• November 7, 2024
  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for February 21st, 2020

Orle, Pantone papalo sa PLDT

Posted on: February 21st, 2020 by @peoplesbalita No Comments

TATRANGKAHAN pala nina French import Maeve Orle at legendary libero Lizlee Ann ‘Tatan’ Gata-Pantone habang si Rogelio ‘Roger’ Gorayeb pa rin ang magmanado para sa PLDT Home Fibr sa nakatakdang 8th Philippine SuperLiga Grand Prix 2020.

 

Puntirya ng Power Hitters na maparehasan, hindi man mahigitan ang bronze medal na tinapos dito sa nakalipas na taon sa pagbabalik pa rin nina Vira May Guillem, Aiko Urdas, Shola Alvarez, Jorelle Singh, Rysabelle Devanedera, Alysa Etoa, Kath Villegas, at Joyce Sta. Rita.

 

Nasa team din ang mga bagong saltang sina Jan Andrea Morano, Necelle Mae Gual, Sheek Gin Espinosa at Menchie Tubiera, Sheeeka Gin Espinosa sa paghalili kina Grethcel Soltones, Jasmine Nabor at Jerrili Malabanan.

 

Lumanding na pang-anim at panlima lang ang kampo sa all-Filipino at Invitational conference, ayon sa pagkakasunod, sa nagdaang edisyon ng liga.

 

Kaugnay nito, binanggit ni Clint Malazo na si veteran coach Gorayeb pa rin ang mamando sa koponan sa kabila na siya ang namamahala sa kasalukuyan sa trainings at drills.

 

“Okay naman na siya, nagre-recover na lang siya,” wika ng PLDT assistant coach sa pagpeprepara ng team para sa pagbubukas ng women’s indoor volleyfest sa Pebrero 29.

 

Nasuring may multiple myeloma si Gorayeb sa nakalipas na taon at patuloy pang sumasailalim sa chemotherapy sessions. Nasa bench siya ng team buhat pa noong 2018.

 

“By March. Baka sa first game pwede na rin siya. Hindi pa natin alam, hindi pa namin napag-usapan,” dugtong ng Power Hitters asst. coach.

 

Kahit limitado pa kung gumalaw, sumasaksi naman na si Gorayeb sa mga training ng PLDT para sa PSL season-opening conference.

 

“Nasa training na siya palagi pero siyempre hindi muna siya nagdi-drills. Kami muna,” wakas na saad ni Malazo.
Matatasahan agad ang PLDT kopening game sa Peb. 29 kontra Sta. Lucia Lady Realtors sa FilOil Flying V Centre sa San Juan City.

 

Good luck na lang sa inyo. (REC)

Bading na-depressed sa utang, nagbigti

Posted on: February 21st, 2020 by @peoplesbalita No Comments

NASAWI ang isang 23-anyos na bading na dumanas umano ng depresyon matapos magbigti dahil sa hindi nabayarang utang sa Malabon City, kahapon (Huwebes) ng madaling araw.

 

Kinilala ang biktima na si Mark Lester Jhon Dela Cruz, salesman, na nadiskubreng walang buhay ng kanyang tiyahin na si Ailane Bacalso habang nakabigti gamit ang kumot na nakapulupot sa kanyang leeg samantala ang dulo ay nakatali sa kisame bandang ala-1:30 ng madaling araw sa loob ng kanilang bahay sa 18 Kaunlaran St., Brgy. Muzon.
Ayon kay Malabon police homicide investigator P/MSgt. Julius Mabasa, bago ang insidente ay tinawagan ng biktima ang kanyang nakatatandang kapatid na babae at sinabing nahihiya siya at napahiya sa mga tao na humahabol sa kanya dahil sa hindi niya nabayarang utang.

 

Gayunman, natagpuan ng tiyahin ng biktima ang listahan ng utang ng kanyang pamangkin at napag-alaman na mayroon lamang siyang utang na P1,000.00.

 

May hinala rin si Bacalso na ang kanyang pamangkin ay nakipag-break umano sa kanyang kasintahan na naging sanhi ng kanyang pagkalungkot. (Richard Mesa)

Amsali, bagong pangil ng Red Lions

Posted on: February 21st, 2020 by @peoplesbalita No Comments

MABANGIS pa rin ang San Beda University Red Lions sa parating na National Collegiate Athletic Association (NCAA) Season 96 men’s basketball tournament 2020 dahil may mga bagong dating pero astig na tatlong manlalaro.

 

Sinigurado ng SBU na sasalang pa rin sa kanila bilang ang mga bagito pero may potensiyal na sina Rhayyan Amsali, big man Justine Sanchez at defensive specialist Tony Ynot.

 

Ayon kay team manager Jude Roque nitong Huwebes, masaya ang Beda sa naging desisyon ng tatlo dahil sila ang mga kapalit sa mga nawalang key player sa nakaraang season.

 

“They will surely add more depth to our team, which as you all know lost key players from last season,” dada ni Roque. “They will also add championship experience to our young roster, having won the NCAA Juniors title last year.”

 

Nagpeprepara na ang Mendiola-based squad para nakatakdang pagsisimula nng seniors hoops ng nasabing liga sa Agosto 1.

 

Pinangunahan nina Amsali, Sanchez at Ynot ang Red Cubs nang tagpasin ang Lyceum of the Philippines-Cavite sa finals at angkinin ang titulo sa juniors division sa nagdaang ediyson ng liga.

 

Nas 6-foot-3 ang taas, may average si Amsali ng 16.6 points, 9.0 rebounds, 4.1 rebounds at 1.6 steals para sa Red Cubs. (REC)

Gawilan lalangoy, pasok sa Tokyo Para Games

Posted on: February 21st, 2020 by @peoplesbalita No Comments

MAY panlaban rin ang Philippine Team sa 2020 Tokyo Para Olympics matapos makasungkit ng slots si swimmer Ernie Gawilan matapos maabot ang kinakailangang puntos para mapasabak sa quadrennial meet na nakatakda sa Agosto 25 hanggang Setyembre 6.

 

Nakalap ni Gawilan ang Olympic points bunsod nang matikas na kampanya sa 2018 Asian Para Games sa Jakarta Indonesia at sa 2019 World Para Championships na ginanap sa London kasama sina Garry Bejino, Arnel Aba at Roland Sabido.

 

Aminado si Gawilan na maging siya ay nasorpresa dahil ang kanyang pagkakaalam ay dalawang events pa ang dapat niyang lahukan.

 

“Akala ko po isa o dalawang events pa po. Pero sabi ni coach Tony, ok na raw po, siya po talaga ang nakaalam,” pahayag ni Gawilan.

 

Ito ang ikalawang pagkakataon na sasabak sa Olympics si Gawilan na bahagi rin ng delegasyon na sumabak sa 2016 Rio de Janeiro sa Brazil.

 

“Masaya po ako, kasi kapag nagkataon, ito po ang ikalawang beses na makapaglaro sa pinakamataas na competition. Kakaunti lang po kasi ang nakakarating doon,” pahayag ng 28- anyos na si Gawilan.

 

Sa kasalukuyan, puspusan ang paghahandang ginagawa ni Gawilan kung saan buo ang suporta na kanyang nakukuha buhat sa Philippine Sports Commission (PSC) sa pangunguna ni Chairman William “Butch” Ramirez. Malaking bagay, ayon kay Gawilan ang suportang ibinibigay ng gobyerno sa mga tulad niyang atleta.

 

“Sana po ay huwag po kayong magsawang sumuporta sa sports dito po sa ating bansa, para po maituwid po sila sa mga bagay na nakakasira sa kanila. Malaking tulong din po kasi ito para sa kanila lalo na sa kalusugan po at para magkaroon po sila ng disiplina,” pahayag ni Gawilan.

 

Lubos ang pasasalamat ng pambato ng Davao na si Gawilan sa lahat ng kanyang tagumpay na nakuha at sa patuloy na suporta ng sambayanan sa Para athletes.

‘Injectable shabu’ nasabat, 2 kelot nadakma

Posted on: February 21st, 2020 by @peoplesbalita No Comments

KALABOSO ang dalawang suspek na nagbebenta ng mga liquid o injectable shabu sa online sa ikinasang drug buy bust operation sa Barangay Highway Hills, Mandaluyong City kahapon (Huwebes, Pebrero 20) ng umaga.

 

Kinilala ni Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Special Enforcement Service Director Levi Ortiz ang mga naarestong suspek na sina Mark Kenneth del Rosario San Juan, at Jeffrey Villarin Saclao, kapwa nasa hustong gulang, at mga residente ng Makati City.

 

Batay sa ulat ng PDEA, alas-12:10 ng hatinggabi, Pebrero 20 nang ikasa ng Team Alpha ang buy-bust operation sa bisinidad ng isang fast food chain sa Guevarra St., Barangay Highway Hills.

 

Nakabili umano ang undercover agent ng PDEA mula sa mga suspek ng limang piraso ng heringgilya na naglalaman ng liquid shabu at nagkakahalaga ng P10,000 kaya’t agad nang inaresto ang mga ito.

 

Nakumpiska rin mula sa mga suspek ang isang pirasong plastic sachet ng shabu na may street value na P13,600; 26 pirasong heringgilya na naglalaman ng liquid shabu, na may sukat na 10.4 milliliters at tinatayang may street value na P52,000; at isang pirasong sterile water bottle, digital weighing scale at marked money.

 

Ayon sa mga awtoridad, modus operandi umano ng mga suspek ang magbenta sa social media ng droga kabilang na ang injectable shabu.

 

Ipinakikita pa umano ng dalawa sa kanilang mga parokyano kung paano gamitin ang injectable shabu.
Nakapiit na ang mga suspek sa PDEA office at sasampahan ng mga kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Inbound, outbound mails delay muna – PHLPost

Posted on: February 21st, 2020 by @peoplesbalita No Comments

BUNSOD ng ng mga kaso ng Corona Virus Disease o COVID-19, maaantala ang lahat ng inbound at outbound mails o mga sulat mula sa iba’t ibang bansa.

 

Ito ang abiso ng Philippine Postal Corporation o PHLPost sa publiko na naghihintay ng kanilang mga koryo.
Partikular na apektado ang mga sulat mula at patungong Mainland China, Hong Kong at Macau, ayon sa PHLPost
Ang delays ayon pa sa PHLPost ay upang maiwasan ang pagkalat o paglawak pa ng COVID-19.

 

Maliban dito ay suspendido rin ang serbisyo ng gobyerno sa mga apektadong lugar na nakaka-dagdag sa delays sa lahat ng inbound at outbound mails.

 

Humingi na rin ng paumanhin at umaasa naman ang PHLPost sa publiko na maunawaan ang nangyayaring sitwasyon dahil sa naturang virus.

 

Bagamat millenials na ngayon at napapanahon na ang teknolohiya, marami pa rin ang nagapapadala ng sulat at pakete sa pamamagitan PHLPost.

 

Nagpapasalamat naman ang PHLPost sa publiko dahil sa patuloy na pagtingkilik sa tradisyunal na pagpapadala ng mensahe sa kanilang mahal sa buhay kahit pa mayroon nang social media. (Gene Adsuara)

Prangkisa ng ABS-CBN, pagkatapos ng SONA uusad – Cayetano

Posted on: February 21st, 2020 by @peoplesbalita No Comments

MAAARING sa pagtatapos na ang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Duterte na magsimula ang pagtalakay sa aplikasyon ng ABS-CBN na ma-renew ang prangkisa nito.

 

Ayon kay House Speaker Alan Peter Cayetano dalawang opsyon ang kanilang tinitignan kung kailan magsasagawa ng pagdinig ang House committee on legislative franchise.

 

“There are two options, one is that depende kung ano matapos namin in the next three weeks and a the longer option, right after SONA. Kasi ang session namin ng January to March maiksi, ang session namin ng Mayo maiksi rin, ang pinakamahaba natin is ‘yung July hanggang mag-adjourn ng October,” ani Cayetano.

 

Sinabi niya na “hindi ito teleserye na magandang bitin” ang pagtalakay sa prangkisa ng ABS-CBN.

 

“Unlike teleserye na lamang ang network kapag maganda ending at medyo bitin, hinahanap-hanap mo yung season 2 eh di ba? Pero dito sa Kongreso, in my experience mas mabuti na inumpisahan natin, tapusin na natin,” imporma ng mambabatas.

 

Iginiit muli ni Cayetano na nais niya na makapagsalita ang lahat ng pabor at tutol sa panukala bago magdesisyon ang komite kung ire-renew ang prangkisa o hindi.

 

Sa Marso mage-expire ang prangkisa ng ABS-CBN subalit naniniwala ang liderato ng Kamara de Representantes na maaari pa ring magpatuloy ang operasyon nito hanggang nakabinbin ang aplikasyon at hindi pa ibinabasura.

 

Tiniyak din ng House Speaker na hindi magsasara ang ABS-CBN kahit na matapos ang prangkisa sa katapusan ng susunod na buwan dahil makikipag-uganayan sila sa National Telecommunications Commission (NTC) habang nakabinbin sa Kamara ang usapin.

 

Samantala, hindi nagustuhan ni Cayetano ang gagawing pagdinig ng Senado sa franchise renewal ng broadcast giant na ABS-CBN.

 

Ayon sa mambabatas, labag sa konstitusyon ang gagawing imbestigasyon ng komite ni Senator Grace Poe.
Sinabi nito na nagtataka siya kung bakit atat na atat ang mga senador na pag-usapan ang ABS-CBN franchise gayong tiklop naman sa panukalang Charter Change o ChaCha.

 

Sinabi nito na nagtataka siya kung bakit atat na atat ang mga senador na pag-usapan ang ABS-CBN franchise gayong tiklop naman sa panukalang Charter Change o ChaCha.

 

Sang-ayon din aniya siya sa pagkwestyon ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III kay Poe kung ano ang didinggin nito gayong hindi pa naman nasisimulan ng Kamara ang franchise hearing.

 

Kapag ibinasura ng Mababang Kapulungan ang franchise ng network ay wala namang dapat dinggin ang Senado.
Mainam, ayon kay Cayetano, na hintayin na lamang ng Senado ang resulta ng pagdinig sa franchise ng Kamara upang magkaroon sila ng records ng mga may gusto at ayaw sa franchise renewal.

 

Bukod dito, isang local bill din na maituturing ang franchise bill ng ABS-CBN kaya dapat na sa Kamara talaga ito magsisimula. (Ara Romero)

Ads February 21, 2020

Posted on: February 21st, 2020 by @peoplesbalita No Comments

Takot sa COVID-19, nabawasan

Posted on: February 21st, 2020 by @peoplesbalita No Comments

KAPANSIN-PANSIN na nabawasan na ang takot at pag-aalala sa bantang pagkalat ng 2019 Coronavirus Disease (COVID-19).

 

Iilan na lang ang nakasuot ng face mask at nabawasan na rin ang mga post sa social media na may kaugnayan sa nasabing sakit saan mang kalsada.

 

Sinundan ito ng paglilinaw ng mga ahensiya ng gobyerno na safe namang magdaos ng malakihang event sa bansa.
Matatandaang, nag-abiso ang Department of Health (DOH) sa publiko na iwasan muna ang pagdaraos ng events na mangangailangan ng malaking bilang ng attendees. Bagama’t, may ilang concerts na natuloy, binantayan naman nang todo para makaiwas sa COVID-19 ang mga nanood.

 

Hanggang sa inilabas na ang joint statement ng DOH, Department of Tourism (DOT) at Department of Interior and Local Government (DILG) na nagsasabing ligtas nang mag-organize at dumalo sa mga public gathering tulad ng concert, assembly at festival. Kasabay ang paalala na tiyaking may precautionary measures na sinusunod sa mga idaraos na events.

 

Meron pa ring pagsusuri sa temperatura ng mga dadalo sa malalaking pagtitipon at may mga ilalaang hand sanitizers sa venue kaya naman masasabing naroon pa rin ang pag-iingat.

 

Sa totoo lang, kahit walang COVID-19 o tuluyan nang mawala ang banta nito, dapat lamang talagang tiyakin ang kaligtasan ng lahat laban sa anumang uri ng sakit.

DILG nag-init sa galit: Ban vs tricycle, pedicab sa highways

Posted on: February 21st, 2020 by @peoplesbalita No Comments

NAGLABAS ng kanyang galit sa mga “pasaway” tsuper ng tricycle at pedicab si Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año dahil sa patuloy nilang pag-iral sa mga national highway kahit matagal na itong ipinagbabawal ng batas.

 

Dahil dito ay inatasan ni Año ang mga local chief executive na magtatag ng ‘tricycle task force’ na bubuo ng ‘tricycle route plan’ sa ilalim ng Memorandum Circular 2020-036 sa kani-kanilang nasasakupan na dapat isagawa sa loob ng 30 araw pagkalabas nito.

 

Ginawa ng kalihim ang kautusan na nagbabawal sa mga tricycle, pedicabs, motorized pedicabs at habal-habal na dumaan sa main at national highways bunsod na rin ng road clearing operations kung kaya’t idinidiin ito sa mga lokal na pamahalaan.

 

“Matagal na nating ipinagbawal ang tricycles at pedicabs sa national highway ngunit ang daming pasaway,” sabi ni Año.

 

Aniya, dapat nang maging mahigpit ang mga mayor at pulis at siguruhing maipapatupad ang pagbabawal sa mga ito sa lansangan.

 

Babala ng kalihim, ang hindi susunod na LGUs sa kanyang direktiba ay iisyuhan ng show cause order na magsisilbing ‘ground’ para sampahan ng kasong administratibo na maaaring ikasibak nila sa posisyon.

 

Saklaw ng hihigpitan ang mga sasakyang tricycle, motorized pedicab at pedicab sa kahabaan ng nasabing mayorya na kalsada.

 

Tuloy niya, “Hindi lang ito nakasasagabal sa daan kundi nagiging sanhi rin ng sakuna sa kalye. Kaya dapat nang maging mahigpit ang mga mayor at ang pulis at siguruhing maipapatupad ang ban na ito.”

 

Pwede ang mga tricycle at pedicab sa mga national highway kung ito na lamang ang natitirang daan para sa kanila, ngunit hindi lahat ng dumadaan dito ay nasa tama. Meron pa rin bumabagtas dito bilang “shortcut” sa kanilang mahabang ruta.

 

Ang batas na nagtatakda dito ay ang Memorandum Circular 2007-01: “For safety reasons, no tricycles or pedicabs will operate on national highways utilized by 4-wheel vehicles greater than 4 tons and where normal speed exceed 40 KPH. However, the SP/SB may allow if there is no alternate route.”

 

Ang kautusan ay nagawa noong 2007, ngunit makalipas ang 13 taon, patuloy pa rin ang pagsaway dito ng ilan.
Ayon sa World Health Organization (WHO) noong 2016, 43% ng mga aksidente sa kalsada sa Southeast Asia mula sa mga two o three-wheeled vehicle.

 

Taong 2016, matatandaang naitala ang 2,658 disgrasya kaugnay ng mga tricycle, ayon kay John Juliard Go ng WHO Philippines.