Pumanaw na sa edad na 85-anyos ang kilalang negosyante at political kingmaker na si Eduardo “Danding” Murphy Cojuangco, Jr.
Batay sa kumpirmasyon ng malalapit sa kanya, binawian ito ng buhay kagabi sa St. Luke’s Medical Center sa Global City, Taguig.
May lumabas na impormasyon na matagal na rin itong may karamdaman sa lung cancer.
Si Danding ay dating chairman at CEO ng San Miguel Corporation, ang pinakamalaking food and beverage company sa Southeast Asia.
Dati siyang naging ambassador ng Pilipinas sa Estados Unidos at naging dating governor ng Tarlac.
Si Danding ay naging chairman emeritus ng Nationalist People’s Coalition (NPC) kung saan naging founder ito ng partido noong 1992.
Ito rin ang naging tulay niya para kumandidato noong 1992 presidential elections pero sa huli ay natalo siya kay Fidel V. Ramos.
Noong 2004 presidential elections, nagbalak din ito na tumakbo muli pero umatras.
Naging kilala rin si Danding bilang sports patron lalo na sa pagsuporta sa larangan ng basketball sa bansa.
Noong 1980s nakilala siya bilang “basketball godfather” ng Northern Consolidated team.
Sa ilalim naman ng San Miguel Corporation, meron siyang tatlong teams sa Philippine Basketball Association (PBA) na binubuo ng San Miguel Beermen, Barangay Ginebra San Miguel at Star Hotshots.
Liban nito, tumatayo rin siyang benefactor ng De La Salle Green Archers men’s basketball team.
Taong 2019 ay kinilala siya ng Forbes bilang “16th richest man in the Philippines.”
Samantala, bumuhos naman ngayon ang pakikiramay sa iba’t ibang sektor at ang iba ay nagbigay pugay sa mga naiambag nito sa bansa. (Daris Jose)