maaari raw tingnan at gamitin ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), government personnel, legal body at korte na siyang aatasan na mag-imbestiga at maglitis sa kriminal na aktibidad at mga paglabag. Bukod dito, mananatili umanong confidential ang footages.
Gayunman, hindi lang naman ito responsibilidad ng mga nasa gobyerno, higit kaninuman, ito ay obligasyon nating mga drayber at operator — ang makapagbigay ng serbisyo sa mga mananakay, ang maisakay at maibaba sila nang ligtas sa kanilang destinasyon.