Nilinaw ngayon ng Bureau of Immigration (BI) na hindi pa rin ligtas sa 14-day quarantine ang mga paparating na mga Pinoy sa bansa kahit negatibo na sa swab test at kahit nabakunahan pa ng Coronavirus disease 2019 (COVID-19) vaccine sa ibang bansa.
Ayon kay BI Immigration Spokesperson Dana Sandoval, sa ngayon daw kasi ay wala pa raw guidelines kaugnay ng mga indibidwal na nabakunahan na ng vaccine kaya kailangan pa rin nilang sumailalim sa quarantine.
Maging ang mga indibidwal na mayroong negatibong resulta ng RT-PCR test ay kailangan ding mag-quarantine pagdating ng bansa.
Pero patuloy na ang pakikipag-ugnayan ng BI sa iba pang polisiya ng Inter Agency Task Force (IATF) para sa mga bagong panuntunan ng pamahalaan sa mga paparating na Pinoy o mga banyaga.
Una rito, Sa panayam ng Bombo Radyo Philippines kay BI Spokesperson Dana Sandoval, sinabi nitong agad namang nilang pinababalik sa kanilang point of origin ang mga pasaherong galing sa 21 na bansa.
Dagdag niya, lahat daw ng mga paparating na mga biyaherong galing sa naturang mga bansang mayroong bagong strain ng sakit ay hindi pa papababain sa kanilang mga sinakyang eroplano at agad silang pababalikin gamit din ang parehong flight.
Kaugnay nito, makikipag-ugnayan din umano ang BI sa Bureau of Quarantine (BoQ) para malaman kung mayroon na bang mga Pilipinong nakapasok sa bans ang mayroong sintomas ng nakamamatay na sakit.
Kung maalala nagpatupad na ang bansa ng travel ban sa mga pasaherong galing mula sa 21 bansa na mayroon nang bagong variant ng COVID-19 virus.
Ang naturang ban ay epektibo na noong Disyembre 30 noong nakaraang taon at magtaapos sa Enero 15 ngayong taon.
Kabilang dito ang mga bansang UK, Denmark, Ireland, Japan, Australia, Israel, The Netherlands, Hong Kong, Switzerland, France, Germany, Iceland, Italy, Lebanon, Singapore, Sweden, South Korea, South Africa, Canada at Spain maging ang Estados Unidos. (ARA ROMERO)