SA hindi na mabilang na pagkakataon ay muli na namang ipinagtanggol ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte si Health Secretary Francisco Duque III.
Nahaharap kasi si Sec. Duque sa alegasyon ng korapsyon.
Si Duque, chairman ng board of state medical insurer PhilHealth kung saan ang mga opisyal ay inakusahan sa Senate hearing ng pambubulsa ng P15 billion ng state funds.
Sinabi ng isang whistleblower na si Sec. Duque di umano ang “Godfather” ng PhilHealth mafia.
“Si Duque, walang nanakaw kung pera ang pag-usapan. Maybe some other things, there might be some other thing pero corruption, pera? Wala,” ayon kay Pangulong Duterte.
Binasura naman ni Pangulong Duterte ang makailang ulit na panawagan na magbitiw na sa puwesto ang Kalihim.
“For what? Secretary Duque was not a part of PhilHealth. As a matter of fact, he was not even reporting,” ayon sa Pangulo.
Si Duque, isa ring PhilHealth board chair ay kabilang sa mga opisyal na inirekomenda ng Senado na sampahan ng kasong irregularities sa state insurance agency
Sa kabila ng paulit-ulit na pagtatanggol ni Pangulong Duterte kay Sec. Duque, sinabi ng Malakanyang na nananatiling “open-minded” ang Chief Executive
“As a lawyer, he (Duterte) is also open-minded to the fact na mayroon siyang binuong task force, mayroon po talagang kapangyarihang mag- imbestiga ang Senado at kung mayroon pong ebidensya, titingnan ni Presidente ang ebidensya,” ang pahayag ni Sec. Roque.
“By way of precedent with the Morales incident, hindi niya ina-absolve, hindi niya dini-discourage ang mga pag-iimbestiga,” aniya pa rin.
Sa kabilang dako, nagpahayag naman ng kumpiyansa si Pangulong Duterte kay dating PhilHealth president at CEO Ricardo Morales subalit sa kalaunan ay hiniling niya rito na magbitiw dahil sa alegasyon ng korapsyon na nalantad sa Senate investigation. (Daris Jose)