IPINAG-UTOS ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte na ipagpaliban muna ang pagtataas sa kontribusyon ng mga PhilHealth members na nakatakdang ipatupad ngayong 2021.
Sinabi ni Senador Bong Go na ang katwiran ni Pangulong Duterte ay pandemic pa rin hanggang ngayon dahil sa Covid- 19.
“Pandemic tayo ngayon. Trabaho ng government na humanap ng paraan and to make easy for the people,” ayon kay Go.
Kaya nga, sinabi ni Go na pabor siya na ipagpaliban muna ang pagtataas sa kontribusyon ng mga PhilHealth members na nakatakdang ipatupad ngayong 2021.
“Base sa usapan namin ni Pangulong Duterte, sang-ayon naman po siya na ipagpaliban pansamantala muna ang pagtaas sa rates ng contributions ng PhilHealth habang may pandemya pa tayong kinakaharap,” ani Go.
Dagdag pa nito, kailangan ng Kongreso na magpasa ng batas para amyendahan ang Universal Health Care (UHC) Act, na siyang basehan ng PhilHealth sa dagdag-singil.
Ipinaliwanag ni Go na maraming nawalan ng trabaho kaya tulungan na lang muna ang mga kababayan natin lalong lalo na ang mga Overseas Filipino Workers na wala nang pambayad sa premium.
Pabor din daw si Pangulong Duterte na tustusan muna ang PhilHealth sakaling maurong ang premium hike.
Ani Go na personal siyang umapela kay Pangulong Duterte na kung maaari ay gobyerno na lang muna ang sumalo sakaling kulangin ang pondo ng PhilHealth sa mga susunod na panahon para hindi maisakripisyo ang pagpapatupad ng Universal Healthcare Law.
Sinabi ni Go na pabor din si Pangulong Duterte na huwag munang ituloy ang contribution hike bagamat ayaw niyang umabot sa puntong wala nang pambayad ang PhilHealth kaya mungkahi niya dapat ang gobyerno ang sumalo sa halip na ipasalo sa mga kababayan lalo na ang mga mahihirap at nawalan ng trabaho.
“The government, as a whole, must do its best to unburden Filipinos by shouldering the cost while ensuring that the UHC law is implemented and the services of PhilHealth are unhampered,” ani Go.
Maaalalang binatikos ang PhilHealth, na naging sentro ng kontrobersiya dahil sa umano’y malawakang katiwalian, matapos nitong ianunsiyong tuloy ang kanilang premium hike sa gitna ng pandemya.
Hindi umano bababa sa P15 bilyon ang nakulimbat ng mga opisyal nito sa pamamagitan ng iba’t ibang modus kaya wala itong karapatang magdagdag-singil, sabi ng ilang senador.
Nakausap na din ni Go si Budget Secretary Wendel Avisado kung saan nakuha niya ang pagsang-ayon nito sa kanyang paliwanag.
Samantala, ipinaalala naman ni Go sa PhilHealth na gamitin ang mga pumasok na pera sa kanila sa mga miyembro nito.
Tiniyak din ni Go na malaki ang tiwala niya kay PhilHealth President and CEO Atty. Dante Gierran na hindi siya papayag na may manakaw na pera ang ahensiya. (Daris Jose)