• December 22, 2024
  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for December 23rd, 2020

COVID vaccine mula sa Pfizer nakarating na sa Singapore

Posted on: December 23rd, 2020 by @peoplesbalita No Comments

Natanggap na ng Singapore ang unang shipment ng COVID-19 vaccine na gawa ng Pfizer at BioNTech.

 

Lulan ng flight SQ7979 ng Singapore Airlines 747-400 freighter ang nasabing bakuna.

 

Mula umano ito sa Brussels at dumating sa Changi Airport ng Singapore ng alas-7:36 pm nitong Lunes ng gabi.

 

Tinanggap ito ni Transport Minister Ong Ye Kung at ito ay dinala sa SATS’ cold-chain facility para doon itago.

 

Sinabi ni Ong na naging ligtas naman ang pagdating ng bakuna at kanilang sisimulan ang pamamahagi ng bakuna sa iba’t ibang lugar sa kanilang bansa.

 

Magugunitang inanunsiyo ni Prime Minister Lee Hsein Loong noong Disyembre 14 na kanilang binigyan ng emergency authority ang nasabing bakuna. (ARA ROMERO)

DALAGA TIMBOG SA P353K SHABU

Posted on: December 23rd, 2020 by @peoplesbalita No Comments

Balik-kulungan ang isang 21-anyos na dalaga matapos makuhanan ng higit sa P.3 milyon halaga ng shabu sa isinagawang buy-bust operation ng pulisya sa Caloocan city.

 

Kinilala ni Northern Police District (NPD) Director P/Brig. Gen. Eliseo Cruz ang naarestong suspek na si Lyza Andrade, (watchlisted), dating naaresto noong July 29, 2019 at nakalaya noong August 2019 matapos makapagpiyansa RTC Branch 123, Caloocan City sa paglabag sa R.A. 9165.

 

Alas-2 ng madaling araw nang magsagawa ng buy-bust operation ang mga operatiba ng District Drug Enforcement Unit (DDEU) sa pangunguna ni P/Capt. Ramon Aquiatan Jr. sa ilalim ng pangangasiwa ni PCOL Giovanni Hycenth Caliao sa harap ng No. 45, Libis Talisay Dulo, Brgy. 12.

 

Isang undercover police na nagpanggap na buyer ang nagawang makapagtransaksyon sa suspek ng P6,000 halaga ng shabu.

 

Matapos iabot ng suspek ang isang sachet ng shabu sa pulis na nagpanggap na buyer kapalit ng marked money ay agad siyang inaresto ng mga operatiba.

 

Narekober sa suspek ang aabot sa 52 gramo ng shabu na tinatayang nasa P353,000.00 ang halaga, at buy-bust money na binubuo ng isang tunay P1,000 bill at 5 piraso P1,000 boodle money. (Richard Mesa)

TWG, babalangkas ng mga panukala na magpapalakas sa magna carta of small farmers

Posted on: December 23rd, 2020 by @peoplesbalita No Comments

Tinakalay ng House Committee on Agriculture and Food ang dalawang panukala na naglalayong palakasin ang Republic Act 7607 o ang Magna Carta of Small Farmers.

 

Ang House Bill 1007 ay mag-aamyenda sa Seksyon 27, Kapitulo VIII ng  RA 7606, na magpapataw ng mas mabigat na parusa sa sinumang opisyal o kawani ng National Food Authority (NFA), na mapapatunayang nakikipagsabwatan sa mga mangangalakal sa pagbili ng mga produktong pang-agrikultura.

 

Ang mga lalabag ay pagmumutalhin ng P50,000 o pagkabilanggo mula tatlo hanggang limang taon, imbes na parusang P10,000 na multa o dalawa hanggang apat na taong pagkabilanggo, na kasalukuyang ipinaiiral.

 

Samantala, ang HB 3162 na naglalayong saligan ang sistemang suporta sa presyo ng mga produktong agrikultura, upang mapataas ang kita ng mga magsasaka at upang mapigilan ang mga mangangalakal na pagsamantalahan ang mga maliliit na magsasaka.

 

Determinado ang mga mambabatas na trabahuhin ang dalawang panukala, upang mabago ang 28 taong gulang na batas at ganap na mapaunlad ang kabuhayan ng lahat ng mga Pilipinong magsasaka.

 

Tiniyak din na ang mga magsasaka ng mais ay hindi mapag-iiwanan.

 

Sinabi naman ni Department of Agriculture Undersecretary Evelyn Lavina na ang pag-amyenda sa naturang batas ay matagal nang inaasahan, at ang kasalukuyang probisyon sa RA 7607 ay hindi aniya nakabubuti sa pangmatagalang interes ng mga maliliit na magsasaka.

 

Binuo naman ng komite ang technical working group para sa mas malawak na talakayan ng naturang panukala. (ARA ROMERO)

PULIS NA BUMARIL SA MAG-INANG GREGORIO SA TARLAC, MABUBULOK SA KULUNGAN

Posted on: December 23rd, 2020 by @peoplesbalita No Comments

IPINAG-UTOS ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa Philippine National Police (PNP) na siguraduhing nakakulong si Senior Master Sergeant Jonel Nuezca at hindi makalalabas dahil ang nagawa nito ay ‘serious offense’, mabubulok ito sa kulungan.

Binaril ni Nuezca  nang tig- dalawang beses ang mag-inang Sonya Rufino Gregorio at anak nitong si Frank Anthony Rufino Gregorio, sa gitna ng argumento, dahil di umano sa “boga” at right of way. Ang insidente ay nangyari sa Paniqui, Tarlac nitong weekend.

“I’d like to call the PNP: Be sure that he is detained ha. He should not be allowed to go out kasi serious offense ‘yan. There’s no bail. So hindi maka-bail ‘yan. Diretso-diretso na ‘yan,” ayon sa Pangulo sa kanyang public address, Lunes ng gabi.

Para sa Pangulo, si Nuezca ay isa lang klase ng pulis na may sakit sa utak at may topak.

” And I was wondering why he was able to — nakalusot sa neuro. You could detect a person by the way he answers in a — ‘yung mga tests sa neuro. Tarantado ‘yung g*** na ‘yon,” diing pahayag ng Punong Ehekutibo.

Sinabi pa niya na kaisa siya ng mga pulis kung ginagawa ng mga ito ng tama ang kanilang tungkulin subalit kapag nakagawa ng mali ay kailangan lamang na pagbayaran ng mga ito ang kanilang nagawang kasalanan o kamalian.

Malinaw iyon na sinabi niya sa kanyang State of the Nation Address (SONA).

“Ang akin dito ulitin ko: Do your duty enforce the law. Your actions must be in accordance with the law. You do not follow the law, mag-salvage ka, magpatay ka diyan, then I’m sorry, that is not part of the agreement of how we should do our work.

Sinabi ko I think a dispute of land or boundary something — ah right of way. Tapos ano — parang itong… Kayong mga…,” ayon sa Pangulo.

Inamin ng Pangulo na mahal niya ang mga pulis subalit nilinaw nito na ang kanyang pagmamahal ay sa trabaho lang ng mga ito.

“You do something which is not — out of the ordinary just pulling a gun and shooting people, you must be… Eh ikulong ninyo ‘yon. Huwag ninyong bitawan ‘yang y*** na ‘yan. Hoy, kayong mga pulis ha mahal ko kayo kasi nagta-trabaho kayo. Nakita naman ninyo kung gaano ko kayo kamahal. I went to the extent of going to Jolo to just pay homage to the bravery of our policemen and soldiers,” ayon kay Pangulong Duterte.

Pero ibang usapan na aniya kapag ang pulis ay may sakit sa utak o may topak.

“And I am sure that by now, he should not be allowed to go out because double murder ‘yon eh. Double murder is a serious offense, a grave offense. So from the time you are arrested up to the time that you are haled to court to answer for the death of those two persons, innocent ones, walang bail ka. So ‘pag nahuli ka, diretso-diretso na ‘yan. And I don’t think that you can escape the rigors of justice because nakuha sa TV pati ako napanganga. Kawala walang kwenta,” aniya pa rin.

“You, you…  That’s unfair and brutal masyado. Kung ako ang nandiyan ewan ko lang. I don’t know pero I do not — I do not like oppression at ‘yang nag-ano ng tao — papahirapan niyo ang tao. Usually kasi itong pulis you tend to exhibit your authority even in matters not connected with police work. Iyong mga away-away,” dagdag na pahayag ng Punong Ehekutibo.

Samantala, sa kanyang pagkakaalam ay karamihan sa mga mga pulis ay binubugbog ang kanilang asawa.

 

“So kung kayong na binubugbog ng asawa ninyo na pulis, pumunta lang kayo sa Malacañan kay ipatawag ko ‘yung pulis, bugbugin ko ‘yan sa harap mo para mag-demanda, ihulog ko na lang sa Pasig. Mga g*** kayong p***** i**,” giit ng Pangulo. (DARIS JOSE)

Vice bumalik ang trauma, Maine hindi kinaya ang pamamaril sa mag-ina

Posted on: December 23rd, 2020 by @peoplesbalita No Comments

Tulad ng karamihan hindi rin kinaya nina Vice Ganda, Angel Locsin, Maine Mendoza at iba pang celebrities ang napanood na video sa pagpatay sa mag-ina ng isang pulis sa Tarlac dahil sa right-of-way.

 

Nag-viral ang nasabing video ng pamamaril ng pulis-Parañaque na si Police SMSgt. Jonel Nuezca sa mag-inang sina Sonya – 52 -– at Frank Gregorio – 25 – na kinasuhan na kahapon ng double murder.

 

“Natulala ako matapos ko mapanuod ung video. Bumalik yung trauma ko. Bumalik lahat ng pilit ko ng ibinabaon na alaala. Ung putok ng baril. Ung itsura nung tatay ko na parang baboy na sinasakay sa jeep. Ung mukha ng demonyo. Ang bigat ng nararamdaman ko,” tweet ni Vice.

 

Tweet naman ni Maine ; “BAKIT KAILANGANG UMABOT DOON? Hindi ko kaya, grabe, Hindi ko alam kung ano ang mararamdaman ko pero pwede bang barilin ka nalang din sa harap ng anak mo? Sorry Lord pero sobra kasi yun eh. Sobra yung ginawa niya. Hustisya para sa mag-inang Gregorio. #STOPTHEKILLINGS.

 

“Bihira nalang magcheck ng Twitter, yun pa talaga bubu­ngad sayo. Ang sakit talaga sa puso… #STOPTHEKILLINGSPH #EndPoliceBrutality,” dagdag ni Maine·

 

Maging si Alessandra de Rossi ay galit ang naramdaman sa ginawa ng pulis noong Linggo ng hapon sa harap mismo ng anak niyang menor de edad. “Di” dapat yan, hindi Jon. Pota. #STOPTHEKILLINGSPH #EndPoliceBruta­lity. Justice sa lahat ng nawalan ng mahal sa buhay dahil lang sa init ng ulo ng ibang tao. It’s not fair.”

 

Pahayag naman ni Julius Babao – “Gusto kong maniwala na maraming pulis pa din ang mabubuti, Ang PNP ang dapat gumawa ng paraan para maayos nila ang kanilang hanay dahil ang video na ito ay patunay na mayroon talagang mga abusadong pulis na umaastang sila na ang batas at gobyerno. #StopThe­KillingsPH.”

 

Kuhang-kuha sa video ang brutal na pagbaril ng pulis sa ulo ng mag-inang walang nagawa.

LIFE HACK 101: ANG PINAKAMALUPIT NA SIKRETO UPANG IKAW AY YUMAMAN AT UMUNLAD SA BUHAY, ISA-ISAHIN!

Posted on: December 23rd, 2020 by @peoplesbalita No Comments

Alam ba ninyo na anumang simpleng bagay na ginagawa natin sa araw-araw ay nagdidikta ng uri ng kapalaran at pamumuhay na magkakaroon tayo?

 

Ang simpleng pagliligpit lamang ng higaan sa umaga ay magsasabi na kung ikaw ay magiging matagumpay sa buhay. Oo. Dito mo masasabi kung ikaw ay nakatadhanang umasenso o hindi. Ang pagliligpit ng hinigaan pagkagising sa umaga ay simbolo ng pagiging masinop, maingat, at organisado. Kung iniiwan mo ang iyong higaan na magulo, asahan mo na magiging magulo rin ang takbo ng buhay mo. Ang magulong higaan ay simbolo ng magulong kaisipan na nagbubunsod ng kahirapan, kalituhan at kawalang kaayusan sa buhay.

 

Ang taong marunong magpahalaga sa mga bagay na mayroon siya ay tanda ng mataas na antas ng kaisipan.

 

Naalala ko ang isang matandang kasabihan na huwag na huwag raw gagawing basahan ang ating damit kahit gaano pa ito kaluma. Ayon sa matatanda, kapag raw ginagawa mong basahan ang iyong damit, para na rin daw binabalewala mo ang iyong pagkatao dahil inihalintulad mo ito sa basahan. Tama nga naman. Ang mga bagay ay ginawa para sa kanilang specific purpose. Ang damit ay ginawa para suotin. Ang basahan ay ginawa para panlinis. Kahit gaano pa raw kaluma ang iyong damit, bigyan mo ito ng kaukulang respeto sapagkat minsan ay isinuot mo ito at naging repleksiyon ng iyong pagkatao. Kung may luma kang damit at talagang hindi na maaaring i-donate dahil sira na, sa halip na itong basahan ay ibaon mo na lamang ito sa lupa. Ang ginagawa ko, hindi ko na hinihintay na maluma ang akign mga damit sa aparador. Kapag alam ko naman na hindi ko na ito magagamit dahil sawa na ako o kaya hindi na kasya sa akin, sa halip na lumain ko lamang siya sa aparador ay idino-donate ko na lang. Hindi ko ginagawang basahan ang damit ko dahil tinatandaan ko ang aral na aking natutuhan. Ang damit mo ay ikaw. Kaya kapag ginawa mo itong basahan, tiyak na magiging basahan din ang buhay mo.

 

Isa pa sa natutuhan ko ay ang maging presentable sa lahat ng pagkakataon. Ayon sa matandang kasabihan, kahit raw nasa bahay ka lang ay dapat maaayos ang iyong kasuotan. Huwag kang magsusuot ng sira-sira o butas-butas na damit sapagkat ito ay simbolo ng kahirapan. May katotohan sa kasabihang ito sapagkat alinsunod sa Law of Attraction, BE WHOEVER YOU WANT TO BE. Sino ba ang hindi nagnanais na maging maayos at maalwan ang buhay? Upang guminhawa ang buhay, i-set mo ang iyong isipan na ikaw ay maginhawa. I-manifest o i-reflect mo sa iyong sarili na ikaw ay maginhawa. Kung ikaw ay laging maayos–nakasuklay, naka-damit ng malinis at presentable–makatutulong ito upang ma-reprogram mo ang iyong utak na maging positibo. Kung ikaw ay nanhihilamid, marumi, at hindi presentable, parang ipinapakita mo sa mundo na ikaw ay problemado at iretable. Sabi nga ng Singaporean socialite at multi-millionaire na si JAIME CHUA, responsiblidad nating ayusin ang ating sarili sapagkat ito ay nakaka-inspire ng positibong pananaw at kompiyansa sa sarili. Kung ikaw ay masaya sa iyong sarili, ikaw ay makagagawa ng mga produktibong bagay.

 

Kaya mahalaga na maging maingat tayo sa mga bagay na ating ginagawa sapagkat ito ay nagiging repleksiyon ng ating pagkatao. Kahit ang mga simpleng kilos at gawi natin ay may malaking impact sa ating pagkatao.

 

Ayon sa great philosopher na si Lao Tzu:

 

WATCH YOUR THOUGHTS; THEY BECOME WORDS.

 

WATCH YOUR WORDS; THEY BECOME ACTIONS.

 

WATCH YOUR ACTIONS; THEY BECOME HABITS.

 

WATCH YOUR HABITS; THEY BECOME YOUR CHARACTER.

 

WATCH YOUR CHARACTER; IT BECOMES YOUR DESTINY.

 

Ang LAW OF ATTRACTION ay bahagi ng ating buhay sa pang-araw-araw. Kaya ingat sa gusto mong i-attract sa iyong buhay! (Rey de Leon)

BANGKAY SA BAKANTENG LOTE SA TARLAC, NATUKOY NA

Posted on: December 23rd, 2020 by @peoplesbalita No Comments

NATUKOY  na  sa pamamagitan ng DNA test  ang natagpuang bangkay  sa  isang bakanteng lote sa  Capas,Tarlac  na si Normandie Pizarro na isang retirado nang  Court  of Appeals Justice .

 

Ito ang kinumpirma ng National Bureau of Investigation (NBI) makalipas ang halos dalawang buwan mula nang matagpuan ang bangkay .

 

Ayon kay NBI OIC Director Eric Distor , ang  bangkay na nakita sa Capas, Tarlac noong October 30 ay hindi agad nakilala dahil  tinanggal ang mga daliri bukod pa sa pinutol ang isang kamay nito upang mawala ang kanyang finger print.

 

Nabatid na maliban sa DNA test ay isinailalim din sa iba pang pagsusuri ang bangkay upang masiguro ang kanyang  pagkakilanlan tulad ng dental records nito na nag-match sa nakalap na ebidensya ng forensic team ng NBI.

 

Batay sa inisyal na imbestigasyon,  si Pizarro ay brutal na pinatay  sa Tarlac pitong araw bago ito matagpuang bangkay noong October 30  gayundin ang inabandonang sasakyan nito sa San Simon na may bahid ng dugo. (GENE ADSUARA)

Quezon province niyanig ng magnitude 4.9 na lindol – Phivolcs

Posted on: December 23rd, 2020 by @peoplesbalita No Comments

NIYANIG ng magnitude 4.9 na lindol ang General Nakar sa probinsiya ng Quezon.

 

Ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs-DOST), naramdaman ang lindol dakong alas-2:14 ng Martes nitong madaling araw.

 

Tectonic in origin ito at may lalim na 15 kilometers ang sentro nito.

 

Naramdaman din ang nasabing lindol sa ilang bahagi ng National Capital Region. Inaalam pa ng Phivolcs kung may mga naitalang danyos sa nasabing pagyanig.

Ilang hospitals sa MM, treatment facilities naghahanda na sa COVID-19 ‘case surge’

Posted on: December 23rd, 2020 by @peoplesbalita No Comments

Handa na ang mga ospital at treatment facilities sa bansa sa harap ng inaasahang pagtaas ng mga kaso ng coronavirus disease (COVID-19) sa gitna ng mga aktibidad ngayong panahon ng kapaskuhan.

 

Sa ngayon mababa pa rin ang bilang ng mga pasyenteng may COVID-19 sa ilang ospital sa Metro Manila.

 

Ang Philippine General Hospital (PGH) may 96 ang naka-admit at nasa 200 kama ang bakante ngunit dahil may pangambang surge, naglaan ng dagdag na 100 kama ang ospital para sa COVID-19 patients mula sa dating 30 hanggang 40 na naka-admit kada araw.

 

Sinabi naman ni Lung Center of the Philippines Administrative Services Manager Antonio Ramos, nasa 28 na lang ang pasyente nila ngayon mula sa 70 COVID-19 beds na napupuno ng ospital.

 

Sa San Lazaro Hospital naman, may nasa 27 moderate at severe cases ang naka-admit ngayon.

 

Ayon sa kanilang tagapagsalita na si Ferdinand De Guzman, aabot sa 111 kama ang kapasidad ng ospital para sa COVID-19 patients.

 

Tiniyak ng ospital na tuloy-tuloy ang kanilang konsultasyon at screening para sa mga hinihinalang may COVID-19 at ina-assess kung ia-admit sila o sa bahay lang magpapagaling.

 

Naunang sinabi ni treatment czar at Health Undersecretary Leopoldo Vega na tinutugunan na ngayon ang expansion ng health capacity lalo na sa Metro Manila.

 

Pinadaragdagan na rin ulit nila ang bed capacity para sa COVID-19 patients sa mga pampublikong at pribadong ospital.

 

Magugunitang naglabas ng kautusan ang DOH sa mga ospital na taasan ang porsyento ng alokasyong kama para sa mga pasyenteng may COVID-19.

 

Para sa private hospitals, dapat may 20% bed allocation sa infected patients; habang 30% ang mandato sa public hospitals.

 

Una na ring nagbabala ang Department of Health at mga eksperto na may tsansang “surge” o pagbulusok pataas sa mga kaso ng COVID-19 sa Enero kung hindi maipapatupad ng maayos ang health protocols ngayong holiday season.

 

Aminado rin naman si Health Usec. Maria Rosario Vergeire na sa ngayon 36% pa naman ang antas ng occupancy rate ng COVID-19 beds sa buong bansa.

 

Katumbas daw nito ang kategoryang “low risk.”

Bagong strain ng COVID-19 binabantayan ng DOH

Posted on: December 23rd, 2020 by @peoplesbalita No Comments

Binabantayan na ng Department of Health (DOH) ang nai-report na bagong strain ng COVID-19 sa United Kingdom na nagresulta upang magpatupad ang iba pang European countries ng restrictions sa mga biyahe mula sa UK.

 

“According to Research Institute for Tropical Medicine (RITM), wala pa silang nakikitang bagong strain na mayroon dito sa ating bansa, based on their monito­ring,” ani Health Usec. Maria Rosario Vergeire.

 

Sa kabila nito, tiniyak ni Vergeire na hindi nagpapabaya ang DOH at patuloy nilang tututukan ang development ng coronavirus sa ibang bansa para makapaghanda agad ng aksyon ang pamahalaan.

 

Siniguro rin ni Vergeire na walang panga­ngailangan upang magpatupad ng mas istriktong travel restrictions dahil ang pinapayagan lamang sa bansa ay ang pagpasok ng mga diplomats, indibidwal na may negosyo sa Pilipinas at mga Filipino citizen.

 

Mas pinalakas din naman aniya nila ang mga hakbang na kanilang mga ipinatutupad sa pagsusuri at quarantine sa mga boarders ng bansa.

 

Nitong Sabado ki­numpirma ng UK government na may bagong strain ang sakit. Tinawag itong “VUI – 202012/01,” na unang natukoy noong Setyembre.

 

Bagama’t wala pang ebidensya na mas nakakamatay ang bagong strain ng coronavirus, pinaniniwalaan namang mas nakakahawa ito ng hanggang 70%. (ARA ROMERO)