PATULOY sa pagdami ang infected ng COVID-19 dahilan kaya isinailalim na sa ngayon ang community quarantine sa buong Metro Manila base na rin rekomendasyon ng Department of Health kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Hindi ginamit ang salitang lockdown dahil maaaring maging sanhi ito ng mas matinding panic sa publiko, wala rin aniyang gulo na nangyayari at ang usapin ay kalusugan kaya mas pinaboran ang salitang quarantine.
Bukod sa hakbang na ito, pinaboran din ang apat-na-araw na trabaho sa lahat ng tanggapan ng pamahalaan. Mas praktikal anila ito para mapigilan ang pagkalat ng virus.
Ayon kay Secretary to the Cabinet Karlo Nograles, isusulong nila ang scheme at puwede rin itong gayahin ng pribadong sector. Bukod sa apat-na-araw na trabaho, isinusulong din nila ang flexi-work arrangements para ganap na makontrol ang pagkalat ng virus.
Pero sinopla agad ng Bureau of Internal Re-ve—nue (BIR) ang panukala ng pamahalaan na apat-na-araw na trabaho. Ayon sa BIR officials, malaking adjustment umano ang kanilang gagawin kapag inaprubahan ang 4-day work week.
Apektado rin umano rito ang pribadong sektor kapag pinatupad ito. Marami umanong malulugi at maaaring- magsara o kaya’y magbawas ng empleyado kapag ipinatupad ang scheme.
Hindi pa nasusubukan ay binaril na ang panukala. Maganda sana ang planong four-day workweek sapagkat mapipigilan nito ang pagkalat ng sakit. Katulad rin sana sa ginawang suspension ng klase para hindi na magkahawahan.
Maging bukas naman sana ang isipan ng ilang kumukontra lalo ngayon na hindi mapigilan ang pagkalat ng COVID-19. Wala naman silang maibigay na suhestiyon kung paano ang gagawin para mapigilan ang nakahahawang sakit.