Tumatanggap na ng aplikasyon ang Social Security System (SSS) para sa mga miyembro na lubhang naapektuhan ng Coronavirus Disease 2019 pandemic sa ilalim ng Calamity Loan Assistance Program (CLAP).
Inaasahan ng SSS na may 1.74 milyong miyembro nito ang makikinabang sa CLAP kung saan maaaring makautang ng hanggang Php 20,000 depende sa monthly salary credit sa nakalipas na 12 buwan.
Ang kagandahan ng pautang na ito, base sa paliwanag ni SSS president/chief executive officer Aurora Ignacio, maaaring bayaran ang loan sa loob ng 27 buwan na may interest rate na hanggang 6% matapos ang tatlong buwang moratorium mula sa dating 24 buwan na may 10% na interes.
Ginawa ito ng ahensya dahil batid nila ang mabigat na epekto ng pandemya sa kabuhayan at kalusugan ng mga mamamayan.
Bukod dito, walang kukuning advance interest ngunit may 1% service fee na ibabawas sa naaprubahang utang.
Magkakaroon din ng 1% na penalty ang bawat buwan ng huling pagbabayad sa nasabing loan.
Sa mga miyembro na nais mag-aplay ng CLAP, kinakailangan na mayroon kayong 36 buwan na kontribusyon kung saan anim ay dapat na nabayaran sa nakalipas na labingdalawang buwan, kailangang naninirahan o nagtratrabaho sa bansa, hindi nakakuha ng anomang final benefit katulad ng total permanent disability o retirement, o walang outstanding loan sa ilalim ng Loan Restructuring Program o mula sa mga dating calamity loan.
Mahalaga rin na nakarehistro sa My.SSS web portal na matatagpuan sa SSS website na www.sss.gov.ph.
Bilang pagsunod na rin kasi sa social distancing at health protocols ng pamahalaan, maaaring magsumite ng aplikasyon gamit ang My.SSS web portal.
Hindi na rin kakailanganin ang dokumento na katunayan na ang inyong lugar ay nasa ilalim ng State of Calamity dahil hindi naman lingid sa lahat na sa bisa ng Presidential Proclamation No. 929 na inilabas ni Pangulong Digong Duterte noong March 16, 2020 ay nadeklara ito.
Maaaring makuha ang aprubadong loan sa kanilang Unified Multi-Purpose Identification (UMID) card na enrolled bilang ATM, puwede rin sa Union Bank of the Philippines Quick Card o tseke na ipapadala sa kanilang home address.
Maaaring magsumite ng CLAP hanggang September 14, 2020.