MARIING kinondena ng Malakanyang ang pagpaslang sa human rights activist na si Zara Alvarez sa Bacolod nitong Lunes.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque na walang puwang sa sibilisadong lipunan ang karahasan partikular na ang pagpatay sa mga aktibista.
Kaya nga aniya, kaagad na iniimbestigahan na ng mga awtoridad ang insidente.
Sa ngayon ay makabubuting hintayin ng publiko ang resulta nito sa halip na magturo laban sa gobyerno.
“We denounce any form of violence perpetuated against citizens, including activists. We are a nation of laws, and violence has no place in any civilized society,” diing pahayag ni Sec. Roque.
Maliban kay Alvarez ay naunang pinaslang ng hindi pa nakikilalang salarin si Anakpawis chairman at dating peace consultant Randall Echanis sa kanyang tahanan aa Quezon City noong Agosto 10.
Giit ni Sec. Roque, hindi dapat ibintang sa gobyerno ang pagkamatay ng dalawang aktibista lalo na kung walang basehan.
Mas makabubuti aniya na hintayin ang resulta ng imbestigasyon na ginagawa ng Philippine National Police sa halip na magturo kung sino ang pumatay sa dalawang aktibista.
“Blaming state forces as the people behind these murders is unfounded as investigation on the killings of Randall Echanis and Zara Alvarez is now underway,” diing pahayag ni Sec. Roque. (Daris Jose)