NAG-ABISO ang National Commission on Muslim Filipinos sa mga Pilipinong may balak na sumabak sa Hajj pilgrimage sa Hulyo na ituloy ang paghahanda ng kanilang visa papers para rito.
Ito ay matapos na ianunsiyo ng pamahalaan ng Saudi Arabia na bawal sumabak ang mga dayuhan sa Umrah pilgrimage sa naturang bansa, bilang pag-iingat sa banta ng COVID-19.
“Ang suspended po na visa ay ‘yung Umrah pilgrimage. Yung Hajj pilgrimage hindi po. Tuloy-tuloy po yung Hajj pilgrimage, mayroon tayong lead time diyan mga 4 months from now kasi July 1 ‘yong first flight ng Hajj pilgrimage,” ayon kay Saidamen Pangarungan, pinuno ng NCMF.
Tiniyak din ni Pangarungan na nagbibigay pa rin sila ng work visa at resident visa sa mga nais pumasok ng Saudi Arabia.
Maaalalang sinuspinde ng Saudi Arabia ang entry visa para sa mga pilgrim sa Mecca ngayong taon, kasunod ng outbreak ng coronavirus disease 2019 sa Middle East.
Umaasa ang NCMF na maaayos ang sitwasyon pagsapit ng panahon ng Hajj sa Hulyo 30.
Milyon-milyong Muslim sa buong mundo ang sumasabak sa Hajj Pilgrimage, na parte ng kanilang “5 pillars.”
Noong 2019, mahigit 7,000 pilgrims ang nagpunta sa Saudi para sa Hajj, at inaasahang aabot pa ng 8,000 sa darating na Hulyo.
Ayon kay Pangarungan, hindi naman natigil ang Hajj nang magkaroon ng SARS at MERS-COV.
Sa halip ay nagkaroon ng mas mahigpit na protocol ang pamahalaan ng Saudi.
“Hindi ka puwedeng pumunta dun without accomplishing ‘yung 2 vaccine. It’s a mandatory requirement, kailangan kumuha ka ng meninggococemia vaccine at saka flu vaccine bago ka payagan na makapunta sa Saudi for the Hajj,” ani Pangarungan.